Kabanata 35

294 15 1
                                        

Kabanata 35: Paghakbang sa Bangin

Hindi na ako nagdalawang-isip pa at agad na nagdesisyon. Nais akong samahan ni Kuya Cesar ngunit kilala na siya ng mga bantay dahil nagpabalik-balik siya roon at sinubukang ipuslit si Papá.

"Sigurado ka ba rito sa plano mo? Paano kung mapahamak ka pa? Lalo na ngayong nandito ka at galit sila sa atin," si Mamá na kanina pa ako kinukumbinsing huwag nang ituloy ang balak kong pakiusapan si Aurelius.

Nakasunod sa amin ng tingin si Elena na nag-aalala rin para sa akin. Bumuntong-hininga ako at nakangiting hinarap siya. "Mamá, magtiwala ka sa akin. Kailangan tayo ngayon ni Papá at kung wala tayong gagawin, maaaring mapahamak siya."

"P-pero..."

Hinawakan ko ang kaniyang kamay. "Pangako. Babalik ako nang ligtas at kasama si Papá," paninigurado ko.

Niyakap ko siyang muli bago umalis at tumungo sa kampo ng mga militar. Wala nang nagawa si Mamá dahil batid niyang hindi na mababago ang aking isip. Nag-retiro na marahil si Heneral Arnulfo kaya ang panganay niyang anak na si Aurelius ang humalili sa kaniya.

Nakatakda na naman siyang mamuno noon pa kung natuloy lamang ang kasal namin. Dahil umatras siya, nagtagal pa sa kaniyang posisyon ng ilang taon ang kaniyang amang balita ko ay may sakit nang iniinda.

"Anong sadya mo rito?"

Bumungad sa akin ang sundalong nagbabantay sa labas ng kampo. May hawak itong baril kaya napalunok ako. Base sa mukha at tindig nito, hindi nagpapapasok ng sinumang walang mahalagang sadya. Kung gagamitin ko naman ang pagiging Veridiano ko, malalaman agad nito ang aking pakay at maaari pa akong saktan.

"Nais kong makausap si Heneral Aurelius. Dati niya akong kasintahan at nais ko lamang siyang bisitahin," panlilinlang ko.

Kumunot ang noo niya at pinasadahan ako ng tingin, kinikilala ako. Tumikhim ako kaya nag-angat na siya ng tingin.

"Tumawag siya sa akin kanina. Pinagmamadali niya nga ako dahil may mahalaga pa raw siyang gagawin. Kung hindi mo pa ako papapasukin ngayon, baka magalit siya."

Mukhang hindi pa rin siya kumbinsido at humakbang na palapit para itaboy ako. Handa na akong magpumilit nang daluhan kami ni Tomas na nasa serbisyo pa rin pala hanggang ngayon.

"Sister Ceres, narito ka na pala. Hinihintay ka ni Heneral Aurelius." Kumindat siya sa akin ngunit bigla ring sumeryoso nang nilingon ng kasamahan.

Wala siyang nagawa kundi hayaan na ako. Taas-noo akong nagpatuloy sa paglalakad kahit nangangatog na ang mga tuhod ko. Wala sa isip ko ang umatras dahil ang tanging hangad ko lamang ay makumbinsi si Aurelius na hayaan nang makalabas si Papá.

Nagpasalamat muna ako kay Tomas bago nagmamadaling hinanap ang opisina ni Aurelius at dahil nagawi na rin ako rito noon, madali ko naman iyong nakita. May mga binagong gusali ngunit hindi naman ako nalito.

Suminghap ako at mariing pumikit bago kumatok. Kumuyom ang kamao ko nang hindi ito bumukas kaya mas nilakasan ko ang pagkatok.

Sa gitna ng pangyayaring iyon, iniluwa ng pinto si Aurelius na pormal na nakatayo at magkasalubong ang kilay.

Napalitan ng ngisi ang kaniyang simangot nang makita ako. Niluwagan niya ang pagkakabukas ng pinto at tumabi upang makapasok ako.

Hindi ko pinahalatang kabado talaga ako ngayong nandito na. Hindi siya umupo sa kaniyang sariling upuan kundi sa aking harap kaya naging alerto ako.

Napansin naman niya iyon kaya inusog nang kaunti ang upuan patalikod. Bumaba ang tingin niya sa aking kamay na nanginginig. "Kumusta ka na? Bakit ngayon ka lang nakabisita?" tanong niya.

Tumikhim ako at sinubukang ngumiti kahit papaano. "Hindi iyan ang nais kong pag-usapan, Aurelius."

Mas lumaki ang ngisi niya at nanunuyang tinignan ako. "Nabalitaan ko ang nangyari kay Pacifico. Sayang ang pinaubaya kong pagkakataon sa inyo. Nakalulungkot ngunit marahil karma niya na iyon."

Nagtagis ang ngipin ko. "Ano pa bang nais mo, Aurelius? Pinatay mo si Mang Ruben at ngayon, ipinadakip mo ang aking Papá."

Tumayo siya at pumunta sa likod ko. "Tila may nakaligtaan ka, Ceres. Iyong ginang na pinagbintangang nagnakaw sa aming arsenal at kaanib ng mga rebelde? Ano ngang ngalan niya?"

Nanlaki ang mga mata ko at gulat siyang nilingon. Si Aling Ising ba ang tinutukoy niya? Kung ganoon, siya rin ang nag-utos na patayin ito at palabasing magnanakaw?

"P-paano mo nagawang... pumatay ng ganoong kadali? Lumalabag ka sa batas ng tao at ng Diyos!"

Nag-igting ang bagang niya. "Hindi pa sapat ang mawalan ng mahal sa buhay si Pacifico! Siya ang dahilan kung bakit hindi ako ang pinili mo!"

Umiling ako at humagulgol sa aking mga palad. Naninikip ang dibdib ko sa tuwing naiisip na kung hindi ako dumating sa buhay ni Pacifico ay payapa silang namumahay ngayon. Hindi ko maiwasang sisihin ang aking sarili.

"Batid kong hindi ka pupunta rito kung wala kang kailangan mula sa akin. Ano ang iyong nais, Ceres?"

Bumalik na siya sa aking harap, nakangisi at matalim ang tingin samantalang patuloy sa pagdausdos ang mga luha ko.

"P-pakawalan mo na si Papá. Pakiusap. Wala siyang balak na buksang muli ang kaso ni Roselia. Inalok siya ni Gloria ngunit siya ay tumanggi dahil alam niya ang kahihinatnan niyon kung nagkataong pumayag siya," sambit ko, nagmamakaawa.

Inangat niya ang aking mukha at pinakatitigan ako. "Wala ka namang nais na hindi ko ibinigay, hindi ba? Nang ninais mong maging malaya sa kasunduan kasama si Pacifico, pinagbigyan kita."

"Pero buhay ang naging kapalit!"

"Hindi mo pa nga talaga ako lubusang kilala. Hindi ako nagbibigay ng pabor nang walang kapalit," aniya.

Dinig ko ang malakas na tibok ng aking puso nang hinaplos niya ang gilid ng aking mukha. Pumiglas ako nang higpitan niya ang pagkahawak sa aking pisngi. Halos bumaon na ang kaniyang kuko sa aking balat.

"Nais mong makalaya ang iyong Papá, hindi ba? Paglabas mo sa silid na ito, makalalabas na siya kasama mo. Ngunit, kagaya ng sinabi ko, may kapalit, Ceres."

Sa oras na iyon, ipinaubaya ko na sa Diyos ang lahat. Ilang beses kong inisip na hindi ako mahalaga kay Papá pero noong pinili niyang manahimik upang hindi malagay sa panganib ang aking buhay, napagtanto kong mahal niya ako, higit pa sa pagmamahal na mayroon ako para sa kaniya.

"Ano ang kapalit, Aurelius?"

Hindi siya sumagot at itinulak ako sa kaniyang mesa. Sinuntok niya ang aking sikmura at inuntog ang aking ulo. Nanlabo ang aking paningin ngunit nasilayan ko pa rin ang mga mata niyang puno ng kasamaan. Sinubukan kong sumigaw ngunit batid kong kahit may makadinig ng aking mga palahaw, walang dadalo sa akin.

Worlds Between UsWhere stories live. Discover now