Kabanata 24: Sana'y May Habang-Buhay
"Masaya akong makita kang muli, Carlos," bati ni Tiya Fatima sa natigilang si Papá.
Pumasok si Kuya Cesar na madaming dala at nagtatakang sinulyapan si Papá. Bumaling siya kay Tiya, ipinakita ang mga gamit nito.
"Dadalhin ko na po ang mga ito sa inyong silid, Tiya."
Nakangiting tumango si Tiya Fatima at pinasalamatan si Kuya Cesar. Bumuntong-hininga si Tiya nang makitang hindi pa rin natitinag si Papá sa kaniyang kinatatayuan magmula pa kanina.
Tila natauhan naman ito dahil sa aming mga kakatwang tingin kaya umayos ng tayo at tumikhim.
"N-narito ka na pala. Ang bilis naman—" pinutol siya ni Tiya na matunog na ngumisi.
"Para sa aking kapatid, Carlos. Para kay Cleofe."
Kumunot ang noo ko nang bumagsak ang balikat ni Papá at dahan-dahang tumango. Sinulyapan ko naman si Tiya Fatima na nagbaba ng tingin. Nang naramdaman niya ang aking titig ay tipid niya akong nginitian.
"Ceres, maaari mo ba akong samahan sa aking silid?" pakiusap nito sa akin.
Walang pagdadalawang-isip akong tumango at sumunod sa kaniya paakyat sa itaas. Naiwan naman sa aming tanggapan si Papá na sinusundan kami ng tingin.
"Madami akong pasalubong para sa iyo, Ceres. Halika, tignan mo."
Inabot niya sa akin ang isang kahon. Tuwing umuuwi siya rito, na madalang mangyari, ay mga libro tungkol sa pag-ibig at panyong may burda ang kadalasan niyang dala para sa akin.
Hindi na ako nabigla nang pagbukas ko ng kahon ay iyon pa rin ang tumambad sa akin. Nagtataka nga lamang ako kung bakit iisa lamang ang disenyo ng panyong ibinibigay niya.
Hinaplos ko ang burda sa panyo. "Tiya, bakit itong partikular na rosaryong ito lamang ang disenyo?" pag-uusisa ko.
Napakurap-kurap siya at pagak na natawa. "M-mahalaga sa a-akin ang rosaryong iyan, Ceres, kaya... nag-iisa lamang ito."
Itinabi ko muna sa aking silid ang kaniyang mga pasalubong at iginiya siya sa silid ni Mamá. Naabutan naming gising ito, nagbabasa ng Bibliya.
"Ate Fatima? Ikaw nga!"
Natatawang niyakap ni Tiya Fatima si Mamá na hindi napigilang lumuha. Nilapitan ko sila at sinubukang aluin si Mamá.
"Ano't kay tagal ng muli mong pagdating?" tanong ni Mamá na kahit papaano ay kumalma na rin.
"Hindi ka pa ba nasanay, Cleofe?"
Natigilan si Mamá at inabot ang kamay ni Tiya. "P-patawad, Ate."
Kumunot ang noo ko at pinagmasdan si Tiya na nakatingin sa akin. "Dalaga na itong si Ceres, ano?" paglilihis nito sa usapan.
Pilit na ngumiti si Mamá. "K-kamukhang-kamukha mo siya."
Mula pagkabata ay iyon na ang laging sinasabi sa akin ni Mamá. Tila pinagbiyak na bunga raw kami ni Tiya Fatima. Parehong kulot ang aming buhok at maninipis na mga labi. Kahit ang hugis ng aking mukha, sa kaniya ko nakuha.
Isinalaysay na rin ni Mamá kay Tiya Fatima ang nangyari nitong mga nakararaan. Nabahala naman ang isa para sa kaligtasan namin.
"Kung doon muna kayo pansamantala sa Maynila upang makasiguro hangga't hindi nahuhuli ang taong may pakana ng lahat ng ito?" suhestiyon ni Tiya Fatima.
Malungkot akong umiling. "Tiyak na hindi papayag si Papá, Tiya."
"Si Carlos nga iyon," buntong-hininga ni Tiya Fatima.
Sama-sama kaming nagtanghalian maliban kay Papá na piniling magpahatid na lamang ng pagkain sa kaniyang opisina rito sa mansyon.
Mapayapa namang lumipas ang tanghali at nang bahagyang lumilim ay nag-aya si Tiya Fatima na bisitahin ang aming plantasyon.
Sinamahan kami ni Kuya Cesar, samantalang nagtampo naman si Mamá dahil hindi siya pinahintulutan ni Papá na mamasyal.
Kumalabog nang husto ang dibdib ko nang papunta na kami sa tubuhan. Natanaw ko pa ang kakaibang sulyap sa akin ni Kuya Cesar kaya mas naghuramentado ako.
Mausisa si Tiya Fatima at madaldal itong si Kuya Cesar kaya hindi na ako magtataka kung hindi pa natatapos ang araw ay alam na ni Tiya ang buong detalye.
Agad na dinaluhan ni Tiya Fatima ang ilang manggagawang natanaw niya. Naiwan naman ako kay Kuya Cesar na may multo ng ngiti sa labi lalo na ngayong tanaw namin mula rito sa kubo si Pacifico, hubad-barong isinasalansan ang mga sako ng pataba.
"Kumurap ka, Ceres. Hindi naman mawawala iyan," panunukso ni Kuya Cesar.
Inis ko siyang siniko na pabiro niyang ininda. Umirap ako sa kawalan at napatingin ulit kay Pacifico na nasa akin na ang mga mata.
Mabilis akong nag-iwas ng tingin na ikinatawa ni Kuya Cesar. Tila masamang ideya yatang sumama pa ako rito kung kasama siya.
Tumuwid ako ng tayo nang papalapit na sa amin si Tiya Fatima na malaki ang ngiti. "Kumusta kayo rito? Sana sumama kayo sa akin para hindi kayo mainip."
Ngumisi si Kuya Cesar at batid ko nang aasarin niya lamang ako. "Hindi naman nainip si Ceres, hindi ba mahal kong kapatid?"
Pagak akong natawa na ikinakunot ng noo ni Tiya Fatima. "A-ano po bang ginawa ninyo roon?" tanong ko.
"Humiling ako ng pataba dahil balak kong maglagay ng mga buhay na halaman sa bakuran ninyo."
Muntik na akong mapatalon nang sumalida si Pacifico sa aking gilid. May suot na siyang damit at humahalimuyak ang panlalaking pabango.
Nagkatinginan kami at binasa niya ang pangibabang-labi. Tumikhim ako at nilingon si Tiya Fatima na nanliliit ang mga mapanuring mata.
"Ito raw po ang mga patabang hiningi ninyo," si Pacifico na inilahad ang dalawang sako ng pataba.
"Tiya, mukhang kailangan ko ng tulong sa pagbubuhat niyan kung dalawa."
Naghihinala akong tumingin kay Kuya Cesar na patay-malisya. "Ako na lang po ang tutulong." Bumuntong-hininga ako nang madinig si Pacifico.
Pumalakpak si Tiya Fatima. "Salamat, hijo. Kailangan talaga namin ang tulong mo."
Tahimik lamang ako sa tabi ni Tiya Fatima habang naglalakad kami pauwi. Nasa likuran namin sina Kuya Cesar at Pacifico na paminsan-minsan ay nadidinig kong nag-uusap.
"Ceres," tawag sa akin ni Tiya.
Nilingon ko siya at nasilayan ko ang malungkot niyang mga mata. "May mga taong kasama sa plano ng Diyos para sa atin ngunit hindi upang manatili kundi mag-iwan ng mga panghabang-buhay na alaala."
Hindi ako nakasagot. Tipid niya akong nginitian at iniwan na ako. Natanaw ko ring pumasok na sa loob ng mansyon si Kuya Cesar na nakapamulsa.
Nilingon ko si Pacifico. Tahimik lamang siyang nakamasid sa akin. Namumungay ang kaniyang mga mata.
"Sana... may habaang-buhay tayong dalawa," bulong niya.
Kasabay ng paglubog ng araw ay ang damdamin ko, hindi dahil sa kaniyang sinabi kundi dahil kay Papá na nanggagalaiting nakadungaw sa aming teresa.
YOU ARE READING
Worlds Between Us
Historische Romane| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...