Kabanata 4

691 29 16
                                        

Kabanata 4: Dekalidad

Agad na inasikaso ni Mamá at Elena ang basang si Aurelius pagkauwi namin. Hindi mapakali sa paghahanda ng pampaligo ang dalawa.

"Mainit ba masyado ang tubig, Senyorito? tanong ni Elena habang nag-aabang sa labas ng pinto ng palikuran sa ibaba.

Hindi sumagot si Aurelius, marahil hindi na komportable sa ipinakikitang kagandahang-loob ng aking kaibigan. 

Bumaling sa akin si Elena na nakakunot ang noo. "Buhay pa naman siya, hindi ba?"

Nagpipigil ng tawa akong tumango. Inalo siya ni Mamá. "Baka nasiyahan si Aurelius sa ating dutsa. Hintayin na lamang natin siya rito. Ibigay mo ang mga bagong damit na iyan ni Cesar at ako naman ay ipaghahanda siya ng tsaa."

Nakangiti naman siyang sumang-ayon. Naiiling kong tinampal ang noo. Hindi na ako magtataka kung hindi na gustuhing lumabas pa ni Aurelius. Natatakot na lamang ako para sa kaniya.

"Mabuti naman ba ang pakiramdam mo, hijo?  Hindi ka naman nakararamdam ng pagbigat ng katawan o kahit ano?" si Mamá na katulad ng plano ay ginawan ng tsaa ang aming bisita.

"Magaan naman po ang pakiramdam ko, Senyora Cleofe. Maraming salamat po."

Pumungay ang mga mata ni Mamá at tinapik ang kaniyang balikat. "Pasensya ka na kay Ceres, ah? Huwag kang mag-alala. Tuturuan ko siya upang sa oras na magsama na kayo ay maalagaan ka niya." Tumango-tango pa siya at may simpatya akong tinignan.

Napakurap-kurap ako. Nasulyapan ko ang pagguhit ng ngisi sa labi ni Aurelius. Nag-init ang pisngi ko habang naiisip na ako ang sasalubong kay Aurelius sa tuwing uuwi siya at bilang isang mapagmahal na asawa, pagbibigyan ko ang mga hihilingin niya.

Sumimsim si Aurelius sa kaniyang tsaa bago sumagot. "Ayos lang po kung hindi na. Ako na lang po ang mag-aalaga sa kaniya."

Nasamid ako kahit wala naman akong iniinom. Nagkatinginan si Mamá at Elena at kapwa silang nasiyahan sa nadinig. Napapalakpak pa si Elena na  animo'y isang kandidato si Aurelius na naglahad ng kaniyang plataporma.

Umikot si Mamá at pumwesto sa aking likod. Hinaplos niya ang buhok ko at may lungkot sa mga mata akong niyakap. "Naku! Bubukod na talaga ang bunso ko! Mangungulila ako rito, Aurelius," emosyonal niyang sambit.

Pagak akong natawa. Bigla ko tuloy naalala noong pumunta ako sa Inglatera para sa isang panayam kasama ang mga propesor doon. Halos ayaw na akong pauwiin ni Mamá dahil gusto niyang makahanap ako ng mapapangasawang Briton.

"Bibisita po kami palagi, Senyora. Matutuwa rin po kami kung maglalagi kayo sa aming magiging tahanan."

"Tungkol nga pala roon... May nabanggit si Heneral Arnulfo na nagpagawa ka na raw ng bahay?" 

Umawang ang bibig ko at manghang tinignan si Aurelius. Napangiti siya nang makita ang reaksyon ko. "Opo. Matatapos na rin po iyon."

Sa ilang araw na nagkakilala kami, napatunayan niya sa aking sigurado talaga siya sa pagpapakasal sa akin katulad ng sinabi niya noong una. Ni minsan, hindi ko inalala ang kahit anong bagay tungkol sa nalalapit naming pagsasama samantalang desidido siyang masanay ako sa presensya niya.

Nagtagpo ang mga mata namin ni Elena. Tinaasan niya ako ng kilay. "Magpakasal na kayo," tahimik niyang bigkas.

Lalo tuloy akong nahirapan sa kaalamang handa na si Aurelius para sa aming dalawa habang ako ay nagdadalawang-isip pa. 

Kinabukasan, nabulabog ang aming sambahayan nang walang-pasabing dumalaw si Senyora Carolina. Natuliro si Mamá at minadali si Elena sa pagluluto ng ihahain para sa bisita.

"Sana ay nagpasabi ka, balae, nang maaga kaming naghanda. Nakakahiya naman at hindi pa ako nakagagayak nang dumating ka," ani Mamá.

Natatawang umiling ang ginang. "Walang kaso sa akin kahit ano pa ang datnan ko, balae. Gusto ko lamang bisitahin ka at si Ceres." Nginitian ako nito.

"Salamat naman kung ganoon. Naikwento ba sa iyo ni Aurelius na nanggaling siya rito kahapon?"

"Hindi niya binanggit pero may hinala na ako dahil hindi mapuknat ang ngiti kahit kinukulit siya ni Sinai."

Nanunuya akong sinulyapan ni Mamá. Napalunok ako nang bumaling sa akin si Senyora Carolina.

Inabot niya ang kamay ko at hinaplos iyon. "Maraming salamat sa pagtanggap kay Aurelius, Ceres. Nang inilahad ito sa amin ni Arnulfo ay alam ko nang nagustuhan ito ng aking anak. Nawa'y maging maganda ang buhay mag-asawa ninyo, ano, hija?"

Tipid akong ngumiti. "T-tama po kayo, Senyora."

Bumitiw naman siya sa pagkakahawak sa akin. "Malapit na kayong ikasal. Ibig-sabihin niyon ay magiging parte ka na ng aming pamilya. Marapat lamang sigurong Mamá na ang itawag mo sa akin," aniya.

Nagkatinginan kami ni Mamá. Tumango siya at sumenyas na sundin ko ang gusto ng ginang. "Magandang ideya po iyan... M-mamá."

Mahinhin siyang humagikgik. "Kay sarap pakinggan, Ceres."

Nagpatuloy ang kuwentuhan nina Mamá at Señora Carolina. Halos lahat ng iyon ay tungkol sa kasal.

Sabay-sabay din kaming nag-almusal kasama si Papá na agad din namang umalis para sa trabaho.

"Tiyak akong masusorpresa si Aurelius kapag nakita niyang isinama kita," nasasabik na bulong ng senyora.

Tumango na lamang ako at inabala ang sarili sa pagmamasid ng aming dinadaanan.

Humiling si Senyora Carolina na bumisita ako sa kanila kaya walang pagdadalawang-isip akong pinagayak ni Mamá.

Mabuti raw na pagbigyan ang ginang upang magkaroon kami ng matibay na koneksyon bilang siya ang ina ng mapapangasawa ko.

Hindi naman kalayuan sa amin ang mansyon ng mga Arsenio kaya hindi naging matagal ang biyahe. Ipinagpasalamat ko iyon dahil kahit mabait naman ang senyora, hindi ko mabatid kung bakit hindi ako komportable sa presensiya niya.

Marahil dahil iyon sa mataray na bukas ng kaniyang mukha, malayong-malayo sa palangiti kong Mamá.

"Narito na tayo, Ceres." Nilingon niya ako at nagsalubong ang kilay niya. "Ayusin mo ang iyong butones, hija," utos niya.

Bumaba ang tingin ko at napansing natanggal ang pagkabutones sa unahan ng aking damit.

Ikakabit ko na dapat iyon nang siya na mismo ang lumapit at gumawa. Napaayos ako ng tayo dahil medyo may diin ang pagbubutones ni Senyora Carolina.

Nginitian niya ako pagkatapos at tinapik ang aking balikat. "Respetadong personalidad si Aurelius. Mataas ang tingin sa kaniya ng lahat. Ngayong, ikakasal ka sa kaniya, magiging kuryuso sa iyo ang mga tao. Sa oras na mangyari iyon, umaasa akong maganda ang madidinig ko mula sa kanila. Nagkakaintindihan ba tayo, hija?"

Nanginginig ang labi kong ngumisi. "Malinaw sa akin ang lahat, Mamá," may diin sa dulong tugon ko.

Worlds Between UsWhere stories live. Discover now