Kabanata 6: Pulseras
"Bago ka lang dito, Iko?"
Hindi siya kumibo. Tinapunan niya lamang ako ng tingin. Tumikhim ako. "Ngayon lang kasi kita nakita kaya—"
"Pacifico..." Suminghap siya habang pinagmamasdan akong tulala sa kaniya. "Iyon ang ngalan ko."
Pamilyar talaga siya sa akin lalo na ang mga mata niya. Ilang taon ba akong nawala at bakit halos malimutan ko na ang lahat dito?
Bumuntong-hininga ako. Marahil iniisip ko lang ang lahat at hindi ko naman talaga kami nagkita noon dahil imposibleng hindi ko siya makilala kung sakali.
"Nauna nang umuwi ang... nobyo mo. Hindi ka pa ba susunod sa kaniya? Marahil ay hinahanap ka na sa inyo."
Manghang nag-angat ako ng tingin nang magsalita siya. Umiling ako. "Hindi ko siya nobyo," pagtanggi ko.
Nakita ko ang pag-iisang linya ng kaniyang labi. "Ang mayamang iyon?"
"H-hindi naman ako tumitingin sa yaman ng isang tao."
Natahimik siya saglit pero nanatili sa akin ang tingin, tinitimbang ang ekspresyon ko. "Kung ganoon... maaari ba sa iyo ang isang tulad ko?"
Napakurap-kurap ako. Dumilim ang kaniyang mukha at umiling. "Hindi mo naman iyon kailangan sagutin. Nagbigay lamang ako ng halimbawa."
Tumayo ako nang ambang aalis na siya. "Puwede naman... ang tulad mo, Pacifico..."
Dahan-dahan siyang tumango, may paglalaro sa mga mata. Ngumiso siya, pinipigilan ang ngiti. Napangiti ako.
'Delikado, Ceres.' sabi ng munting tinig sa aking isipan na maya-maya ko nang nadidinig magmula noong... nakita ko siya.
"Oh? Maayos na ba ang iyong lagay, Senyorita Ceres?" bungad ni Mang Ruben na may paghihinalang sumulyap kay Pacifico.
Pinigil ko ang ngiti nang nag-iwas ito ng tingin. "Mabuti na po. Nais ko na po sanang umuwi... kung—" Tinanaw ko si Pacifico na lumabas na ng kubo. "—ayos lang po. Nag-aalala na po si Elena."
"Oo naman, Senyorita. Ihahatid ka ni Iko."
Inakay ako ni Mang Ruben palabas. Nadatnan namin doon si Pacifico na hila ang isang batang kabayo. Naglahad siya sa akin ng kamay. Malamig ang kaniyang palad at napansin niya iyon dahil nagtagal ang tingin ko.
"B-bitawan mo na."
Nagkatinginan kami kaya nag-iwas ako ng tingin at sinubukang sumampa. Dapat ay kaya ko na iyon nang mag-isa dahil mababa lang naman ngunit nahirapan pa rin ako dahil na rin siguro sa sugat.
Kinabig niya ang aking baywang at itinaas ako. Sumakay siya sa likod. "Ayos lang ba ito? Pasensya na," bulong niya.
"Ayos lang naman, Pacifico. Bakit naman hindi?"
"Amoy-pawis ako, Senyorita. Kagagaling lamang sa trabaho."
Ngumuso ako at binalewala ang paghuhuramentado. "Hindi naman, Pacifico at... gusto ko nang umuwi."
Nasundan pang muli ang pagbisita ko sa tubuhan. Lagi kong naabutan doon si Pacifico, abala siya sa mga alagang baka. Tanaw ko lamang siya mula sa kubo at kung minsan naman ay kinakausap ko.
Hindi ko nga alam kung alam niyang nandoon ako. Tahimik lamang kasi siya at hindi palakibo. Ngunit may mga pagkakataon namang dinadaluhan niya ako at binibisita sa kubo.
At mula sa araw-araw kong pagbisita roon, hindi ko na namalayang nag-ugat na sa aking puso ang kaniyang presensiya at pagiging misteryoso.
"Mamá, may... mga bago ba tayong... trabahador?"
YOU ARE READING
Worlds Between Us
Historical Fiction| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...