Kabanata 27: Dalangin
Hanggang sa makaalis kami ay tanaw ko pa rin siya. Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman sa pagkakataong iyon. Ang makita siya sa mapanganib na sitwasyong katulad noon ay isang bangungot para sa akin.
"Papá! Naroon si Pacifico! Siya ang nagpatakas sa atin!" kabado kong imporma kay Papá habang sinusundan siya papasok ng mansyon.
Nag-igting ang kaniyang bagang at tinalikuran ako. Nagsimulang mangilid ang luha ko nang tumindi ang nararamdamang pag-aalala para sa naiwan doon.
Hindi niya ako pinagtuunan ng pansin samantalang gulat na napatingin sa akin si Kuya Cesar.
Nilapitan ako nito at hinawakan sa magkabilang balikat. "Sigurado ka ba sa iyong nakita, Ceres? Si Pacifico iyon?"
Mabilis akong tumango. "Oo, Kuya! Nakilala ko siya nang tanggalin ang takip sa kaniyang mukha."
Binaba niya ang kaniyang mga kamay na nakahawak sa akin. Napayuko siya at hinilot ang magkabilang sintido.
"Ngunit ano naman ang kaniyang dahilan upang sumali sa pag-aalsa ng mga rebelde?"
Natahimik ako. Nais ko sanang sabihin ang tungkol sa pag-anib ni Mang Ruben sa mga rebelde ngunit may kung anong pumigil sa akin.
Napatingin ako kay Papá. Marahas niyang ibinaba ang telepono na nagpagitla sa akin. Mariin siyang napapikit.
"P-papá, ano po bang ipinunta natin doon sa mga Arsenio?" mahinang tanong ko, nag-aalinlangan.
"Makikiusap sana ako kay Heneral Arnulfo at Aurelius na ituloy na ang inyong kasal. Iyon na lamang ang nakikita kong paraan upang mapigilan pa ito."
"N-ngunit batid ninyo namang hindi ako makapapayag kung—"
"Dahil diyan sa lalaking iyan!"
"—sakaling ipipilit ninyo dahil mahal ko si Pacifico."
Nanlilisik ang mga mata akong nilapitan ni Papá. Agad naman akong itinago ni Kuya Cesar sa kaniyang likuran. Tensyunado ang tayo ng aking kapatid.
"Pagsisisihan mo ang desisyon mong ito, Ceres!" dismayado niyang bulalas.
Umiling ako at mapait na ngumiti. "Nagkakamali ka, Papá. Sa lahat ng naging desisyon ko, dito lamang ako naging sigurado."
Hindi siya nakakibo at umangat ang tingin sa taas. Natanaw ko roon si Tiya Fatima na kanina pa pala kami pinagmamasdan.
"Hindi ko akalain na aabot ka sa ganito, Carlos. Handa kang isakripisyo ang kasiyahan ng iyong anak para sa sarili mong mga hangarin," ngisi nito habang bumababa ng hagdan.
Umawang ang bibig ni Papá at sinubukang magsalita ngunit hindi na siya hinayaan pa ni Tiya Fatima. Hinatak ako nito paalis doon. Tinungo namin ang aking silid.
Bumuntong-hininga si Tiya Fatima at napailing. "Anong nangyari kay Pacifico?"
"Hindi ko po alam, Tiya. Naiwan siya roon pagkatapos niya kaming patakasin," naluluhang pagsasalaysay ko.
Natahimik kami pareho. Namamaga na ang mga mata ko sa kakaiyak dahil sa sobrang pag-aalala at takot.
Nanganganib ang buhay ni Pacifico roon lalo na ngayong malakas ang loob ng mga militar. Hindi magdadalawang-isip ang mga iyong ubusin ang lahat ng rebelde na nag-alsa.
"Panatagin mo ang iyong puso, Ceres, at hayaang mangyari ang kalooban ng Diyos," si Tiya Fatima na sinusubukang pagaanin ang aking nararamdaman.
Inabutan niya ako ng rosaryo. Siya ang nanguna sa aming taimtim na pagdarasal. Nakapikit ako at binigay ang buong pagtitiwala sa Maykapal. Nawa'y iligtas Niya si Pacifico sa kapahamakan at ibalik sa akin ng buhay at ligtas.
Nang matapos ang aming pagr-rosaryo ay napuno ng kagaanan ang aking puso kahit naroon pa rin ang munting pangamba.
Sumilip si Kuya Cesar mula sa labas at tinawag ako. Dumagundong nang husto ang aking dibdib nang matanaw ang malungkot niyang mukha.
"Sumama ka sa akin, Ceres. Dadalhin kita sa kaniya," anyaya nito sa akin, mabigat ang tono.
Kahit hindi niya isinatinig ay batid kong si Pacifico ang siyang tinutukoy niya. Tumango ako at agad na sumama sa kaniya.
Inihatid kami ni Tiya Fatima sa tarangkahan upang masigurong hindi kami pipigilan ni Papá na tahimik lamang na nakatanaw sa amin mula sa teresa.
Mahigpit akong niyakap ni Tiya. "Dalhin mo ito at ibigay sa kaniya," abot niya sa akin ng rosaryong ibinigay sa kaniya ni Papá.
Napakurap-kurap ako at nagtataka siyang tinignan. "N-ngunit... mahalaga ito sa iyo, Tiya."
Nakangiti siyang tumango. "Mananatili naman ito sa aking mga alaala, Ceres. Hindi naman nangangahulugang hindi na ito mahalaga sa akin kapag ibinigay sa iba, hindi ba? Kaya tanggapin mo na, hija."
Hindi na rin kami nagtagal ni Kuya Cesar at lumisan na. Doon ko lamang naalala ang nalaman tungkol kay Remuel. "Kuya... n-nakausap ko si Remuel kanina at... mayroon siyang pag-aaring papel na may simbolo ng agila at lobo..."
Sinulyapan ako ng aking kapatid, naninigurado ang mga mata. "Tingin mo siya ang may pakana ng lahat ng kaguluhan sa pamilya natin?" tanong niya.
Kinagat ko ang pangibabang-labi at naalala ang tinuran pa ni Remuel tungkol sa susunod na mamamatay. Dapat ba akong mapanatag na hindi ako iyon o matakot para sa taong kaniyang tinutukoy?
"Saan mo ito nakita, Ceres?"
"N-nahulog iyon mula sa kaniyang libro."
Tumango siya. "Ako nang bahala sa impormasyong ito, Ceres."
Mabilis naming narating ang kampo ng mga militar. Humupa na ang kaguluhan ngunit may ilan pa ring naiwang bakas ng nangyaring labanan.
Abala ang mga sundalo sa pagbubuhat ng mga patay mula sa nagkabilang-panig. Mas madami ang nasawing mga rebelde kaysa militar.
Nangamba tuloy ako sa kung anong maaaring nangyari kay Pacifico. Mapanganib ang nangyaring engkuwentro kaya hindi ako nakasisigurong maayos ang lagay niya.
Sinamahan ako ni Kuya Cesar sa opisina ni Heneral Arnulfo. Naabutan namin siyang kausap si Aurelius.
"Anong maipaglilingkod ko sa inyo? Tinawag na sa akin ni Carlos na tutungo nga raw kayo rito," bungad nito sa akin.
"Nais lamang po naming makita ang mga nasawing rebelde."
Nagkatinginan ang mag-amang Arsenio ngunit walang sinabi. Ibinilin kami ng heneral sa isa niyang tauhan.
Dinala kami nito sa isang bakanteng lote. Isa-isa naming tinignan ni Kuya Cesar ang mga naroon ngunit nabigo kami.
"Wala po?" tanong ng dumalo sa aming sundalo.
Umiling ako at mas tumindi ang pag-asang hindi siya kabilang sa mga nasawi. Nilapitan kami ng isa pang sundalong may hawak na mga papel.
"Ano po ba ang ngalan ng hinahanap ninyo?"
"Pacifico... Pacifico Cendaña," tugon ko.
Hinanap niya ang binanggit kong pangalan sa hawak na listahan. "Cendaña, Pacifico. Naroon po siya." Nang nakita niya ay itinuro niya ang kinaroroonan nito.
Kinakabahan akong tumungo roon. Hindi ko pa siya natatanaw nang nahanap niya agad ang mga mata ko. Kaswal na nakaupo sa loob ng rehas, may sugat sa kaliwang itaas ng kilay.
Nanghihina akong lumuhod sa kaniyang harapan at pinakatitigan siya sa pagitan ng mga rehas. Mapait akong ngumiti nang nagsimulang umiyak.
Nanginginig ang aking kamay nang inangat ko ito upang iabot sa kaniya ang rosaryo. Sa kahabag-habag na kalagayan, nanatili kaming nakakapit sa bagay na iyon, nananalanging dinggin ng Maykapal ang binubulong ng aming mga puso.
YOU ARE READING
Worlds Between Us
Ficção Histórica| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...