Kabanata 25: Tanging Kapayapaan Lamang
Mabibigat ang mga hakbang ni Papá palapit sa amin. Dali-dali siyang bumaba nang makita kami sa ganoong sitwasyon. Marahas niya akong hinigit na ikinaigik ko.
"Carlos! Huwag mong sasaktan ang bata!" si Tiya Fatima na nakasunod sa kaniya.
Itinago ako ni Papá sa kaniyang likod at dinuro si Pacifico. Nangingilid ang mga luha ko habang pinagmamasdan si Pacifico na kalmado pa rin.
"Layuan mo ang anak ko! Wala kang puwang sa buhay niya!"
Hinigit ko si Papá. "Tama na, Papá!"
Hindi niya ako pinansin at mas hinigpitan ang kapit sa akin. "Mahal ko po si Ceres, Gobernador Carlos," sambit ni Pacifico.
Pagak na natawa si Papá. "Walang karapatan ang isang tulad mong walang maipagmamalaki na maambunan ng pagmamahal ng isang Veridiano!"
Dinaluhan ako ni Tiya Fatima at kinuha mula kay Papá. Binitawan naman ako nito ngunit nanatili ang nag-aapoy na mga mata sa kaharap.
Tumango si Pacifico. "Para po kasi sa akin, sapat na ang ipagmalaki si Ceres."
Nakita ko ang pagkatigil ni Papá. Maging si Tiya Fatima ay napatingin sa kanila. Lumunok si Pacifico at sinulyapan ako.
"Ang hirap po kasing maging parte ng mundo niya at ngayong kahit papaano ay nakatapak na ang isa kong paa, itinuturing ko na ring pag-apak sa buwan na hindi ko naman talaga tuluyang mararating hangga't hindi ako ang mundong kaniyang iniikutan," pagpapatuloy niya.
Nilukob ng kalungkutan ang puso ko. Bumigat ang aking pakiramdam at ang gusto ko na lamang ngayon ay makiusap kay Papá na pagbigyan ako sa isang ito dahil hindi ko alam kung mararamdaman ko pa ang ganitong kalungkutan kahit masaya.
Nilingon ko si Tiya Fatima na bumuntong-hininga sa aking gilid. "Carlos, hayaan mo na sila."
Natauhan naman si Papá at bumahang muli ang galit sa mukha. Tinalikuran niya si Pacifico na matiim akong pinagmamasdan.
"Hindi maaari, Fatima." Hinigit niya akong muli at kinaladkad papasok ng mansyon.
Hindi na ako nagpumiglas dahil batid kong kahit ano ang gawin ko ay hindi na ako makatatakas pa. Sinalubong kami ni Elena na walang kaalam-alam sa nangyayari.
Niyakap niya na lamang ako nang binitawan ni Papá, umiiyak. Nag-angat ako ng tingin nang natanaw ang galit ni Tiya Fatima para kay Papá.
"Bakit hindi maaari, Carlos?! Ikaw ang ama niya! Ikaw dapat ang higit na umiintindi kay Ceres!" bulalas ni Tiya.
Nag-igting ang bagang ni Papá. "Ginagawa ko lamang ito para sa kapakanan niya, Fatima. Ano bang hindi mo maintindihan doon?"
"Pero dahil sa ginagawa mo, hindi mo na naiisip na sinasaktan mo na siya!"
Dumating si Kuya Cesar at sinubukang awatin sila pero dahil parehong galit, hindi siya umubra. Napailing na lamang ang aking kapatid na biguan.
"Hindi habang-panahong dito lamang iikot ang buhay ni Ceres! Kailangan mo rin siyang palayain!"
Pagod na umiling si Papá at mariin na napapikit. "Kapag pinalaya at hinayaan ko sila ng lalaking iyon, masasaktan lamang siya," pagdadahilan ni Papá sa mahinang boses.
"At ako? Hindi naman ako nasaktan nang palayain mo, ah?"
Pekeng ngumiti si Tiya Fatima. Natigil ang mga luha ko at nanlalaki ang mga matang sila ay binalingan. Umawang ang bibig ni Papá, natigilan din tulad namin.
"Kailan ka ba matututong bitawan ang mga taong gustong-gusto nang kumawala sa iyo? Hindi mo pa ba nakukuha hanggang ngayon? Natagpuan ko ang kapayapaan ng aking puso nang mawala na sa 'yo," nanghihinang bulong ni Tiya Fatima.
Nang hindi nakasagot si Papá ay tinalikuran niya na ito at umakyat papunta sa kaniyang silid. Sa hagdan ay nakasalubong niya pa ang naestatwang si Mamá.
Bago makalagpas si Tiya Fatima ay tinawag siya ni Mamá. "A-ate..."
Bumuntong-hininga si Tiya Fatima. "Magpapahinga na ako, Cleofe. Nakakapagod ang araw na ito." Tuluyan na siya nitong nilagpasan.
"Papá..."
Nilingon ako nito, bakas sa mata ang sakit. "Hindi ka na maaaring makipagkita pa sa lalaking iyon. Nalaman ko ang ginawa mong hindi pagpapadala ng sulat kaya ako na mismo ang umasikaso. Nakarating na sa akin ang tugon galing sa isang unibersidad ng Medisina sa Espanya. Aprubado na ang pagpasok mo roon, hindi maaaring mawala ang pagkakataong ito, Ceres."
Nagkulong ako sa aking silid, pilit tinatanggap ang aking kapalaran. Lumipas na ang bagyo kaya kitang-kita na ang mga nagkikislapang bituin ngunit hindi man lang nito nagawang pagaanin ang aking nararamdaman. Kahit ganoon, pinagpatuloy ko ang pagmamasid sa kalangitan.
Namalayan ko na lamang na kasama ko nang nakamasid si Mamá. Napatingin ako sa kaniya nang bumuntong-hininga.
"Hirap mag-anak ang mga magulang namin kaya nag-ampon sila ng isang babae. Nang mag-ampon sila ay himalang nagdalang-tao ang aming ina," kwento niya.
"Para sa amin ni Ate Fatima, tunay kaming magkapatid. Sa isa't isa namin sinasabi ang aming mga sikreto. Lagi niyang ikinukwento sa akin si Carlos hanggang sa nakilala ko rin siya. Nahulog sila sa isa't isa. Ako rin naman kaya lang, nag-iisa. Hanggang sa ipagkasundo kami ni Carlos na magpakasal. Hindi tumutol si Ate kasi balak niya namang maging madre. Nang ikinasal kami, naroon siya at pagkatapos ay nanirahan na sa Maynila."
Umawang ang bibig ko nang masulyapan ang pangingilid ng luha niya. "N-natutunan niya akong mahalin, Ceres. Kaya wala akong pinagsisisihan sa hindi ko pagpapaubaya kay Ate Fatima," hagulgol nito.
Nakaramdam ako ng pagkahabag sa kanilang tatlo dahil labis ang kanilang pinagdaanan. Hindi ko kailanman naisip na ganoon ang nangyari sa kanila dahil maayos naman ang trato nila sa isa't isa.
Marahil nahilom na ng panahon ang mga sugat. Naging pilat na lamang ang mga aral na iniwan ng masasakit na alaala.
Binulabog kami ng malalakas at sunod-sunod na katok. Natagpuan namin ang balisang si Elena.
"Kailangan ninyong makita ito," sambit nito sa mabigat na tono.
Nagmamadali kaming bumaba. Nadatnan namin sina Papá at Kuya Cesar na kapwa seryosong inaantabayanan ang pinanonood.
Tanging ang tunog lamang na nagmumula sa aming telebisyon ang madidinig. Lahat kami ay pigil ang hininga habang hinihintay ang susunod na sasabihin ng pangulo.
"As of 21st of this month, I sign Proclamation No. 1081, placing the entire Philippines under Martial Law."
Ang noon ay bali-balita lamang, nabigyan na ng tunay na tinig. Ang pagbabagong pilit na hinahadlangan ni Papá, naisakatuparan na.

YOU ARE READING
Worlds Between Us
Fiction Historique| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...