Kabanata 8

437 21 0
                                    

Kabanata 8: Kamalig

"Nabalitaan kong naglalagi ka na sa ating tubuhan nitong mga nakaraang araw," puna ni Papá habang nags-siyesta kami sa balkonahe.

Tumikhim ako at pinanatili ang atensyon sa binabasang libro kahit ramdam ko ang mga mata niya. "Nililibang ko lamang po ang aking sarili, Papá." 

"Ceres..." Tinawag niya akong may diin ang boses.

Nag-angat ako ng tingin. "Umaasa akong hindi mo ako bibiguin. Sa iyo nakasalalay ang lahat."

Palihim na kumuyom ang aking kamao. "Paano kung umatras ako?"

Dumilim ang kaniyang mukha. "Hindi mo iyon maaaring gawin."

"Ni minsan po ba ay inisip ninyo ang mga nais ko para sa aking sarili?" Nag-isang linya ang labi niya. "Nang sabihin ninyong mag-doktor ako, sinunod ko kahit gusto kong maging abogado. Nang sabihin ninyong magpatala ako sa Inglatera, pinagbigyan ko kayo kahit dito sa Pinas ako komportableng mag-aral."

Naging mabigat ang kaniyang paghinga. "Huwag mong isinusumbat sa akin ang mga iyan. Tandaan mong hindi pa sinasagot ang sulat mo hanggang ngayon kaya wala kang maipagmamalaki sa akin."

Nag-iwas ako ng tingin. Hindi naman talaga matutugunan iyon dahil hiniling ko sa kumpadre ni Papá na huwag dalhin ang sulat sa paaralan. Iyon ang panahong pumunta ako sa Inglatera. 

Inusig ako ng aking konsensiya ngunit sa tuwing sumasagi sa aking isipan ang mga panahong wala akong pinagpilian kundi ang ipinipilit ni Papá ay agad din namang lumalakas ang aking loob.

Hindi ako tulad ni Kuya Cesar. Matapang niyang ipinaglaban ang prinsipyo at pangarap niya kahit ang kapalit niyon ay ang paglayo ng loob sa kaniya ni Papá. 

Sa lahat ng aking pagpayag sa iniuutos ni Papá, ang una kong iniisip ay si Kuya. Nagbabaka-sakali akong kapag nasiyahan si Papá sa aking mga desisyon ay tuparin niya ang hiling kong makipag-ayos sa aking kapatid.

Sa kauna-unahang pagkakataong iyon ko pa lamang naramdaman ang kalayaang sinasabi niya. Nagbibigay ito ng kapanatagan kahit batid ko sa aking sariling madidismaya sa akin ang mga magulang ko.

"Wala kang gagawin kundi ang makipagtulungan sa akin! Kapag umatras ka ay malalagay sa panganib ang pangalan ng ating pamilya! Madidismaya ang mga Arsenio at hindi mo iyon gugustuhin dahil alam mong mas makapangyarihan sila sa atin," ani Papá.

Bumagsak ang balikat ko nang bumalik na sa reyalidad. Hindi ako pwedeng sumalungat sa kanila. Iyon ang katotohanan. Ito na ang aking kapalaran at kailangan ko na itong tanggapin.

Tumayo ako kahit ramdam ko ang panlalambot ng aking mga tuhod. "Tapos na po akong magpahinga." 

Taas-noo kong nilisan ang aming balkonahe. Nakasalubong ko pa si Elena, itinatanong kung saan ako pupunta ngunit hindi ko siya pinansin.

Dire-diretso ang lakad ko patungo sa tubuhan. Sa kalagitnaan ng aking paglalakad, nakasalubong ko si Pitoy na nakasakay sa kaniyang kabayo.

"Senyorita Ceres, saan ang iyong punta? Halika at ihahatid na kita roon," alok niyang tinanggap ko naman.

Sinikap kong pagaanin ang aking disposisyon habang papalapit sa destinasyon. Ayokong makita ng kahit sino ang panghihina ko.

"Salamat," sabi ko kay Pitoy bago bumaba.

Bumuga ako ng marahas na hininga at tinungo ang kubo. Nadatnan ko roon ang ilang mga trabahador na nagpapahinga.

"Senyorita, wala rito sa Pacifico. Naroon siya sa kamalig. Ipatatawag po ba ninyo?," imporma nila sa akin nang makita ako.

Napangiti ako. "Pupuntahan ko na lang po siya."

Malapit lamang ang kamalig mula sa kubo kaya hindi rin nagtagal ay nakarating ako. Bukas ang pinto kaya dire-diretso ako sa loob. 

Pinisil ko ang aking kamay habang pinagmamasdan si Pacifico. Nagpapakain siya ng baka. Sa aking palagay ay iyon ang kaniyang alaga dahil minsan ko na rin iyong nakitang kasa-kasama niya.

Napalingon siya sa akin nang madinig ang yapak ko. Tumayo siya at pinagpag ang mga kamay. Ngumisi ako. "Magandang tanghali." 

Tumango siya at mariin akong tinitigan. "Tirik ang araw. Wala kang payong na dala."

Nagkibit-balikat ako. "Hinatid naman ako ni Pitoy kaya hindi rin ako nagtagal sa initan."

Suplado siyang nag-iwas ng tingin. Nilapitan ko ang alaga niyang baka. Abala iyon sa pagkain ng damo. "Anong pangalan niya?" kuryusong tanong ko.

Nasulyapan ko ang pagtabi sa akin ni Pacifico. "Ludi."

"Ikaw ang nagpangalan?"

"Oo... Nagpaalam ka ba sa inyo?"

Nilingon ko siya. "Hindi. Alam naman nila kung saan ako hahanapin." Sumilay ang ngisi sa kaniyang labi.

Dumampot ako ng damo at itinapat iyon sa bibig ni Ludi. Nagtagal ang titig niya roon kaya itinaas ko pa lalo.

Tumungo siya palapit kaya napangiti ako ngunit imbes na ang damo, buhok ko ang kaniyang kinain!

"Ludi!"

Napatayo si Pacifico at sinubukang tanggalin ang buhok sa bibig ng alagang baka. Marahil nagulat ito kaya umatras at nakaladkad ako!

Mariin akong napapikit. Ramdam ko ang hapding gumuhit sa aking binti. Putikan na rin ang bistida ko.

Maya-maya pa ay kumalma na rin si Ludi. Pumunta ito sa sulok ng kamalig at natatakot na sumiksik doon.

Lumukot ang mukha ko at sinikap na tumayo. Muntik na akong matumba kundi lamang ako inalalayan ni Pacifico.

Pagak akong natawa. "Ayaw niya yata sa akin," mapaglarong sumbong ko.

Nag-igting ang bagang niya at tahimik akong binuhat. Napakurap-kurap ako habang pinagmamasdan ang madilim niyang mukha.

"Galit ka?"

Saglit niya akong sinulyapan pero hindi sumagot. Ngumuso ako. "B-baka may nalunok na buhok si Ludi, Pacifico. Hindi ba iyon masama sa kaniya?"

"Hindi, Ceres."

Ipinilig ko ang aking ulo nang matanaw ang hindi pamilyar na bahay. Pumasok kami at dumiretso sa isang silid. Idineposito niya ako sa katre.

"K-kanino ito?" tanong ko.

Hindi siya makatingin sa akin. "Kuwarto ito ni Ama."

Kumuha siya ng tuwalya at isang malinis na daster. Inabot niya iyon sa akin.

"May palikuran dito. Iyan na muna ang isuot mo," aniya.

Ngumiti ako at tumayo. "Sige. Salamat."

Tumango siya at itinuro ang madumi kong damit. "Hubarin mo na rin iyan."

Nanlaki ang mga mata ko at napayakap sa aking sarili. "A-ano kamo?"

Ipinilig niya ang ulo at ngumisi. "Lalabhan ko, Senyorita." Itinuro niya ang banyo. "Doon ka sa loob."

Nag-init ang pisngi ko at nagmamadaling pumasok sa palikuran. Natampal ko ang noo dahil sa katangahan.

Sinunod ko ang utos ni Pacifico. Ilang sandali pa ay may nadinig akong katok.

"Kukuhanin ko na," sabi niya.

Nagtapi muna ako ng tuwalya at dahan-dahang pinihit ang seradura. Sinigurado kong maliit lamang ang pagkakabukas niyon bago sumilip.

Nagtagpo ang mga mata namin. Ibinigay ko sa kaniya ang aking bistida.

"Ikandado mo. Baka may makapasok na iba," bilin niya bago lumisan.

Worlds Between UsWhere stories live. Discover now