Kabanata 29: Latay
Maaga kaming gumayak kinabukasan nina Elena at Mamá upang bisitahin si Kuya Cesar sa ospital. Doon na sila nagpalipas ng gabi nang sa ganoon ay mabantayan ng mga doktor ang kaniyang kalagayan.
Nagdala kami ng mga prutas at lutong ulam tulad ng Imbutido na paborito ng aking kapatid. Tumawag kagabi si Papá at ibinalitang natahi na ang sugat ni Kuya.
"Ceres, pumayag nga pala ang aking pinsan sa gusto mo. Wala naman daw problema sa kaniya dahil lagi siyang nandoon," pagbibigay-alam sa akin ni Elena.
Pagkauwi niya kahapon galing sa kampo ay nabigla siya nang ikuwento ko ang nangyari kay Kuya Cesar. Ninais niyang sumunod sa ospital ngunit dahil hiniling ni Mamá na siya ay manatili, hindi na umalis at sinamahan na lamang akong mag-abang ng tawag mula kina Papá at Tiya Fatima.
"Maraming salamat, Elena. Hindi ko kasi talaga maiwasan ang mangamba lalo na ngayong umiiral ang Batas Militar at isa ang mga rebelde sa dahilan ng pagpapatupad niyon."
Hinawakan niya ang aking kamay at ngumiti. "Ipagdasal na lamang natin na walang mangyaring masama sa mga inosenteng tulad ni Pacifico," pag-aalo nito sa akin.
Nadatnan namin si Papá na nag-aabang sa labas ng silid ni Kuya Cesar. Napatayo siya nang natanaw kami. Siya ang nagbuhat ng aming mga dala bago kami pinapasok.
Gising si Kuya Cesar at nanonood ng balita sa telebisyon. Natigil lamang nang pumasok na kami. Nakahinga ako nang maluwag nang nakitang nakabawi na siya ng lakas kahit papaano.
Ngumisi siya nang lumapit ako at pinasadahan siya ng tingin. May bendang nakapulupot paikot sa kaniyang kalamnan.
"Kumusta ka na?" nag-aalala kong tanong.
Lalong lumaki ang kaniyang ngisi. "Maayos na kaya hindi ka na makaiiyak, Ceres," tudyo nito sa akin dahil nasaksihan niya ang paghagulgol ko kagabi nang makita siyang duguan.
Napasimangot ako. Kahit nalagay na sa alanganin ang buhay niya, hindi niya pa rin nakalilimutang asarin ako. Kahit naman noon pa, ganoon na siya. Sa tuwing nagkakaroon siya ng problema at malungkot, aasarin niya pa rin ako hanggang sa makalimutan niya na ang gumugulo sa isip. Isang beses lamang niya iyon nabigong gawin...
Naiwan kaming dalawa nang lumabas sina Papá upang makipag-usap kay Doktor Israel at Enrico. Bigla kong naalala ang ibinunyag niya kahapon.
"Kuya, tungkol doon sa libro..."
Napakurap-kurap siya at nag-iwas sa akin ng tingin. "Kalimutan mo na iyon, Ceres."
Kumunot ang noo ko, hindi siya makapaniwalang tinignan. "Anong kalimutan? Ganoon na lang iyon?" Nakatakas ang galit sa aking tinig.
Bumuntong-hininga siya at hindi nakasagot sa akin. Ang akala niya ba ay hindi importante ang impormasyong ibinigay niya? Ang taong iyon ang nasa likod ng mga nangyaring insidente! Paano niya nagagawang ipagsawalang-bahala lamang iyon?!
"Marami ka nang iniisip at kung dadagdag—"
"Importante sa akin iyon! Siya ang nagpabaril kay Mamá, Kuya! Hindi mo man lang ba naisip na nais ko ring makamit ang hustisya?!"
Nagbaba ito ng tingin at mapait na napangiti. "Ayoko lang kasing mahirapan ka pa. Pasensya ka na," mahinang bulong nito.
Bumagsak ang balikat ko at natauhan. Masyado akong naging emosyonal kaya hindi ko na nakontrol ang aking mga salita.
"K-kuya..."
"Dalawang mahalagang babae na sa buhay ko ang nadamay sa gulong ito at kung... malalaman mo ang katauhan ng taong iyon, batid kong hindi ka titigil. Ayoko lamang na umabot sa puntong pati ikaw, saktan niya rin."
Umawang ang bibig ko at tumulo ang luha. Sinalubong niya ang mga mata ko gamit ang kaniyang puno ng hinanakit.
"P-patawad, Kuya," sambit ko sa nanghihinang boses. Tumango siya at mariing napapikit.
"Nalaman ko na kung sino siya, Kuya." Bigla itong napadilat at gulat akong tinignan. "Malakas gaya ng agila... Matalino gaya ng lobo..."
Napalunok siya kaya pagak akong natawa. "Si Heneral Arnulfo ang taong iyon, hindi ba?"
Saglit siyang hindi nakakibo. "Kahapon, nakipagkita ako kay Remuel. Siya ang nagsabi sa akin ng impormasyong iyon at natandaan kong nabasa ko iyon sa librong ibinigay mo. Pagkatapos, bigla na lamang niya akong sinaksak at tumakas nang may mapadaang grupo ng mga kalalakihan," pagsasalaysay niya.
Napalingon kami sa pinto nang pumasok si Elena. "Masyado naman yata kayong seryoso?" tawa nito.
Napailing ako at tumayo na. "Saan ka pupunta?"
"Huwag kang mag-alala, Kuya. Hindi pa ito ang pagkakataon kung saan huhulihin ko sa sarili niyang bibig ang isda," tugon ko.
"A-anong isda?"
Hindi ko na nadinig pa kung sinagot ni Kuya Cesar ang tanong ni Elena. Sigurado ang mga hakbang ko patungo sa kampo ng mga militar.
Nagtaka ako nang makitang walang bantay sa labas ngunit imbes na maghintay roon, dire-diretso na lamang akong pumasok.
Sa likod na bahagi pa ng kampo ang selda kaya mahaba-haba ang lalakarin bago makarating doon. Napahinto ako sa aking paglalakad nang may madinig na mga sigaw na nanggagaling sa direksyong iyon.
Malayo pa ako kaya nakapagtataka kung hanggang dito sa aking kinatatayuan ay makararating ang misteryosong ingay na iyon galing sa mga selda.
Dahan-dahan akong nagpatuloy sa paglalakad. Sinikap kong hindi gumawa ng kahit anong ingay upang hindi makatawag ng pansin.
Nagtago ako sa likod ng isang pader nang mapalapit na. Sumilip ako, sapat lamang upang makita ang nangyayari at hindi mahuli ng kung sinuman.
Nanliit ang mga mata ko nang makita ang mga anino na tila may hawak na latigo at may hinahampas. Napatakip ako ng bibig nang masilayan na ang nangyayari.
Nakatali pataas ang mga kamay ng mga bilanggong rebelde at nilalatigo ng mga nagkakatuwaang sundalo. Pinilit kong hindi mapahikbi nang natanaw rin si Pacifico at Mang Ruben na humihiyaw sa tuwing lumalatay ang latigong iyon.
Nahigit ko ang hininga nang may nagtakip sa aking bibig at tinalikod ako mula roon. Nanlaki ang aking mga mata at sinubukang pumiglas sa mahigpit na pagkakahawak ni Aurelius.
Kinaladkad niya ako palayo roon bago tinanggal ang pagkakatakip sa aking bibig. "Makakarating ito sa mga nakatataas!"
Ngumisi ito at marahas akong binitawan. "At sa tingin mo ay pakikinggan ka nila?"
Hindi ako nakasagot at napaiyak na lamang dahil sa sitwasyong ito. Hinuli ni Aurelius ang aking mata at inangat ang aking mukha.
"Nais kong makita mong magmakaawa siya para sa sariling buhay," nakangising bulong nito.

YOU ARE READING
Worlds Between Us
Historical Fiction| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...