Kabanata 40: Pintig
Kasama si Tiya Fatima at si Kapitan Morales, tumungo kami sa Club Filipino para sa nakatakdang inagurasyon ni Ginang Cory. Nadatnan namin doon ang mga pro-Aquino na nagbabantay. Isa na roon ang asawa ni Kapitan Morales kaya agad namin siyang nilapitan.
"Si Melchor, Anissa?" tanong ng kapitan.
"Pumunta sila ng kaniyang mga kasamahan sa Broadcast City kaninang alas sais ng umaga."
Bumaling sa akin si Ginang Anissa at may simpatyang ngumiti. "Sister Ceres, nabalitaan ko ang nangyari sa inyong ama..."
"Kasalukuyan na po siyang nasa ospital. Naroon na ang aking ina at... si Julio, naagbabantay." Bahagya akong nahiya nang mabanggit ang anak niya na ako ang dahilan kung bakit napasama sa Malolos.
Napansin iyon ni Ginang Anissa kaya ngumiti siya at hinawakan ang kamay ko. "Huwag mong alalahanin ang aking anak, Sister. Masaya ako at nakatutulong siya sa inyo."
Nagpatuloy ang aming kuwentuhan hanggang sa dumating si Ginang Cory. Pinangunahan ni Atty. Neptali Gonzales ang inagurasyon sa pamamagitan ng pagbabasa ng resolusyong ipinoproklama sina Ginang Cory bilang Pangulo at ang dating senador na si Sen. Salvador Laurel bilang Ikalawang Pangulo.
Saksi roon sina Senior Associate Justice Claudio Teehankee at Associate Justice Vicente Abad Santos. Naroon din ang mga bagong talagang sina Defense Secretary Enrile at AFP Chief-of-Staff Ramos.
Ilang sandali lamang ay umere si Pangulong Marcos sa telebisyon upang magdaos din ng kaniyang inagurasyon ngunit bago niya pa mabanggit ang naglalakihang bilang ng mga tao sa labas ng Malacañang, naputol ang broadcast.
"Anong nangyari?" nagtatakang tanong ni Kapitan Morales.
"Nawalan po ng signal ang RPN-9, Kapitan."
"Tignan mo sa BBC Channel 2 at IBC-13."
Sinunod naman ito ng pulis na kasama namin ngunit katulad ng sa nauna, wala ring signal ang mga iyon. Nagsimulang umugong ang mga haka-hakang ang mga sundalong pumunta kanina sa Broadcast City ang may pakana ng pagkawala ng broadcast. Natahimik ang lahat nang mailipat ang channel sa PTV-4 at GMA Network na kapwa patuloy sa pag-ere.
"Ayaw talagang pakawalan ni Marcos ang posisyon," utas ni Kapitan Morales habang kami ay nagpapahinga pagkatapos ng hapunan.
"Madami naman siyang nagawang ikinaunlad ng bansa natin, Rigor."
Nagsalubong ang kilay ng kapitan at hindi makapaniwalang binalingan ang asawa. "Akala ko ba ay sa panig tayo ni Pangulong Cory?"
Natatawang sinulyapan ako ni Ginang Anissa nang mapansin ang pakikinig ko sa kanilang usapan. "Oo naman, Rigor. Ipinaaalala ko lamang sa iyo ang bagay na ito. Hindi tayo sumali sa rebolusyon dahil kinamumuhian natin si Marcos. Ang tanging hangad lamang natin ay madinig."
Lumambot ang ekspresyon ni Kapitan Morales at masuyong inakbayan ang asawa. "Patawad, mahal ko."
"Ikaw ba, Sister Ceres? Bakit ka humantong sa pagiging madre? Hindi ako maniniwalang walang nanligaw sa 'yo... kung iyan ang sasabihin mo."
Nagkatinginan kami ni Tiya Fatima sa naging tanong ng ginang. Nanlaki ang mga mata nito, tila may napagtanto. "Masyado bang personal ang tanong ko? Naku! Pasensya na. Ayos lang kahit huwag mo nang sagutin, Sister. Naiintindihan ko," bawi nito.
Mahina akong natawa at umiling. "Ayos lang po. Uh... Nasawi po kasi ang... kasintahan ko noon sa pagsabog ng sinasakyan niyang barko kaya..."
Napatakip ito ng bibig. "A-ang saklap naman pala..."
Ngumiti na lamang ako kahit nag-iinit ang sulok ng aking mga mata habang inaalala ang mga panahong halos mabaliw ako sa kakahanap ng katawan niya at hanggang ngayon, kahit madaming pagkakataong nabigo, iyon pa rin ang minimithi ko.
Dahil kahit isinuko ko na ang lahat para sa amin, hindi ko makakalimutan ang lahat ng alaalang dadalhin ko hanggang sa makaharap ko ang Panginoon. Nais kong bigyan siya ng maayos na libing at ibalik sa probinsya namin, katabi ng mga labi ng kaniyang magulang.
Noon, nang nagsisimula pa lamang umukit sa akin ang pagkawala niya, hindi ko maiwasang isiping kasalanan ko ang nangyari sa kaniyang pamilya at sa kaniya. Ang pagkamatay ng kaniyang ama at ina ay kapwa dulot ni Aurelius ngunit batid kong ako ang rason dahil hindi ko kailanman nasuklian ang pagmamahal niya.
Sa kabila ng pagsisisi, nais kong malaman niyang hindi kasama roon ang mahalin siya. Ang hindi ko lamang matanggap ay ang pag-ibig niya para sa akin ang nagdulot ng kasawian ng kaniyang buhay.
Hindi ko matanggap na ako ay naririto pa rin-- buhay na buhay-- at siya ay nasa gitna ng mga kawalan, hindi na magpapakita pa sa akin kahit ilang beses pa akong humiling na sana... ang susunod na taong makadaupang-palad ko ay... siya na.
Napakurap-kurap ako at pinilit na tikisin ang emosyon. Nag-angat ako ng tingin nang lapitan kami ng pulis kanina. "Kapitan, hinahanap po kayo ng mga tao. Nakapuwesto sila sa mga kabahaan ng Mendiola, Recto at Legarda," balita niya.
Napatayo ang mag-asawa. "Tutungo kayo roon? Sasama kami."
"Kami rin po."
Sinulyapan ako ng pulis bago binalingan si Tiya Fatima. "Kailangan daw po kayo ngayon sa ospital. Sugatan si Cesar mula sa pag-uulat niya sa Malacañang."
"Saang ospital?"
Hindi ko na narinig ang sagot ng pulis dahil nagkukumahog akong sumunod kay Tiya Fatima. Nag-alok naman itong ihahatid na lamang kami roon kaya walang pag-aalinlangan kaming pumayag.
Malakas ang kabog ng dibdib ko habang papalapit kami sa destinasyon. Umiiyak na si Tiya Fatima sa aking gilid na lalong nagpabigat ng aking pakiramdam. Nang makarating kami ay halos madapa kami sa bilis ng aming mga hakbang. Hindi ko na rin nasundan kung nakapagpasalamat kami sa tumulong na pulis na kalaunan ay sumama rin pala sa amin sa loob.
"Maaari ba naming malaman kung saan nakalagak si Cesar Veridiano?" tanong ni Tiya sa nars na sumalubong sa amin sa entrada.
"Kamag-anak po niya kayo? Narito po siya."
Sinundan lang namin ang nars hanggang sa iwan niya kami sa kinaroroonan ng aking kapatid. May gasgas ang pisngi nito at may tama ng baril sa binti. Maluha-luha ko siyang nilapitan at niyakap.
"K-kuya..."
Lumukob sa akin ang takot na iyon nang makita ko siyang nasa ganitong kalagayang tulad noon. Hinaplos niya ang buhok ko at tinahan. "Patawad, Ceres," bulong niya.
"Ikaw pala ang nagligtas dito kay Cesar. Mabuti at tinawagan mo ako," dinig kong sambit ng kasama naming pulis sa kung sino mang nagdala rito kay Kuya.
Kumalas ako sa yakap at inayos ang aking sarili para pasalamatan ang taong iyon. "Maliit na bagay lamang ito, Fernan. Kahit sino ay gagawin iyon kung kailangan."
Nanigas ako nang madinig ang pamilyar na baritonong boses na iyon. Kakatwa, pinaglaruan na naman ako ng tadhana.
Dahan-dahan ang pagpihit ko paharap at halos panawan ako ng kaluluwa nang magtagpo ang aming mga mata. Bumaba ang tingin ko sa kaniyang palapulsuhan at mapait na napangiti dahil suot niya pa rin ang ibinigay kong pulseras.
"The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH.
Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan.
![](https://img.wattpad.com/cover/221674133-288-k81325.jpg)
YOU ARE READING
Worlds Between Us
Historical Fiction| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...