Kabanata 12: Daan
"Magandang umaga, Senyorita Ceres," bati sa akin ni Pitoy na may dalang pala at sako ng semento.
Ngumiti ako at binati siya pabalik. "Gano'n din sa iyo, Pitoy. Maaari ko bang malaman kung para saan iyang mga dala mo? May ipinagagawa na naman ba si Papá?"
"Wala naman, Senyorita. Nais ko lamang tumulong kay Pacifico."
Kumunot ang noo ko. "Bakit kailangan niya ng tul— "
"Pitoy!"
Napatingin ako sa dumating na si Elena kaya hindi ko naituloy ang aking sasabihin. "Handa na ang pagkain ninyo."
Bumaling sa akin si Pitoy at bahagyang yumuko. "Mauna na ako, Senyorita," paalam niya.
Naiwan kaming dalawa ni Elena sa tanggapan. Pinasadahan niya ako ng tingin. Tumaas ang kilay niya. "Hindi ka ba nakahanda? Hindi ba't may lakad kayo ngayon ni Aurelius?"
Nag-isang linya ang labi ko. "K-kailangang pumunta ako, hindi ba?"
Naningkit ang mga mata niya, "Huwag mong simulan, Ceres. Alam kong may iba kang nagugustuhan pero... hindi mo ba naisip na baka nalilito ka lang? Marahil simpleng atraksiyon lang iyang nararamdaman mo. Magbabago rin iyan at maiisip mong mas matimbang ang desisyong piliin si Aurelius."
Nagbaba ako ng tingin at mapait na ngumiti. "Mag-aayos na ako."
Wala ako sa kondisyon kahit nang dumating si Aurelius para sunduin ako. Dilaw na polo at maong na bell-bottom pants ang suot ko. Pinaresan ko iyon ng putting fedora hat at itim na moccasin shoes. Si Aurelius naman ay simple sa dark blue polo shirt at cargo pants.
"Hinihintay ka na ni Sinai sa amin," imporma niya habang nagmamaneho.
"Nakabalik na siya? Kumusta ang kaniyang bakasyon?"
Nag-preno siya para padaanin ang karitong hatak ng isang kalabaw. "Nasiyahan naman siya sa pinuntahan. May mga pasalubong siya para sa iyo."
Napangiti ako. "Nag-abala pa siya."
Ngumisi siya at saglit akong sinulyapan. "Ganoon din naman ang gagawin ko kung ako ang umalis. Tatanggapin mo naman kung bibilhan kita ng mga regalo o pasalubong, hindi ba? Lalo na kapag nagsama na tayo. Ang lahat ng akin ay iyo at ganoon din ako sa iyo."
Lahat naman siguro sa mga katulad kong babae ay matutuwa kung si Aurelius ang mapapangasawa. Makisig, mayaman, may prinisipyo at handing ibigay sa iyo ang lahat. Ngunit... hindi ko magawang masiyahan.
Maaari sigurong magkaroon ng kahit katiting na pag-asa kung noon pa kaming nagkakillala. Malaking aspeto ang oras kung titignan. Ang ikinapagtataka ko lamang ay kung bakit kay daling nahulog ang loob ko sa ibang binatang hindi ko lubusang kilala.
Pinakatitigan ko si Aurelliius. Anong mayroon kay Pacifico at hindi ko kayang balewalain ang nararamdaman ko sa kaniya para sa ikatatahimik ng aking pamilya?
O hindi nga kaya nalilito lamang ako tulad ng iginigiit ni Elena? Baka nahihiwagahan lamang ako kay Pacifico dahil sa pamilyaridad nang una ko siyang makita. Hindi ko siguro matanggap na hindi ko maalala ang isang tulad niya.
Hindi rin nagtagal ay nakarating na kami sa kanilang mansyon. Masuyo akong iginiya ni Aurelius sa kanilang tanggapan kung nasaan ang kaniyang mga kapatid at si Senyora Carolina.
"Nakatutuwa naman ang pinaunlakan mo ang aming imbitasyon, Ceres," may ngiting bungad ng ginang.
Tumungo ako. "Salamat po sa inyong paanyaya."
YOU ARE READING
Worlds Between Us
Historical Fiction| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...