Kabanata 36: Sinulsing Tinig
"Ceres? Anong ginagawa mo rito?! Delikado rito!" sabi ni Papá na pinilit na makabangon kahit nahihirapan.
Hindi ako sumagot at sinusian na ang kandado sa seldang kinalalagyan niya. Nakasadlak siya sa sahig, may mga pasa at putok ang labi. May dugo ring natuyo na sa kaniyang kanang braso na labis niyang iniinda.
Nanghihina akong lumuhod upang pumantay sa kaniya at humagulgol sa kaniyang balikat. "U-umuwi na po tayo, Papá," hikbi ko.
Inalalayan ko siya sa paglalakad dahil halos matumba na siya kung mag-isa. Dalawang araw na raw siyang naroon. Binibigyan siya ng pagkain ngunit isang beses lamang sa isang araw. Pagsapit ng gabi, may dumadalaw raw sa kaniyang sundalo upang pahirapan siya.
"Diyos ko! Carlos!"
Sinalubong kami ng umiiyak na si Mamá nang matanaw kaming papalapit. Diretso siyang yumakap kay Papá na naluluha na rin kagaya niya. Nilapitan kami ni Kuya Cesar upang ihatid sa kanilang silid si Papá at doon makapagpahinga. Agad namang nag-handa ng pagkain si Elena. Tinawagan niya na rin si Doktor Enrico Consano upang matignan ang mga pasa at sugat ni Papá.
"Maraming salamat, Ceres. Akala ko ay hindi na ako makalalabas pa roon," ani Papá na may tipid na ngiti.
Tumango ako at pilit na nginitian siya pabalik. "Wala po iyon, Papá. Pagbabalik ko lamang iyon sa mga nagawa mo para sa akin."
Pagkatapos noon ay dumating na si Enrico at tinignan siya. Hindi na rin natagalan pa dahil nagamot na ni Mamá ang ibang sugat at pasa. Binigyan lamang ng gamot si Papá at tinahi ang sugat sa braso. Hindi na namin inistorbo pa si Papá upang makatulog na.
Tumungo ako sa aming teresa, nakatanaw sa bilog na buwan. Kahit nakalaya na si Papá ay mabigat pa rin ang kalooban ko. Hindi ko napigilang lumuha kaya nang tinabihan ako ni Kuya Cesar, dali-dali akong humarap sa kabilang gilid at pasimpleng pinunasan ang aking basang pisngi.
Sinulyapan ako ni Kuya Cesar bago napabuntong-hininga. "Nagagalak akong makitang muli si Papá rito sa mansyon ngunit hindi ako naniniwalang mapapapayag mo si Aurelius sa simpleng pakiusap lamang," panimula niya.
Bahagya akong natigilan ngunit hindi ko hinayaang maramdaman niyang hindi ako komportable. "W-wala ka bang tiwala sa akin, Kuya?"
"Hindi naman sa ganoon, Ceres. Kilala ko si Aurelius. Tuso siya at kasing-sama ng kaniyang ama kaya batid kong hinayaan niyang makalabas si Papá dahil sa iba pang dahilan," paliwanag niya, nakaharap na sa akin.
Sa oras na iyon, tuluyan nang nawala ang aking pagkukunwari. Ipinakita ko sa kaniya kung gaano ako nanghihina magmula pa kanina.
"Ceres..."
Umiling ako at sinandal ang aking noo sa kaniyang balikat. Hinagod niya ang likod ko hanggang sa napagod na akong umiyak.
"Kapag handa ka nang magkwento, nandito lang ako. Makikinig ako sa iyo."
Nagpalipas pa ako nang tatlong araw sa amin. Sa tatlong araw na iyon, nagkulong lamang ako sa aking silid kahit nakikiusap na sina Mamá at Elena na lumabas ako.
Nagpasya rin akong tawagan si Tiya Fatima upang magpasundo. Hindi ko siguro kakayanin kung mag-isa at sa gitna ng biyahe ay makakita ako ng militar kaya mas mabuti nang naroon si Tiya Fatima.
Ginamit ko ang telepono sa mansyon upang tumawag sa dormitoryo. Iba ang nakasagot kaya pinakiusapan ko itong ibigay ang telepono sa aking tiyahin.
"Tiya?" bungad ko.
"O, Ceres? Bakit ka napatawag?"
Kinagat ko ang pangibabang-labi at nag-alinlangan. Batid kong abala si Tiya Fatima sa mga gawain niya kaya lang, kailangan ko talaga siya ngayon.
"M-maaari mo ba akong... sunduin rito?"
"Oo naman. Sakto nga at may hihingin ako sa iyong pabor."
"Ganoon po ba? Sige po. Pag-usapan natin kapag narito ka na," tugon ko.
"Asahan mo ang pagdating ko bukas, Ceres."
Pinaalam ko na rin kina Papá at Mamá ang balak kong pagbalik sa Maynila. Nalungkot sila at nais pa sanang magtagal ako upang makapamasyal kahit papaano ngunit maaalala ko lamang ang tila masamang panaginip na iyon kung mananatili pa rito.
Kinabukasan nga ay dumating na si Tiya Fatima. Nakahanda na ang aking mga gamit kaya maaari na kaming umalis ngunit nakiusap si Mamá na magtagal pa kami para sa tanghalian. Wala naman kaming nagawa ni Tiya kundi pumayag dahil naging emosyonal na si Mamá tungkol sa muli naming pag-alis.
"Mag-iingat ka roon, Ceres. Hihintayin kong muli ang pag-uwi mo rito," bulalas ni Elena nang mapag-isa kami.
Ngumiti ako kahit hindi tiyak kung kailan ako magiging handa sa pag-uwi. "Ikaw na ang bahala sa aking kapatid, Elena."
"Makaaasa ka, Ceres."
Tumango ako at bumaba na sa tanggapan kung nasaan sina Tiya Fatima at Mamá na may pinag-uusapan.
"Aalis na kami, Cleofe. Huwag kang mag-alala. Lagi kong ibabalita sa iyo ang kalagayan ni Ceres doon," paalam ni Tiya Fatima.
"May magagawa pa ba ako?"
Bumaling sa akin si Mamá at niyakap ako. "Hindi ka pa nakaaalis, nangungulila na ako. Alagaan mo ang sarili mo, Ceres."
Tumango ako at binuhat na ang mga gamit. Hinatid kami ni Kuya Cesar patungo sa daungan kaya hindi na kami nahirapan sa mga dalahin.
"Kung kailan ka magiging handa, Ceres..."
Tinapik ako sa balikat ni Kuya Cesar bago pinakawalan na kami. Nang sumampa na kami sa barko, pinanood ko ang pagtalikod sa amin ni Kuya at ang kaniyang pag-alis.
Hindi ko alam kung paanong alam niyang may ibang nangyari. Kagaya rin ito noong naghinala siyang may kinikita ako sa tubuhan. Marahil kilalang-kilala niya talaga ako upang malaman kung may kakaibang nangyayari sa akin.
Ipagdadasal ko na sana maging mabilis ang pagdating ng oras na handa na akong sabihin sa kaniya ang lahat upang hindi na kami mahirapan pa.
Sumunod na ako kay Tiya Fatima nang tumungo siya sa aming silid. Hindi katulad ng naging silid ko nang umuwi galing Maynila, mas malaki itong nakuha namin.
"Tiya, iyong tungkol po sa pabor na nabanggit niyo sa telepono?
Nag-angat ng tingin sa akin si Tiya Fatima galing sa pagbaba niya ng libro. "Mabuti at ipinaalala mo, Ceres. Nais kasi ni Cardinal Archbishop Dominic Mijares na makibahagi tayo sa rebolusyong gaganapin bukas sa EDSA. Iyon ay kung papayag ka, Ceres," sabi niya.
"Sasali po ako, Tiya," walang pagdadalawang-isip kong sagot.
![](https://img.wattpad.com/cover/221674133-288-k81325.jpg)
YOU ARE READING
Worlds Between Us
Historical Fiction| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...