Kabanata 20: Kritiko
"Pakinggan mong mabuti kung paano ko bibigkasin ang pangalan mo... Gobernador Carlos Veridiano..."
Suminghap ako at hindi makapaniwalang tinignan si Pitoy. Napatayo si Papá, nanggagalaiting itinuro siya.
"Pangahas! Kay lakas ng loob mong idawit ako sa isang krimen!" sigaw ni Papá.
Dinaluhan siya ni Mamá na lumuluha na. Sinulyapan ko si Kuya Cesar na nanatili ang paningin kay Pitoy. Nakakuyom ang kaniyang mga kamao at nagtatagis ang bagang.
Samantala, nagsalitang muli si Gloria na kalmado pa rin. Bumaling siya kay Pitoy na malaki ang ngisi.
"Ano ang kinalaman ni Gobernador Carlos sa nangyaring pagpatay?"
"Aamin na ako. Wala na rin naming saysay kung itatago ko pa. Isang linggo ang nakararaan noong bisitahin ako ni Gobernador Carlos sa kwadra. Inabutan niya ako ng sobreng naglalaman ng malaking halaga ng salapi. Ang kailangan ko lamang daw gawin ay paslangin ang nobya ni Senyorito Cesar na si Roselia," kaswal niyang pagsasalaysay.
Inabot niya kay Gloria ang tinutukoy niyang sobre. Binuksan niya iyon at ipinakita sa amin ang laman.
Sa totoo lamang ay hindi ako lubusang nagtitiwala kung nagsasabi nga ng totoo si Pitoy. Malupit si Papá ngunit hindi sumagi sa aking isipan na kaya niyang magpapatay ng tao.
"M-maaaring gawa-gawa lamang niya iyan."
Napatingin silang lahat sa akin. "Ang sobre at ang salaysay niya, maaaring planado. Madaling maghabi ng salita at lagyan ng pera ang sobre upang maging ebidensya."
"Ngunit hindi para sa gaya kong kapus-palad, Senyorita," si Pitoy na tila inaasahang sasabihin ko iyon.
Natahimik ako at napatitig kay Papá. Magagawa niya nga ba iyon? Naalog ang pananalig ko sa kaniya nang madinig ang mga salita ni Pitoy. Ngunit kailangan kong manindigan at paniwalaan si Papá.
"Alam mo bang sa pag-amin mong ito ay makukulong ka pa rin dahil ikaw ang mismong pumatay kay Roselia? Dawit ka pa rin sa krimen."
Mahinang natawa si Pitoy sa sinabi ni Gloria. Tila hindi ko siya kilala sa mga oras na ito. Ang maamo at palakaibigang Pitoy ay naglaho na. Matatalim na ang kaniyang mga tingin at ngisi.
"Oo naman. Hindi iyon lingid sa aking kaalaman. Tinitiyak ko lamang na hindi ako mag-iisa sa bilangguan."
Tinapos na ni Gloria ang interogasyon at isinama si Pitoy sa istasyon ng pulis upang ilahad din doon ang kaniyang salaysay. Magpapatuloy ang imbestigasyon hanggang walang kongkretong ebidensyang magdidiin sa pangalan ni Papá.
Pinatawag naman ni Mamá si Doktor Israel Consano dahil tumaas ang presyon ni Papá. Nais linisin ni Papá ang kaniyang pangalan at magtungo na rin sa istasyon ngunit ipinagpaliban muna iyon ni Mamá hanggang sa bumuti na ang kaniyang kalagayan.
Naiwan kami ni Kuya Cesar sa tanggapan. Sapo niya ang kaniyang ulo, tila naguguluhan na rin sa nangyayari.
"H-hindi iyon magagawa ni Papá, Ceres," bulong niya.
Tinapik ko ang kaniyang balikat. "Tama ka, Kuya. Naniniwala rin ako kay Papá. Huwag kang mag-alala, lalabas din ang katotohanan."
Walang sigla ang gising ng bawat isa sa amin dahil sa nangyari kagabi. Hindi sumabay sa almusal si Mamá dahil abala siya sa pag-asikaso kay Papá na hanggang ngayon ay masama pa rin ang pakiramdam.
Sa hapag ay tahimik lamang kami nina Kuya Cesar at Elena. Kapwa kami malalalim ang mga iniisip. Tunog lamang ng mga kubyertos ang madidinig at kung minsan ay ang mga singhap ni Kuya Cesar.
Ako ang unang natapos kumain. Tahimik ko lamang silang pinagmamasdan. Hindi tamang isipin ko ito sa gitna ng hindi magandang sitwasyon pero hindi ko maiwasang mapansing kung tutuusin ay bagay sina Kuya Cesar at Elena. Akala ko nga'y sila ang magkakatuluyan kung hindi lamang ako pinakilala ni Kuya kay Roselia.
Naalala ko pa dati nang nalaman ko ang sikretong pagtingin ni Elena kay Kuya. Hinikayat ko siyang umamin ngunit minabuti niyang itago na lamang iyon. Sapat na raw sa kaniyang maramdaman iyon para kay Kuya.
Kung ganoon, iyon din ba ang tinutukoy ni Aurelius sa sinabi niyang mabuti na lamang itago ang ibang bagay? Sa unang pagkikita pa lang namin ay nagpahayag na siya ng interes sa akin at sa kasunduan. Binalewala ko nga lamang ang kaisipang iyon dahil tutol ako sa nakatakda naming pagsasama.
Nag-angat ako ng tingin nang tumayo si Kuya Cesar at tinignan ako. "Bisitahin natin si Papá, Ceres," anyaya niya sa akin.
Sumunod na lamang ako sa kaniya kahit tutulungan dapat si Elena sa pagliligpit. Mahina kaming kumatok sa kanilang silid nang matapat doon.
Pinagbuksan kami ni Mamá na halata ang pag-aalala at lungkot sa mukha. Ngumiti siya ng tipid nang makita kami.
"Kanina niya pa kayo hinihintay," tukoy niya kay Papá.
Pumasok kami at nadatnang gising si Papá, wala na ang panghihina. Naka-angat ang kalahati ng kaniyang katawan. May nakahandang pagkain at gamot sa kaniyang gilid.
"Papá..." tawag ko rito at hindi napigilan ang pagyakap sa kaniya.
Tinapik niya ako kaya kumalas na. Nakatuon lamang ang kaniyang paningin kay Kuya Cesar na nakapamulsang pinagmamasdan kami.
"P-atawad, Cesar..." bulong niya sa mahinang boses.
Nangingilid ang luha ni Papá habang sinusubukang magpaliwanag kay Kuya Cesar.
"T-totoong pumunta ako sa kwadra at inutusan si Pitoy. Ngunit hindi para patayin si Roselia kundi para kumbinsihing layuan ka na. Huli na nang malaman kong... p-pinatay niya ang iyong nobya."
Sinulyapan ko si Kuya Cesar na nakayukong lumuluha na rin. Nanatili lamang si Mamá sa sulok at pinanonood kami.
Napatingin kaming lahat ng may kumatok sa pinto at iniluwa niyon si Elena na may hindi maipaliwanag na pagkabalisa.
"Senyorito, nariyan sa baba si Gloria at may balita siya tungkol sa kaso," imporma nito.
Nagmamadaling lumabas si Kuya Cesar kaya sumunod ako. Natanaw ko si Gloria na komportableng naka-upo sa aming tanggapan at may dalang mga papel.
Tumayo ito nang makababa na kami. "Magandang umaga. Nais ko lamang ipakita sa inyo ang mga ito," abot niya sa amin ng mga papel na iyon.
"Nag-imbestiga kami sa tahanan ni Pitoy at nakita namin ang mga iyan. Ang iba ay nasunog na ngunit tila nakalimutan niya ang iba. Napag-alaman naming kasapi siya sa isang organisasyong kinabibilangan ng mga kritiko ng inyong ama. Nagsisilbi siyang espiya," salaysay nito.
"Umamin na rin sa amin si Papa na inutusan niya nga si Pitoy ngunit hindi para patayin si Roselia kundi takutin lamang," dagdag ko.
Tumango si Gloris. "Kung ganoon, ginamit niya ang pagkakataong inutusan siya ni Gobernador Carlos na takutin si Roselia upang palabasing ipinapatay ito ng gobernador. Sa ganoong paraan, tinangka nilang mapunta ito sa kulungan upang mawala sa kanilang landas."
Ang mga papel ay mga sulat na galing sa iisang taong may simbolong agila at lobo. Nakasaad doon ang plano nilang pagbabagsak kay Papá.
"Marapat lamang na mabulok sa kulungan si Pitoy," si Kuya Cesar na nakakuyom ang mga kamao habang nakatitig pa rin sa mga sulat.
Bumuntong-hininga si Gloria kaya nag-angat ako ng tingin sa kaniya. "Sa kasamaang palad nga ay nakatakas si Pitoy. Bigla na lamang siyang nawala sa istasyon," bunyag niya sa masamang balitang bubungad pala sa amin sa araw na iyon.
YOU ARE READING
Worlds Between Us
Historical Fiction| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...