Kabanata 26

323 14 2
                                        

Kabanata 26: Pagsalakay

Naging abala si Papá sa mga tawag ng ilang kakilala. Hindi na namin siya makausap pagkatapos mapanood ang pag-anunsyo ng Pangulo. Kahit sa hapunan ay hindi siya nabakante.

May koneksyon siya sa loob ng Senado kaya kahit pa noon, nakasasagap siya ng balita sa balak na pagpapatupad ng Batas Militar. Matagal niya nang ipinahayag ang pagtutol doon kaya kahit ang mga matataas na opisyal ay kilala na siya at ang kaniyang ipinaglalaban.

Sa ilalim kasi ng Proklamasyon Bilang 1081 ay magiging malakas ang kapangyarihan ng pwersang militar upang bigyang-proteksyon ang bansa laban sa banta ng mga komunista. Naging madalas din kasi ang mga naitalang pagsabog sa iba't ibang lugar at panganib sa mga matataas na opisyal.

Nauna na ring sinuspinde ang Writ of Habeas Corpus nang magkaroon ng pagsabog sa Plaza Miranda sa kalagitnaan ng pangangampanya ng Partidong Liberal para sa eleksyon noong taong 1971. Ang pagsuspinde nito ay nagbibigay ng karapatan sa mga kapulisang arestuhin ang sinuman kahit walang isyu ng warrant of arrest.

Labis iyong tinutulan ng nakararami dahil sa takot na iyon ang magbukas ng pinto para sa Batas Militar kaya nag-protesta at sa huli ay ibinalik na rin.

Bago pa mangyari ang naturang insidente ay kumalat na rin ang mga balita tungkol sa pagbago sa istilo ng pamahalaan mula 'pampanguluhan' patungong 'parliyamentaryo'. Kapag naisakatuparan ito ay ang pangulo ang siya ring magiging Prime Minister ng bansa at mapahahaba pa ang kaniyang panunungkulan.

"Magpahinga na tayong lahat. Ipagpabukas na lamang natin ito," suhestiyon ni Mamá.

Walang nagawa si Papá kundi sumunod na sa kaniya at magpaalam sa kausap. Hindi ako nakatulog agad kahit tahimik na ang paligid.

Bumabagabag pa rin sa akin ang pagbabagong ito. Ganoon naman talaga siguro, ano? Sa tuwing may dumarating na bago, pinagdududahan natin kung makabubuti o hindi, kung makasasama o makabubuti.

Nanatili si Papá sa kaniyang opisina nang mag-umaga. Lumabas lamang siya nang may dumating na bisitang pamilyar sa akin ngunit hindi ko pa nakikita sa personal.

"Sino iyon, Kuya?" tanong ko sa kapatid na tulad ko ay nakaabang sa entrada at pinanonood ang si Papá na igiya sa kaniyang opisina ang panauhin.

"Rolex 12..." bulong niya.

"Ano 'yong Rolex 12, Kuya?"

Umigting ang panga niya at inaya na ako sa hapag, hindi sinagot ang tanong ko. Si Mamá naman ay nasamahan na kami sa almusal dahil magaling na rin ang sugat dahil sa mga iniinom na gamot.

Dumalo si Tiya Fatima sa hapag ngunit hindi kagaya kahapon, tahimik siya ngayon. Matamlay ang bawat subo at hindi nag-aangat ng tingin.

Nagkatinginan kami ni Kuya Cesar at tila napansin niya rin ang tensyon. Hindi lumilipas ang isang minuto nang hindi ako sumusulyap kay Tiya Fatima.

Kapansin-pansin ang malaking pagbabago niya buhat sa nangyari kahapon. Kilalang palakibo iyang si Tiya kaya nakakapanibago ang ipinapakita niyang katahimikan.

Nang matapos kami kumain ay dumiretso agad siya sa kaniyang silid. Hindi katulad noon na nag-aayang mamasyal sa Sentro o 'di kaya ay sa aming bakuran.

Mahina akong kumatok sa kaniyang silid. Hindi niya ako pinagbuksan kaya nagpasyang magpakilala.

"Tiya? Si Ceres po ito," tawag ko mula sa labas.

Nakita ko na lamang ang dahan-dahang pagpihit ng seradura at pagbukas niya niyon. Bumungad sa akin ang mapaghinalang mga mata ni Tiya Fatima.

Worlds Between UsWhere stories live. Discover now