Kabanata 34

283 15 1
                                    

Kabanata 34: Mga Pagbabago

Dali-dali akong nagpaalam sa aming mother superior at kay Tiya Fatima na kakailanganin kong umuwi sa amin. Pinayagan naman nila ako ngunit bilang lamang ang araw na maaari akong manatili roon.

"Bakit ka ba uuwi? May nangyari ba?" tanong ni Tiya Fatima nang naihatid niya na ako sa daungan.

"Nagkaroon ng problema, Tiya. Uuwi ako upang makatulong."

"Sabihin mo sa iyong Mamá na kahit gustuhin ko mang umuwi rin ay hindi pwede dahil sa dami ng inaasikaso ko sa pagpapatayo ng bagong dormitoryo."

Tumango ako at hinayaan na niya akong makasampa sa barko. Mabuti nga at may kilala si Tiya Fatima rito kaya hindi ako nahirapang makakuha agad ng bilyete.

Ngayon na lamang ako muling nakasakay sa barko dahil takot na takot noon. Marahil siguro nakuha ko iyon sa nasaksihan kong pagsabog at paglubog ng barkong sinasakyan noon ni Pacifico. Kaya nang sumama ako kay Tiya Fatima papuntang Maynila, sa bus kami sumakay kahit ilang beses kaming nagpalipat-lipat ng sasakyan.

Ginugol ko ang aking buong araw sa pagtuturo ng mga salita ng Diyos sa mga batang naroon. Magaan sa pakiramdam ang makapagbahagi sa kanila. Kahit ang kanilang mga magulang ay naengganyo rin na makinig sa aking mga itinuturo.

Sa gabing iyon ay binisita ako sa aking silid ng kapitan ng barko na si Kapitan Morais. Siya rin ang kakilala ni Tiya Fatima na nagbigay sa akin ng bilyete. Nakarating sa kaniya ang ginawa ko kaya dumalaw upang magpasalamat.

"Nabigla ako nang ibalita sa akin iyon ng aking kasama kaya ninais kong makilala ang madreng kaniyang tinutukoy. Maraming salamat, Sister Ceres," sambit nito.

Umiling ako at ngumiti. "Ako po dapat ang magpasalamat sa inyo. Salamat po at binigyan ninyo ako ng pagkakataong makasakay sa barkong ito."

"O, siya. Sana ay masiyahan ka sa iyong sandaling pananatili rito, Sister Ceres. Magandang gabi."

Hindi na rin siya nagtagal pa at hinayaan na akong makapagpahinga. Mabilis akong nakatulog dahil sa pagod at lambot ng kama.

Hindi pa sumisilay ang araw ngunit gising na ako kaya ginamit ko ang pagkakataong iyon upang maglibot sa barko.

Payapa ang karagatan kaya hindi ako nahirapan sa paglalakad. Bumalik lamang ako sa aking silid nang nakita na ang pagsikat ng araw. Nadatnan kong may naghihintay sa akin sa labas ng aking pintuan.

"Magandang umaga, Sister. Ipinabibigay sa iyo ito ni Kapitan Morais," bungad nito sa akin.

Inabot niya sa akin ang dalang pagkain at pagkatapos ay nagpaalam na. Doon ko lamang naalalang hindi pa pala ako nakakapag-almusal. Bago dumaong ang barkong ito mamaya, sana ay makasalubong ko ang kapitan upang makapagpasalamat.

Halata ang pagkasabik sa lahat nang makarating na kami sa aming destinasyon. Madaming tao ang nag-aabang sa ibaba at isa roon si Elena na kumaway nang matanaw ako.

Napangiti ako at kumaway pabalik. Hindi pa ako makababa dahil ayokong sumabay sa bugso ng tao. Hihintayin ko na lamang na makapanaog sila bago susunod.

"Sister Ceres..."

Lumingon ako at nakita si Kapitan Morais. Nakangiti akong yumuko. "Magandang umaga, Kapitan. Salamat po sa ibinigay ninyong almusal. Napaka-aliwalas ng panahon ngayon, hindi po ba?" bungad ko sa kaniya.

"Tama ka, Sister. Natutuwa ako dahil ligtas tayong dumaong. Nangangamba kasi ako sa tuwing maglalayag magmula noong nangyaring insidente ilang taon na ang nakalilipas."

Napakurap-kurap ako. "P-po? Anong i-insidente?"

"Imposibleng hindi mo nabalitaan iyon dahil galing dito ang barkong iyon. Ako ang kapitan sa barko noong nangyari ang pagsabog. Mabuti nga at nakaligtas ako ngunit lubhang naapektuhan ng nangyari ang aking katawan," pagsasalaysay niya.

Itinaas niya ang manggas ng kaniyang uniporme at nakita ko ang sunog na bahagi ng kaniyang braso. "Natatandaan ko pa ang binatang naging dahilan ng pagkakaligtas ko. Nais niyang bumalik sa daungan kaya tinawag ako ng aking mga tao at ipinakausap siya. Hindi ko siya pinagbigyan sa kaniyang nais kaya nagalit at itinulak ako pabagsak sa dagat. Nakita ko ring tumalon siya mula sa barko. Kung makikita ko siyang muli ay labis ko siyang pasasalamatan sa pagtulak sa akin."

Humalakhak ang kapitan ngunit nanatili akong tigalgal sa kaniyang harap. Kung galing dito ang barko at iyon ang nasaksihan kong sumabog, maaari kayang si Pacifico ang tinutukoy niyang binatang nagligtas sa kaniya?

Itatanong ko sana kay Kapitan Morais ang hitsura ng taong iyon ngunit naunahan na niya ako. "Maaari ka nang bumaba, Sister Ceres. Maluwag na ang daanan."

Tumango ako at pinilit na ngumiti. "S-sige po, Kapitan. Aalis na ako," paalam ko.

Wala ako sa sarili hanggang sa salubungin ni Elena. Niyakap niya ako nang mahigpit ngunit hindi ko man lang magawang tumugon.

Kumalas siya at kumunot ang noo. "Ayos ka lang ba? Masama ba ang pakiramdam mo dahil sa tagal ng paglalayag?"

Umiling ako at inaya na siyang umuwi. Hindi na siya kumibo dahil napansin ang pagiging tahimik ko. Nang makarating na kami sa mansyon, doon lamang siya nagsalitang muli.

"Ang lalim ng iniisip mo," puna niya.

Pagak akong natawa. "Napagod kasi ako. Pasensya na, Elena."

Sumimangot siya pero nang dinaluhan kami ni Kuya Cesar ay ngumiti agad. "Ano pang ginagawa ninyo rito sa labas? Kanina pa kayo hinihintay ni Mamá."

"Papasok na sana kami nang bigla kang dumating," sagot ni Elena.

"Ganoon ba? Pumasok na tayo."

Nakasunod ako sa dalawa na magkahawak ng kamay. Apat na taon na ang lumipas mula noong ikasal sila. Sa huli, sila rin pala ang magkakatuluyan.

"Ceres!"

Niyakap ako ni Mamá na ikinangiti ko. "Kung hindi pa kita pauwiin, hindi ka pa bibisita," sabi ni Mamá, nagtatampo.

"Bibisita ulit ako pagkatapos nito. Kailangan ko lamang humanap ng libreng araw."

Iginiya ako nito sa aming tanggapan kung saan naroon sina Kuya Cesar at Elena. "Ano po bang nangyari?"

Bumuntong-hininga si Mamá at hinawakan ang kamay ko. "Nitong nakaraan kasi ay dumalaw rito si Gloria at nais niyang buksang muli ang kaso ni Roselia upang maisangguni sa Korte Suprema. Tumanggi ang iyong Papá kahit gusto niya rin iyon dahil na rin sa kasunduan nila ni Heneral Arnulfo. Nakarating iyon sa mga militar at inakala nilang balak silang ilaglag ni Carlos kaya dinakip ang iyong Papá."

Suminghap ako at nag-alala sa aking Papá na may katandaan na. May posibilidad na hindi na kayanin ng kaniyang katawan kung pinahihirapan doon.

Nagtagis ang ngipin ko. "Sino po ba ang kasalukuyang heneral?"

"Si Aurelius, Ceres."

Worlds Between UsWhere stories live. Discover now