Kabanata 9: Katotohanan
Tahimik lamang akong nakaupo sa hapag habang nag-uusap sina Papá at Aurelius tungkol sa aming kasal.
"Magandang planuhin na ito ngayon, Aurelius, nang sa ganoon ay mapanatag na ako," ngisi ni Papá.
Tumango si Aurelius at saglit akong sinulyapan. Nagbaba lamang ako ng tingin at ipinagpatuloy na ang pagkain.
"Iyon din po ang nais ko, Gobernador Carlos. Mabuti kung atin din pong tatanungin si Ceres tungkol dito."
Napakurap-kurap ako at gulat na napatingin sa kaniya. Gusto kong umatras pero alam kong wala na akong kawala.
Tumikhim ako at pinunasan ang labi. "Kung iyon ang nais niyo..." bulong ko.
Nagtagal ang titig sa akin ni Papá ngunit nag-iwas ako ng tingin. Naduduwag akong tignan siya sa mga mata dahil pakiramdam ko ay alam niyang hanggang ngayon, tutol ako rito. Hindi ko hawak ang aking kapalaran at para sa isang tulad kong matayog ang pangarap para sa sarili, nakakalungkot iyon.
Pagkatapos ng usapan ay umakyat na ako sa aking silid kahit na hindi pa pormal na nakakapag-paalam kay Aurelius.
Bumaba ang tingin ko sa aking pulseras. Sumagi tuloy sa aking isipan ang mga pinagkaabalahan ko nitong nakaraan. Pagkatapos noon ay hindi na muli akong nakabisita sa kanila dahil abala ako kasama si Elena. Tinupad niya ang pangakong ako ay tuturuang muli.
Naduduwag din ako lalo na ngayong malapit na ang kasal. Hindi ko pa kayang makita siya dahil ipapaalala lamang sa akin niyon na wala kaming patutunguhan. Mananatili lamang kaming magkalayo.
Kung totoo nga ang mga ipinakikita at tinuran ni Pacifico, lalo lamang akong ilalayo nito sa nakatakda nang plano para sa akin. Ngunit ayaw ko siyang gawing rason para lamang makawala sa kasunduang ito. Hindi iyon patas sa kaniya lalo na't wala siyang nalalaman.
Nagbihis ako at napagpasyahang bibista nang muli sa tubuhan. Kailangan kong linawin ang lahat sa kaniya. Ayokong paasahin siyang maaari kaming dalawa.
"Saan ka tutungo, Ceres?" salubong sa akin ni Aurelius pagkababa ko ng hagdan.
Bahagya akong nagulat dahil ang akala ko ay nakaalis na siya. Kung ganoon ay hinintay niya pa pala ako.
Maliit akong ngumiti. "Sa tubuhan ang punta ko, Aurelius. Ikaw ay lilisan na?"
Umiling siya at sinuot ang sumbrero. "Sasama ako sa iyo," tugon niya ng nagpabahala sa akin.
Napakurap-kurap ako at pagak na natawa. "G-ganoon ba? O, sige..." Nilampasan ko na siya bago niya pa ako maalalayan pababa.
Agad kaming nagtungo sa kuwadra. Dahil nga kasama ko naman si Aurelius, walang pagdadalawang-isip kaming pinahiram ni Pitoy ng kabayo.
May tinanong pa si Aurelius kay Pitoy tungkol sa kalagayan ng kaniyang kabayo kaya hindi agad kami nakaalis.
Nang matapos ang ilang payo ni Pitoy para sa kabayo ni Aurelius ay umalis na naman kami. Tahimik lamang ako sa biyahe at ganoon din siya.
Nakaramdam nga lamang ako ng konsensiya dahil wala siyang alam sa aking nararamdaman pero batid kong may nag-iba sa trato ko sa kaniya.
Naabutan naming may pagtitipon ang mga trabahador. May mga nakasabit na ilang banderitas sa kubong kanilang pahingahan at maraming lamesa ang nakalabas.
Natanaw kami ni Mang Ruben kaya nakangiti niya kaming dinaluhan at inasikaso.
"Ano pong mayroon, Mang Ruben?" tanong ko sa kaniya pagkatapos niya kaming igiya sa isang bakanteng lamesa.
"Kaarawan ng anak kong si Pacifico, Senyorita. Kaya nagkaroon kami rito ng munting selebrasyon."
Umawang ang bibig ko at balisang inilibot ang tingin, sinusubukang hanapin siya. Nakakahiya dahil hindi man lang ako nakapagdala ng regalo. Ngunit hindi ko naman alam na kaarawan niya ngayon, hindi ba? Maaari naman sigurong ipahabol ko na lamang iyon.
Inalok kami ni Mang Ruben ng pagkain ngunit magalang kaming tumanggi. Nagpaliwanag kaming ka-kakain lamang kaya't busog pa.
Inabutan na lamang niya kami ng panghimagas at inumin. Bumalik na ulit siya roon sa mga kasamang nagkakatuwaan sa kabilang lamesa.
Napatingin ako kay Aurelius nang mapansing tahimik siya. Nakatanaw siya sa mga binatang masayang nagtatawanan. Nakitaan ko ng inggit ang kaniyang mga mata.
Tumingin din ako roon at nagulat nang makitang naroon si Pacifico, nakatingin sa banda namin. Inaabutan siya ng inumin ng katabi ngunit nanatili ang mga mata niya sa akin.
Nilapitan siya ni Lorena na kararating lamang at inabutan ng regalo. Pinaulanan sila ng tukso ng mga nakakita. Nag-iwas ako ng tingin at binalingan muli si Aurelius.
"Ito ang kasiyahang hindi nakikita ng mga mayayaman. Simple ngunit panghabang-buhay na alaala," turan ko.
Naging seryoso siya at umiling. "Kaya kong gumawa ng mga panghabang-buhay na alaala, Ceres." Ngumisi siya at tinitigan akong mabuti.
Lumingon akong muli sa mga tao. "Ngunit hindi kasing-saya ng mga ito."
Natahimik siya at lumunok. Bumalik ang paningin niya roon sa mga kalalakihan.
Mapait siyang ngumiti. Ganoon din ako nang matanaw kong tila may sariling mundo sina Pacifico at Lorena.
Bumuntong-hininga ako at iniwan muna siya roon. Lumayo ako nang kaunti mula sa kasiyahan. Lumiko ako at natagpuan ang isang sirang kubo. Wasak na ang kalahati noon ngunit mayroon pa rin namang bubong.
May papag sa loob kaya roon ako umupo. Tanaw ko pa rin ang malawak naming lupain at ang mga nagkakasiyahang tao ngunit hindi na abot dito ang kanilang ingay.
Siguro ay dapat ko na itong tigilan. Masasaktan lamang ako rito at kamumuhian ako ni Papá. Tiyak na maaapektuhan niyon si Mamá at Kuya Cesar.
Isa pa, hindi naman siguro matindi itong nararamdaman ko para magsilbing rasong dapat kong talikuran ang aking pamilya at ipaglaban ito.
"Akala ko ay hindi na tayo magkikita pa."
Gulat akong napalingon kay Pacifico na nakasandal sa nakatayong poste ng kubo at nakapamulsa. Matiim siyang nakatingin sa akin.
Yumuko ako at kinagat ang pangibabang-labi. Hindi ako sumagot kaya nanaig ang nakabibinging katahimikan sa pagitan naming dalawa.
Anong ginagawa niya rito? Madami siyang bisita at naroon si Lorena kaya dapat na manatili siya roon.
Tununog ang mga tuyong dahon nang humakbang siya palapit sa akin. Umupo rin siya sa papag ngunit may kalayuan sa akin.
"May... nagawa ba akong hindi mo nagustuhan kaya ang tagal mong hindi nakabisita?" tanong niya.
Niyakap ko ang aking mga tuhod at saglit siyang sinulyapan. Tanaw lamang niya ang langit at hindi ako nilingon.
Bumuntong-hininga ako. "Batid kong may nag-iba kaya nababahala ako. Hindi maaaring malihis ako kahit saglit." Lumunok ako at pumikit. "Kaya sinusubukan kong bumalik... pero lagi lamang ako nitong dinadala sa iyo."
Bumaling siya sa akin at tipid na tumango. "Totoo ba iyan?" tukoy niya sa nararamdaman ko.
Maliit akong ngumiti. "Totoong-totoo."
"Kung ganoon ay huwag kang matakot dahil kasama mo ako sa katotohanan."
Natigilan ako at hindi makapaniwala siyang tinignan. Hindi na siya sa akin nakatingin pero malakas pa rin ang kabog ng dibdib ko. Binalikan ko ang kaniyang sinabi at lalo lamang bumaon sa akin ang walang kasiguraduhan.
YOU ARE READING
Worlds Between Us
Historical Fiction| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...