Kabanata 28

287 13 0
                                    

Kabanata 28: Sikreto ng Salita

"Masaya akong makita kang ligtas," may maliit na ngiting sambit ni Pacifico.

Hindi pa rin matigil ang mga luha ko habang pinagmamasdan siya. Patuloy ang pag-agos ng dugo mula sa sugat niya.

"Pakikiusapan ko si Heneral Arnulfo na pahintulutan kayong makapag-usap nang maayos."

Nilingon ko ang nagsalitang si Kuya Cesar. Tipid nitong tinanguan si Pacifico at naglakad na palayo. Binalik ko ang tingin sa loob ng selda nila at natanaw roon si Mang Ruben na may tama ng bala sa kanang balikat. Tinalian lamang ito ng puting tela upang mapigil kahit papaano ang pagdudugo.

Napatayo ako nang may dumalo sa aming armadong sundalo. Isinuksok niya ang susing hawak at binuksan ang kulungan.

Nanghihinang tumayo si Pacifico. Inalalayan ko siya nang makalabas na. Tinungo namin ang malaking puno ng Narra sa 'di kalayuan.

Kapwa kami sumandal doon at napatingala sa kalangitan. Nilingon ko siya. Mahigpit ang hawak niya sa ibinigay kong rosaryo.

"Paano ka nakasama roon?" pag-uusisa ko sa mahinang tinig.

Bumuntong-hininga siya. "Si Ama ang nagbunyag sa akin ng kanilang plano. Sa oras na ipatupad na ang Batas Militar ay susugudin nila ang kampo at ang tahanan ng heneral. Pumunta ako at patagong nagmatyag at nang... makita ang pagdating ninyo, pumuslit na ako."

Nanindig ang balahibo ko nang napagtantong kung hindi kami dumating ay hindi lalabas sa kaniyang pinagtataguan si Pacifico at hindi makukulong dito.

Napayuko ako at bumigat lalo ang pakiramdam. "P-patawad, Pacifico," hikbi ko.

Naramdaman ko ang pagpulupot ng kaniyang mga braso sa akin at pagsandal ng aking ulo sa kaniyang balikat.

Nadinig ko ang kaniyang matunog na pagngisi. "Desisyon ko iyon, Ceres. Ikaw ang... desisyon ko," bulong niya.

Mas lumakas ang aking mga hikbi. Nanatili lamang kami sa ganoong sitwasyon hanggang sa kumalma na ako.

Bakas ang natuyong dugo sa kalahati ng kaniyang mukha. Hinaplos ko ito at tinanggal gamit ang panyong ibinurda ni Tiya Fatima.

"B-bibisita akong muli."

Natagalan pa bago siya tumango. May hindi maipaliwanag na kalungkutan sa kaniyang mukha. "Tatatagan ko ang aking loob upang makita ka sa muling pagbisita mo."

Bumalik na kami nang sunduin ng isang sundalo. Pumasok na siyang muli sa loob, hawak-hawak ang ibinigay kong rosaryo at panyo.

Mabigat ang loob akong tumalikod at iniwan siya. Kapwa kami tahimik ni Kuya Cesar hanggang sa makauwi. Mahihirapan kung susubukan kong tulungan ang mag-amang Cendaña na makalaya dahil nahuli silang may armas at kasama ng mga rebelde sa paglusob.

Agad akong sinalubong ni Tiya Fatima pagkababa ko ng aming sasakyan. Bakas ang pag-aalala sa mukha nito.

"A-ano? Anong n-nangyari kay Pacifico?" balisang tanong nito.

"Maayos naman po ang lagay niya maliban sa nakuhang sugat at pagkakakulong."

Umawang ang bibig niya at napakurap-kurap. "N-nakakulong?"

Nanghihina akong tumango na ikinabagsak ng balikat niya. Iginiya niya ako sa hapag at ipinagtimpla ng tsaa. Nagmamadali akong nilapitan ni Elena nang makita.

"C-ceres, nadinig ko ang balita..."

Mapait akong napangiti. "Kung maaari lamang na mabantayan ko siya para makasigurong siya ay ligtas, gagawin ko talaga."

Napatingin ako kay Elena nang bigla itong napatayo. "Tama! Huwag kang mag-alala, Ceres. May pinsan akong sundalo na nakabase roon sa kampo. Maaari ko siyang pakiusapan na bantayan si Pacifico," suhestiyon nito.

"T-talaga?"

Mabilis itong tumango na nagpangiti sa akin. Mabuti naman at nandito si Elena. Napakalaking pabor niyon kung tutuusin ngunit kailangan ko talagang nakasiguro lalo na ngayong naipatupad na ang Batas Militar. Nababahala ako sa maaaring kahinatnan ng mag-ama at ng iba pang naroon.

Nag-angat ako ng tingin kay Kuya Cesar na kabababa lamang at nagbihis. "May lakad ka, Kuya?" bungad ko rito.

Nag-alinlangan itong tumango na ikinakunot ng aking noo. "A-aalis ako upang kitain ang isang... kakilala, Ceres."

Hindi ko maipaliwanag ang pagkabahalang naramdaman ko sa kaniyang mga salita. Pilit kong ipinagsawalang-bahala iyon. Marahil dahil lamang ito sa mga kasalukuyang nangyayari.

Umalis na rin si Elena upang pakiusapan ang kaniyang pinsan tungkol sa aming napagkasunduan. Si Tiya Fatima naman ay umakyat sa silid ni Mamá upang hatiran ito ng pagkain.

Naglakas-loob ako at tinungo ang opisina ni Papá. Dahan-dahan kong binuksan ang pinto kaya hindi niya napansin. Abala siya sa mga papeles na binabasa.

Tumikhim ako kaya nag-angat na siya sa akin ng tingin. Tinanggal niya ang suot na salamin.

"Anong kailangan mo?" gamit nito ang istriktong boses na kadalasan kong nadidinig kapag galit siya o 'di kaya'y nagtatampo.

Magagaan ang aking mga hakbang palapit sa kaniya. Nangatog ang aking mga paa nang matignan na siya nang diretso sa mata.

Suminghap ako. "M-may... hihilingin po sana ako..."

Hindi siya kumibo kaya nagpatuloy ako kahit malakas ang kabog ng aking dibdib.

"M-maaari ninyo po bang p-pakiusapan si Heneral Arnulfo na p-palayain ang mag-amang Cendaña?"

Ngumisi si Papá at humalukupkip. "Sila ang nagdala sa kanilang mga sarili sa ganoong sitwasyon kaya sila dapat ang humanap ng paraan upang makalabas," walang-awa nitong tugon.

"Ngunit si Pacifico ang nagpatakas sa atin, Papá!"

Umiling siya at itinuro ang pinto. "Maaari ka nang umalis."

Napuno ng pagkabigo ang aking dibdib. Pilit kong pinipigilan ang mga luhang nagbabadya nang tumakas mula sa aking mga mata.

Wala akong nagawa kundi lisanin na ang kaniyang opisina. Natigil lamang ako sa pagbaba dahil sa nadatnan. Nanlaki ang aking mga mabibigat na mata nang matanaw si Kuya Cesar, hawak-hawak ang kalamnan niyang nagdudugo! Tumakbo ako kahit halos madapa na sa pagmamadali.

"Kuya!"

Dinaluhan ko siya, hindi na napigilan ang pag-iyak! Natumba siya nang hindi na kinaya. Nilagay ko siya sa aking kandungan habang tinutulungan siyang diinan ang malalim niyang sugat.

Bumaba na rin sina Tiya Fatima at Mamá nang madinig ang sigaw ko. May sinusubukang ibigkas si Kuya Cesar kaya yumuko ako upang madinig siya ngunit hindi niya na kinayang magsalita kaya itinuro niya na lamang ang lamesa sa aming tanggapan kung nasaan librong iniregalo ko noong kaniyang kaarawan.

Natulala ako at hindi na namalayan ang pagdating ni Enrico Consano kasama ang ama niyang si Doktor Israel Consano. Agad na isinugod sa ospital si Kuya Cesar nang iminungkahi ni Doktor Israel na roon siya dalhin pagkatapos malapatan ng paunang lunas.

Sumama si Papá at Tiya Fatima sa ospital habang naiwan naman kami sa mansyon nina Elena at Mamá. Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at dinampot ang libro.

Binuklat ko ang libro at nasilyan ang mga pangalan na pinagpilian ni Kuya Cesar para sa yumaong anak nila ni Roselia. Nang madapo ang aking mga mata sa isang partikular na pangalan ay naisatinig ko ang taong pumasok sa aking isipan.

"Heneral Arnulfo Arsenio..."

Worlds Between UsWhere stories live. Discover now