Kabanata 16

340 16 1
                                    

Kabanata 16: Mga Rason

Sa gabi ring iyon, bumuti na ang lagay ko kaya nakasama na sa munting pagtitipon na ipinatawag ni Papá. Dahil siguro nakapagpahinga na naman akong muli pagkatapos umalis ni Pacifico.

Naroon ang mga Arsenio at ang dalawang tagapangasiwa sa gaganaping kasal. Ngunit kahit anong saya at pagkasabik ang nararamdaman ng bawat isa, hindi ko magawang sumabay sa kanila.

"Nasaan ang inyong panganay, kumpadre? Hindi ko na siya nabati noong kaniyang kaarawan dahil naging abala na siya sa mga bisita," siyasat ni Heneral Arnulfo na nakangising inaalog ang kaniyang kopita.

Hindi na bumalik si Kuya Cesar pagkatapos madinig ang balita ni Pitoy. Maging kami ay nabigla sa nangyari. Kalunos-lunos ang kinahantungan ni Roselia at ng buhay sa kaniyang sinapupunan.

Hindi biro ang mawalan ng mag-ina kaya naiintindihan ko kung hindi muna makababalik si Kuya Cesar. Tiyak kong pagbabayarin niya ang sinumang pumatay sa kaniyang kasintahan lalo pa't dinadala nito ang kanilang anak.

Nais ko rin sanang bumisita sa tahanan ng mga Salve at alamin ang kalagayan ng pamilya ni Roselia ngunit dahil sa sitwasyon ko ngayon, imposibleng pahintulutan ako.

"May inasikaso ang aking anak kaya't hindi siya makakadalo."

Maging si Papá na tutol kina Kuya Cesar at Roselia ay nabigla sa balita. Kaya nang malaman niyang umalis ang aking kapatid ay hindi na siya nag-usisa pa.

Tahimik lamang ako kahit nag-umpisa na ang pagpupulong. Ang katabi kong si Aurelius ay wala ring kibo ngunit sumasagot naman kahit papaano sa tuwing tinatanong.

"Minadali talaga namin ang paghahanda tulad ng hiling ni Gobernador Carlos ngunit asahan ninyong enggrande pa rin naman ang lahat," pagtitiyak ni Marita, ang punong-tagapangasiwa.

Inilahad nila sa lahat ang plano para sa aming kasal. Puti at rosas ang tema mula sa seremonya hanggang sa pagdiriwang. Pili lamang ang mga binigyan ng imbitasyon, ilang kakilala ng dalawang angkan at ang mga kamag-anak.

Ang mga putaheng ihahain ay iluluto mismo nina Mamá at Elena. Nais ng aking ina na makasigurong magugustuhan iyon ng mga dadalo.

Dahil na rin isa itong malaking kaganapan para sa aming lalawigan, tiyak na hindi ito palalampasin ng mga kritiko ng pamumuno ni Papá. Magpapadala ng ilang sundalo si Heneral Arnulfo upang mapaigting ang seguridad.

Napalakpak si Papá nang madinig ang ulat ng dalawa tungkol sa paghahanda. "Magaling. Bueno, inyo na bang ipinagbigay-alam kay Padre Luis ang araw ng seremonya?"

Si Padre Luis Suarez ang kura ng Parokya ni San Francisco de Asisi kung saan gaganapin ang nakatakda naming pagiisang-dibdib. Malapit ang aming pamilya sa naturang padre dahil matalik na kaibigan ng aming ninunong sina Senyor Aquilus at Senyor Icarus ang kaniyang mga ninuno.

"Nasabihan na po namin si Padre Luis at pumayag na siya sa hiling ninyong siya ang magkasal sa dalawa."

"Kung ganoon, tuloy na tuloy na ang inyong pagiisang-dibdib sa susunod na linggo. Marapat lamang siguro na magsukat na kayo ng inyong susuotin."

Sa susunod na linggo ay tuluyan na akong maitatali sa kasunduang ito. At sa araw na iyon, matutuldukan na ang anumang sinisimulan namin ni Pacifico.

Napagkasunduan ng lahat, maliban sa aming dalawa ni Aurelius, na bukas magsukat ng damit para sa kasal. Kami ay dadaluhan nina Mamá at Senyora Carolina upang matulungan kami sa pagpili. Tulad ng nakagawian, magkahiwalay kami ni Aurelius sa pagpili ng kasuotan upang hindi niya ako nakita at matuloy raw nang mapayapa ang aming kasal.

Magkasabay kaming naglalakad ni Aurelius papunta sa kanilang sasakyan. Payapa ang kalangitan ngunit hindi ang aking nararamdaman.

Sa mga pagkakataong wala kang pagpipilian, mabuti na lamang sigurong ipaubaya sa Maykapal ang lahat at umasang hahayaan Ka niyang makatawid sa isa pang daan. Mananalig na lamang hanggang sa dumating ang araw na pagbigyan ka at makarating na sa kabilang dulo ng daang ginawa Niya.

Tumikhim si Aurelius na sa kauna-unahang pagkakataon ay binasag ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. "Ano ang ibig-sabihin ng iyong pananahimik? Isa ba itong rebelyon? Pagpapahiwatig na hindi mo nais na dalhin ang aking apelyido?" Mapait siyang ngumisi.

"Iyan ba ang iyong tingin?"

"Ako ba'y nagkakamali?"

Nagtiim-bagang ako. "Hinihintay ka na nila."

Lumambot ang ekspresyon niya at hinaplos ang aking pisngi. "A-aurelius..."

"Akin ka, Ceres. Kahit pa hindi ako ang mahal mo, sa akin ka ikakasal."

Hindi ako nakakibo kaya nilampasan na niya ako. Pinanood kong lisanin ng kanilang sasakyan ang aming lupain. Nauna nang pumasok sina Mamá at Papá sa loob samantalang nagpaiwan naman ako.

Hinayaan kong tangayin ng hangin ang aking buhok. Hinayaan ko ang sariling magtiis na lamang sa pakiramdam na iyong maikukumpara ko na rin naman sa salitang payapa.

Walang buhay ang mga mata at nakakuyom ang mga kamao. Sa ganoong kalagayan ko nadatnan si Kuya Cesar na kakauwi lamang. Naging mabibigat ang kaniyang mga hakbang nang makatagpo ang aking mga mata.

"Kuya..." kasing-hina ng bulong ng hangin, tinawag ko siya.

At sa oras na iyon, tumakas ang mga luha sa kaniyang mga mata. Walang emosyong mababasa sa kaniyang mukha, tahimik siyang tumangis.

Hindi na niya nagawang humakbang pa dahil sa lugar na hinintuan niya, napaluhod na siya sa bigat ng dinadala.

Dinaluhan ko siya at kahit papaano, sinubukang pagaanin ang kaniyang pakiramdam. Nang mahimasmasan, nagawa niya nang magsalita at isalaysay ang nadatnan.

"T-inad—tad siya n-ng saksak, C-ceres... N-nakahandusay siya at duguan—" Humikbi siya. "—Nang m-makita ko. A-ang anak n-namin... hindi ko man lang n-nagawang masilayan."

Hinayaan ko siyang humagulgol. Niyakap ko siya upang maramdaman niyang hindi siya nag-iisa. Batid ko ang kaniyang panghihina dahil halos tumumba na siya.

Ang mga mata niya, nakakakita pa naman ngunit halos mabulag na sa mga luha. Ang puso niya, tumitibok pa rin naman pero tila nilisan na siya ng buhay.

"Huwag mong hayaang patayin ka ng pangyayaring ito, Kuya Cesar. Sinusubok ka at kailangan mong tumugon. Hindi maaaring habang-buhay ay lugmok ka. Lumaban ka," pag-aalo ko sa kapatid na nagdadalamhati.

Umiling siya, ang mga luha ay patuloy sa pagdausdos sa kaniyang pagod na mukha. Sa nanghihinang boses, bumulong siya sa akin. "Wala na akong rason, Ceres... Wala na..."

Worlds Between UsWhere stories live. Discover now