Kabanata 11: Prinsipyo at Pag-ibig
Hindi na namin tinapos ang sayawan. Nais ko na rin namang umuwi lalo na't pagod at hindi pa nagpaalam kina Mamá.
Hindi ako nagpababa sa harap ng aming hacienda. Sa halip, umikot pa kami sa likod at doon ako bumaba. Walang makakakita sa amin doon dahil tago at hindi puntahan ng mga trabahador.
"Kaarawan ni Kuya Cesar sa isang linggo. Maaari kang pumunta kung gusto mo," sabi ko.
Namulsa siya at binasa ang labi. "Naroon ka?"
"Oo," tango ko.
"Pupunta ako kung ganoon." At dahil lamang doon, naghuramentado na agad ako.
Suminghap ako at tipid na ngumiti. Sumulyap ako sa daan papasok. Naintindihan niya namang kailangan ko nang umalis kaya tumango siya.
"Hintayin mo ako," turan niya. Tumango lamang ako.
Hindi pa siya kumilos kaya ako na ang naunang tumalikod. Hindi ko na siya nilingon hanggang sa makapasok na ako.
"Isa itong kahihiyan, Cesar!"
Dumagundong sa loob ng kabahayan ang sigaw na iyon ni Papá. Nanggagalaiti niyang dinuro si Kuya Cesar at nakakuyom ang isang kamao.
Nadatnan kong lumuluha si Mamá, sinusubukang pigilan ang nangyayari ngunit wala siyang magawa. Lumapit ako sa kaniya at inilayo siya roon. Saglit na bumaling sa akin ang nag-aapoy na mga mata ni Papá nang mapansin ako. Akala ko ay sisinghalan niya rin ako dahil sa hindi ko pagbibigay-alam sa kanila ng aking pag-alis ngunit hindi iyon nangyari.
Hinagod ko ang likod ni Mamá at sinubukan siyang tahanin ngunit patuloy lamang siya sa paghikbi. Nakatanaw sa amin si Kuya Cesar. Malungkot siyang ngumiti nang makita ang sulyap ko.
"Hindi ka nag-iingat! Batid mo ba ang iyong ginawa?! Tiyak na hahamakin tayo ng mga tao dahil nakabuntis ka ng isang hampas-lupa!"
Nanlalaki ang mga matang bumaling ako kay Papá. Tila nabingi ako sa kaniyang ibinunyag kaya hindi ko ganoong naintindihan ang lahat.
Nang lingunin ko si Kuya Cesar ay napayuko lamang siya, hindi pa rin natitinag. Bumalik ako kay Mamá nang lumakas ang kaniyang mga hikbi.
"M-mamá, may katotohanan ba ang sinabi ni Papá?" naluluha kong tanong.
Humikbi siya at tumango. "M-may... karelasyon ang i-iyong kapatid, Ceres. N-nito lang namin nalaman." Binaon niya ang kaniyang mukha sa kaniyang mga palad at doon humagulgol.
Ang tinutukoy ba nilang karelasyon ni Kuya Cesar ay si Roselia? Siya ay nagdadalang-tao at si Kuya ang ama? Kung ganoon nga ay hindi malabong itakwil siya ni Papá!
Bilang isang gobernador at nagmula sa isang prominenteng pamilya, isang kahihiyan iyon para kay Papá. Ang kaniyang unico hijo na siyang dapat na susunod sa kaniyang yapak ay nahulog sa isang dalagang hindi kabilang sa alta sociedad.
Suportado ko sina Kuya Cesar at Roselia at kung magkakaroon na nga sila ng anak ay isa iyong magandang balita ngunit hindi para kay Papá. Maapektuhan maging ang kredibilidad niya hindi lamang bilang puno ng pamilya ngunit pati na rin ng lalawigang kaniyang pinamumunuan.
Nababahala rin ako para kina Kuya Cesar at Roselia. Tiyak na paglalayuin sila. Ngunit kailangan nila ngayon ang isa't isa lalo na't may buhay sa sinapupunan ni Roselia.
"Hindi ito maaaring malaman ng iba! Mananatili itong sikreto ng ating pamilya! Hiwalayan mo na ang babaeng iyan, Cesar!" si Papá, napasabunot sa buhok dahil sa sobrang pagkabigo.
Doon nag-angat ng tingin si Kuya Cesar. Nag-igting ang kaniyang panga at determinadong umiling.
"Mahal ko si Roselia. Hindi ako makikipaghiwalay sa kaniya," mahinahon ngunit may diin niyang tugon kay Papá.
YOU ARE READING
Worlds Between Us
Historyczne| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...