Kabanata 1: Mendiola
"Nakabibigla ito, Veridiano. Anong pakay mo?"
Mariin akong tinitigan ni Remuel Albino sa paraaang tila hinahalukay niya ang laman ng isip ko. Kasama siya ni Nicholas sa Kabataang Makabayan at nobyo siya ni Sinai kaya sa kaniya ko naisipang hingin ang pabor na siyang gumugulo sa akin nitong huling tatlong araw.
Huminga ako nang malalim. "Nais kong sumama sa protesta," sagot ko.
Tumaas ang kilay niya at ipinilig ang ulo. "Ceres, dahil ba ito kay Nicholas?"
Napalunok ako. "P-pakiusap, Remuel..." Nanghihina akong umiling.
"Tiyak akong magagalit sa akin si Nicholas kapag pinayagan kita."
"May mga sarili akong rason kaya ko gustong sumama."
Tumango siya. "At isa roon ang kalupitan ng pulisya, tama ba?" Hindi ako nakasagot kaya mapait siyang ngumiti. "Iyon ang siyang naging dahilan..."
"Payagan mo na ako. Hindi naman ako mapipigilan ni Nicholas."
"Tama. Hindi ka na niya mapipigilan pa dahil... patay na siya, Ceres."
Umawang ang bibig ko dahil nabigla na parang natural lamang na sabihin niya iyon. Isa pa, bumalik na naman sa akin ang pagsisising hindi ko siya pinilit na umalis roon. Hinayaan ko siyang malagay sa panganib kahit mayroon akong pagkakataong iuwi siya.
Nangatal ang labi ko. "K-kasalanan ko..."
Umiling si Remuel at hinawakan ang nanginginig kong kamay na nakapatong sa mesa. "Kilala ko si Nicholas. Determinado siyang lumaban para sa ikatatagumpay ng taong-bayan. Walang ni isang rason ang makapagpapaatras sa kaniya kung nakikita niyang kailangan niyang kumilos," pag-alo niya sa konsensiya ko.
Nanatili lamang siya sa tabi ko hanggang sa maging kalmado na ako. Nakaramdam ako ng hiya kalaunan dahil nasaksihan niya pa ang aking pag-iyak. Baka mamaya ay ikuwento niya pa kay Sinai ang pangyayaring ito. Kapag nagkataon, tiyak akong pauulanan ako niyon ng tukso.
"Tutungo ka sa kaniyang burol, hindi ba? Sumabay ka na sa akin."
Tumango ako at isininop na ang mga gamit. Tahimik lamang kami habang naglalakad patungo sa pinagparadahan niya ng kaniyang sasakyan. Nagbubulungan ang mga nakakakita sa amin, halos lahat ay patungkol kay Nicholas.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat ang pagkamatay niya. Kilala ang kanilang pamilya kaya imposibleng hindi iyon maging laman ng balita.
Nakasalubong namin si Sinai na kagagaling lamang sa kaniyang huling klase. Hinalikan siya sa noo ni Remuel at kinuha ang gamit niya.
Umangkla sa aking braso si Sinai. "Kumusta ang usap ninyo?" pag-uusisa niya.
"Maayos naman. Pumayag siya."
Ngumuso siya. "Kailangan ba talagang gawin mo ito? At huwag mong isasagot sa aking nakokonsensya ka, Ceres."
Ngumiti na lamang ako. Totoo naman iyon. Kahit iginigiit nilang wala akong kasalanan sa nangyari kay Nicholas, may parte sa aking gustong ipaglaban ang pagkawala niya.
Ngayong may rason na ako, gusto kong ipadinig ang aking boses. Sa paraang iyon, baka sakaling mabigyan ng hustisya si Nicholas at ang iba pang estudyante... Baka sakaling kapag nakapag-ambag na ako sa minimithi niyang tagumpay ng taong-bayan, mawala ang mabigat na nakadagan sa puso ko.
Ayokong bitawan ang pag-asang sinimulan niya. Minsan ay naisip ko ang posibilidad na mailigtas siya kung pinagbigyan ko ang kaniyang panliligaw. Marahil ay napilit ko siyang umuwi dahil maituturing niya na akong rason para kahit sa isang beses na iyon ay umatras... kasama ako.
Kung iba kaya ang naging desisyon ko, magbabago ba ang nangyari? Mabubuhay kaya siya?
Mula noong manalo si Pangulong Marcos sa eleksyon noong Nobyembre ng taong 1969, marami na ring sumiklab na protesta laban sa kaniya. Kinuwestiyon ng kaniyang mga kritiko ang lubusan niyang paggastos para sa nabanggit na halalan.
Umabot iyon sa limampung milyong dolyares na halaga ng mga imprastrakturang pinondohan ng utang. Nagdulot iyon ng krisis na tinatawag na Balance of Payment . Dumulog ang administrasyon sa International Monetary Fund para humingi ng tulong at inalok naman sila nito ng debt restructuring deal na maglalayong mabawasan at mabusisi ang mga utang.
Nagresulta ito ng pagbaba ng halaga ng piso na sinundan naman ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Tinawag ito ni Senador Benigno Aquino Jr. na "garrison state".
Ang protesta ngayon ay para naman sa nangyayaring di umano'y state fascism na nangangahulugang pagkakaroon ng awtoridad na ultranationalism sa pamamagitan ng kapangyarihang diktador.
"Makibaka! Huwag matakot!" sigaw namin habang tinutunton namin ang Ayala Bridge.
Nakataas ang watawat ng Pilipinas hanggang sa marating namin ang Malacañang Palace. Kasabay ng aming mga sigaw ay ang mga putok ng baril. Ang ibang raliyista ay sumugod na sa bakal na bakod na humaharang sa palasyo.
"Nasa loob ang mga student leaders para makipag-usap sa presidente. Hihilingin nila ang hindi pagbabago ni Pangulong Marcos ng Constitutional Convention upang mapigilan siyang tumakbo para sa kaniyang ikatatlong termino, ang pagbibitiw sa tungkulin ng mga may matataas na posisyon sa Manila Police District at ang pagtanggal ng paramilitary units sa Gitnang Luzon," paliwanag ni Remuel sa akin.
Ilang sandali pa ay may nadinig kaming sigaw na nag-uutos na buksan ang mga ilaw sa labas ng palasyo. Sinunod naman iyon ng mga tao sa loob nang biglang may batong lumipad at nabasag ang isa sa mga lampara.
Sa isipang galing iyon sa loob ng palasyo at para talaga sa aming mga narito sa labas, nagsimula na ring magpaulan ng bato ang mga kapwa ko raliyista.
Hinigit ako ni Remuel sa 'di kalayuan dahil naging marahas na ang pangyayari. "Dito muna tayo, Ceres."
Natanaw ko ang isang grupo na minaneho ang isang fire truck at ibinangga iyon sa tarangkahan ng Malacañang. Nang bumukas na ito, sumugod sila sa palasyo at namato ng mga Molotov cocktails.
Dumating ang Presidential Guard Batalion na may dalang mga armas. Sumiklab ang apoy sa fire truck at sa isang kotseng dulot ng mga estudyante at pagkatapos ay umatras na sila.
Sumabay na kami sa agos ng mga tao dahil papalapit na rin sa amin ang PGB. Napunta kami sa Arguelles Street at J. P. Laurel bago namin narating ang Mendiola kung saan kami nagtayo ng harang.
Ang ilang estudyante mula sa mga malapit na dormitoryo ay sumama na rin sa amin. "Lumaban tayo! Katulad ng mga nasawi nating mga miyembro!" sigaw ng isa sa aming nagpalakas ng loob ng lahat.
Ito na ang pagkakataong hinihintay ko pero bakit tila mali ang pinili kong paraan para lumaban? Iyon ang laman ng isip ko habang dinedepensahan ang aking sarili gamit ang hawak kong kahoy.
Kalaunan, nagtagumpay ang mga militar na ihiwalay sa amin ang ibang raliyista. Naging madugo ang protesta dahil sa mga balang pinakawalan ng kabilang panig. Tahimik akong nagpasalamat na buhay pa ako sa kabila ng malakas na puwersa ng kalaban. Hindi rin naman ako pinabayaan ni Remuel na hindi humihiwalay sa akin.
Pagsapit ng alas nueve ng gabi, napunta na ang kontrol sa Mendiola Bridge sa mga pulisya. Nagtagumpay silang tapyasan ang bilang namin pero naiwang bukas ang mga kahabaan ng M. Aguila, Legarda at Claro M. Recto.
Sa pamamagitan ng tulong ng mga taong nakasilip sa ikalawang palapag ng mga malalapit na bahay, nalalaman namin kung may makasasalubong kaming militar sa daang aming tinatahak na nagbigay sa akin ng pagkaakaataong makatakas sa gulong pinasukan.

YOU ARE READING
Worlds Between Us
Historical Fiction| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...