Kabanata 39

321 12 0
                                    

Kabanata 39: Hakbang Palayo

"Sister Ceres..."

Pupungas-pungas akong bumaling kay Julio na may dalang tasa ng kape. "Pasensya na. Nakatulog ako," sabi ko.

Nakangiti siyang umiling at inabot sa akin ang tasa. Dinama ko ang init noon sa aking palad at pinilit na gisingin ang sarili kahit alas cuatro y media pa lamang ng umaga. Pansamantala kaming nagpahinga rito sa bahay ni Julio para hintayin ang sasakyang maghahatid sa amin sa Malolos. 

"Walang problema, Sister. Si Cesar pala? Hindi pa sila bumabalik ni Kapitan Morales?"

Sumimsim ako saglit at tumango. "Oo, Julio. Tumutulong pa sila sa mga taong magtayo ng harang para sa Crame at kapag natapos, tutungo rito para sumabay sa pag-alis namin."

"Kung ganoon, pakisabi na lamang sa kaniya ang balita ni June na sila ang nag-uulat sa istasyon ng DZRJ at sa ilalim ng pangalang Radio Bandido."

"Makakarating, Julio."

"Salamat, Sister. Doon muna ako sa kusina, magluluto ng kakainin ng mga kasamahan natin," paalam niya.

Payapa akong umiinom ng kape nang tabihan ng namumugto ang mga matang si Tiya Fatima. Tipid siyang ngumiti at hinaplos ang pisngi ko. "Kamukha nga kita, Ceres at... mukhang parehas din tayo ng kinahinatnan."

Pumungay ang mga mata ko at nagkibit-balikat kahit alam kong may nasanggi ang tiyahin sa aking kalooban. "S-siguro nga, Tiya."

"Ganyan din ako noon. Hindi ko alam kung paano magsisimulang muli. Wala akong karapatan, Ceres, sa ama mo dahil hindi naman ako ang tunay na anak ng mga magulang namin ni Cleofe. Kung sinuman ang karapat-dapat sa apelyidong Veridiano, ang Mamá mo 'yon pero... kahit anong pigil ko sa sarili kong manghinayang, hindi ko maiwasan dahil bago ang pagmamadre, si Carlos ang naunang nakamulatan ko."

"Tiya..."

Umiling siya at tinapik ang balikat ko. "Kahit papaano, subukan mo, Ceres, dahil hindi magtatapos iyan kung hindi mo sisimulan ngayon."

Kapwa kami napabaling sa labas nang may madinig na busina. "Baka ang sundo, Tiya," turan ko.

"Ihanda mo ang gamit na dadalhin. Titignan ko muna iyon."

Tumungo ako sa tanggapan at inilagay sa bayong ang mga pagkain at sa isang sisidlan naman ang mga damit. Nag-angat ako ng tingin kay Tiya nang dumating siyang balisa at nagmamadali.

"Hindi ako makakasama sa iyo, Ceres, at mukhang ganoon din ang kapatid mo. May dumating na mga armored personnel carriers at kailangan kong pumunta ngayon doon. Si Julio na muna ang dadalo sa iyo, hija."

"Tiya, sasama ako sa iyo," pakiusap ko.

Nasapo niya ang ulo at pinasadahan ng tingin ang mga dala ko. "Ang ama mo, Ceres, nasa ospital at walang kasama."

"Ako na ang bahala kay Gobernador Carlos, Sister Fatima. Itinawag na rin sa akin ni Kapitan Morales na naroon na raw sa Malolos si Senyora Cleofe kaya pwedeng maiwan sa inyo si Sister Ceres," pag-imporma ni Julio.

"Si Cleofe? Ayos lang ba ito sa iyo, Julio?" 

"Opo, Sister."

Tumango si Tiya Fatima at inaya na akong umalis matapos magbilin kay Julio ng ilang mga bagay. Tulad ng sinabi ni Tiya, natanaw ko ngang mayroong mga APC sa tapat ng harang na ginawa ng mga tao. 

Habang papunta roon, sakay ng pedicab ng tatay ni Julio, nagsimulang magkagulo ang mga tao sa kahabaan ng Santolan dahil sa teargas attack ng mga Philippine Marines

"Ceres!" sigaw ni Tiya na nag-aalala akong binalingan.

Tinakpan ko ang aking ilong at kahit nanlalabo na ang aking mga mata, kita ko pa rin ang pagbagsak ng iba. "A-ayos lang ako, Tiya."

"Bilisan mo magmaneho!"

Umubo ako kaya mas naluha ang tiyahin. Galit niyang binalingan ang ama ni Julio. Hinawakan ko ang kaniyang kamay. "Malapit na tayo, Tiya."

Nawala ang galit niya kaya hindi na nasermonan ang aming kasama. Dinaluhan kami ng isang doktor at sinuri ang aming kalagayan, Sa awa ng Diyos, wala namang nangyaring masama sa amin maliban siguro sa panghihina. 

Maya-maya pa ay nilukob na naman kami ng takot dahil sa pagdating ng mga sasakyang panghimpapawid na sakay ang mga pampasabog at kanyon. Bumaba ang mga iyon sa loob ng Crame.

Pigil ang hininga ng lahat hanggang sa inanusyo ni June Keithley na lumabas na ng bansa ang Pangulo at ang pamilya nito. Nagbunyi ang mga tao maging sina Defense Minister Enrile at Gen. Ramos. 

"Ceres, hindi kayo tumuloy sa Malolos?" tanong ni Kuya Cesar nang malapitan kami.

"Hindi, Kuya. Dito muna kami ni Tiya dahil naroon naman si Mamá at sumunod na si Julio. Pinasasabi niya palang Radio Bandido ang gamit na pangalan ngayon ng Radio Veritas at gamit nila ang DZRJ."

Bumuntong-hininga siya at luminga sa mga taong hanggang ngayon ay nagdiriwang pa rin. "Tama nga ang hinala mo. Sinadyang sirain ang preno ng truck kaya bumulusok iyon pababa sa bangin. Hindi tiyak kung sino ang may gawa at kung para kay Papá talaga kaya patuloy ang imbestigasyon."

"Si... A-aurelius ba, Kuya?"

Halos isuka ko ang pangalan niya ngunit pinigilan ko ang aking sarili. Umigting ang panga ni Kuya Cesar. "Titignan ko, Ceres." Tumango ako at kahit papaano ay nakisaya sa mga kasama. 

Pagsapit ng alas nueve ng gabi, umere sa telebisyon si Pangulong Marcos kasama ang kaniyang pamilya at mga heneral na siyang ikinagulat ng lahat. Umugong ang bulong-bulungan lalo na nang ianunsyo nito ang pagtanggal niya ng maximum tolerance policy at pagdeklara ng nationwide state of emergency

Lumabas ulit ang Pangulo sa MBS Channel 4 ngunit biglang nawala ang broadcast. Nanaig ang panandaliang katahimikan sa kabila ng pagtataka ng bawat isa. "Anong nangyayari?" tanong ni Tiya Fatima.

Hindi ako nakasagot sapagkat nakasunod ang aking tingin sa isang sundalong lumapit kay Kuya Cesar at bumulong. Tumango ang aking kapatid ko.

"Kuya, ano iyon?"

"Dito lamang kayo, Ceres. Pupunta ako sa Palasyo at iuulat ang mangyayari."

"Bakit, Kuya? Ano ang mayroon sa Palasyo?"

"Ang mga repormistang sundalo ng AFP ang kumontrol ng MBS Channel 4 kanina kaya naputol ang pag-ere at ngayon naman ay sa Palasyo ang tungo ng ilan sa kanila, Ceres."

Habang lumalalim ang gabi, mas tumitibay ang pagkakatalaga ni Ginang Cory bilang bagong pangulo. Suportado iyon maging ng Estados Unidos. Napagplanuhan na rin ang inagurasyong mangyayari sa Camp Crame. Samantala, si Pangulong Marcos ay nagdeklara ng curfew ngunit tila bingi na ang mga tao dahil patuloy ang paglilibot nila sa bawat kahabaan ng Maynila.

Worlds Between UsWhere stories live. Discover now