Kabanata 3

913 34 20
                                        

Kabanata 3: Talon

Magaan kong sinusuklay ang aking buhok nang pumasok si Mamá sa aking silid. May dala siyang isang baso ng gatas. Inilapag niya iyon sa aking harap.

"Anak, alam kong may agam-agam ka tungkol sa inyong kasal ni Aurelius," panimula niya.

Natigil ako, kung kaya't ibinaba ko ang suklay at tumitig na lamang sa aking repleksiyon sa salamin. Nagkatinginan kami roon ni Mamá.

Kinuha niya sa akin ang suklay at siya na mismo ang gumamit noon sa akin. "Maaari ko bang malaman ang saloobin mo, anak ko?" Ngumiti siya.

Napakurap-kurap ako, gulat na nais niyang malaman ang aking opinyon. Akala ko ay hindi na mahalaga sa kanila iyon.

Suminghap ako. "Mamá, musmos pa lamang po ako ay alam ko nang sagrado ang kasal. Kaya sa munting pag-iisip, tinatak ko na sa aking dapat ay pahalagahan ko ito." Tumigil ako at saglit siyang sinulyapan.

Nakikinig siya kaya nagpatuloy ako. "Ipinangako ko sa aking sarili at sa Diyos na hindi ako magmamadali at titiyakin kong mahal ko ang aking mapapangasawa. Panghabang-buhay itong desisyon na maaaring magdikta ng aking hinaharap. Kaya ninais ko na ako mismo ang makahahanap ng siyang aking makakasama. Ngunit kung ito ang gusto ni Papá, dalangin ko sa Maykapal na Siya na lamang ang magpasya para sa akin," dagdag ko.

Hinarap niya ako. Nagtagpo ang aming paningin at nakitaan ko siya ng awa para sa akin. Niyakap niya ako at kinintalan ng halik sa noo.

"Kung ganoon, dalangin ko sa Panginoon ang iyong kapayapaan," bulong niya.

Maaga akong nagising kinabukasan dahil sa ilang tawag at katok sa labas ng pintuan. Kahit inaantok pa, pinagbuksan ko ang tao roon.

Nadatnan ko si Elena na aligaga at kinakabahan. Nagliwanag lamang ang kaniyang mukha nang masilayang gising na ako.

"Magdali ka, Ceres! Nariyan si Aurelius sa ibaba! Hinihintay ka!" bungad niya.

"A-ano? Kanina pa siya?"

"Oo. Bilisan mo!"

Sinalakay ng munting kaba ang aking dibdib. Nabigla ako kaya dali-dali kong isinara ang pinto kahit naroon pa si Elena.

"Tumatakbo ang oras, Ceres! Hindi mo gugustuhing paghintayin ang iyong mapapangasawa!" sigaw ni Elena sa labas.

Lalong bumilis ang pintig ng aking puso. Sinubukan kong kumalma. Bumuntong-hininga ako at nagsimula nang maligo.

Minabuti kong bilisan para hindi ako mapagalitan ni Papá. Suot ang bulaklaking bistida, nagmamadali akong bumaba.

Nang matanaw ko sina Papá at Aurelius na may pinag-uusapan sa aming tanggapan, bumagal at naging mabini ang aking mga hakbang.

Nasulyapan ako ni Aurelius kaya matikas siyang tumayo. "Magandang umaga, Ceres," bati niya.

Tumayo rin si Papá nang lapitan ko siya. Humalik ako sa kaniyang pisngi. "Magandang umaga. Paumanhin at natagalan ako." Nakayuko ako at pinaglalaruan ang mga daliri.

"Kayo'y mag-agahan na, Ceres. Inihanda na ni Elena ang lamesa. Pagkatapos ay ipasyal mo si Aurelius sa ating lupain," utos ni Papá.

Inayos niya ang pomada ng buhok, naghahandang pumasok sa opisina. Tumango ako sa kaniyang sinabi.

Bumaling siya kay Aurelius na nasa akin ang tingin. "Maiwan ko na kayo, Aurelius. Ipauubaya ko na sa iyo ang aking anak. Kailangan na ako ng mga taong-bayan." Bumuntong-hininga ako.

Yumuko si Aurelius. "Ako na po ang bahala kay Ceres, Gobernador Carlos. Mag-ingat po kayo sa daan," tugon niya.

Nakangiting tinapik siya ni Papá sa balikat, natutuwa sa kaniyang sinabi. Lumisan na si Papá kaya naiwan kaming dalawa. Walang kumikibo sa amin. Nakaramdam ako ng pagkailang dahil hindi naalis ang tingin niya sa akin.

Worlds Between UsWhere stories live. Discover now