Kabanata 32

274 14 0
                                    

Kabanata 32: Abo ng Pamamaalam

Namumugto ang mga mata ko kinabukasan, puyat at magdamag na umiyak. Kung hindi pa ako ginising ni Elena ay hindi pa ako babangon at gugugulin na lamang ang buong araw sa loob ng silid.

Mabibigat ang mga hakbang ko patungo sa komedor. Nakahain na ang almusal ngunit ako lamang mag-isa ang kakain.

Maagang gumayak sina Papá at Mamá patungo sa ospital upang ayusin ang nakatakdang paglabas ni Kuya Cesar. Si Tiya Fatima naman ay tumungo sa simbahan kaya naiwan kaming dalawa ni Elena.

Nabulabog ang buong sambahayan nang makarinig kami ng sigaw na nanggagaling sa labas. Dahil may pinagkakaabalahan si Elena, ako na ang lumabas upang tignan iyon.

"Ceres! Nasaan si Pacifico?! Ilabas mo siya!"

Sumigaw muli si Lorena nang natanaw akong papalapit. Nanggagalaiti siya at malaki ang umbok sa tiyan, nagdadalang-tao.

"Wala siya rito," tugon ko sa mahinahong boses.

Nagtagis ang ngipin niya at lalong nagwala. "Sinungaling! Alam kong narito siya!" Mabuti at nasa labas lamang siya dahil kung nagkataong wala kaming pagitan, kanina niya pa ako nasaktan.

Mapait akong napangiti, naalala ang nalaman kahapon mula kay Elena. Sana nga ay totoong narito si Pacifico at kasama ko. Sana nga ay hindi siya kasama sa inilibing nang buhay ng mga militar na iyon sa pamumuno ni Heneral Arnulfo at ni Aurelius.

Nanlaki ang mga mata ko nang nagsimula siyang humagulgol. Halos lumuhod na siya kaya umamba akong pagbubuksan pero nang maalalang may pagkabayolente siya, umatras ako.

"S-siya ang ama ng dinadala ko! Pakiusap!"

Sa dami ng kasinungalingang nadinig ko, iyong sa kaniya siguro ang hindi na ako maloloko. Napatunayan na ni Pacifico sa akin ang kaniyang sarili kaya tiyak na hindi niya iyon magagawa sa akin, lalo na kung kay Lorena lang din naman. Sapat na ang mga ginawa niya upang magtiwala ako sa kaniya. Walang kasinungalan na ang magpapabago ng isip ko.

"Umalis ka na, Lorena. Wala rito si Pacifico at kung narito man siya, tiyak akong hindi siya sasama sa iyo," pagtataboy ko sa kaniya.

Tumalikod na ako kahit nagwawala na siya ulit doon. Mapapagod din naman iyan at aalis sa oras na napanindigan na ang pagiging desperada niya.

Dumiretso ako sa hardin at pinagmasdan ang mga halamang itinanim ni Tiya Fatima. Malalago na ang iba at may mga bulaklak na kaya magandang pagmasdan. Isa ito sa mga libangan ni Tiya sa tuwing umuuwi siya rito.

"Ceres, narito ka pala," si Elena na kararating lamang.

"Kumusta si Tomas?"

Tipid siyang ngumiti. "Mas maayos na ang lagay niya kaysa kahapon. Baka bukas ay payagan na siyang makauwi."

Nakahinga ako nang maluwag sa nadinig. "Mabuti naman. Nais ko siyang dalawin para makahingi ng tawad."

"Huwag kang mag-alala, Ceres. Tutol din naman si Tomas sa kalupitang ginagawa ng kaniyang mga ka-baro kaya sana ay huwag mong sisihin ang iyong sarili sa nangyari sa kaniya."

Ilang sandaling nanaig ang katahimikan sa pagitan namin hanggang sa basagin niya ito. "Nakita ko siya."

Bumundol ang kaba at pag-asa sa aking puso. Gulat ko siyang tinignan, umasang ang pangalan ng taong iyon ang babanggitin niya.

"Ipinabibigay ito sa iyo ni Pacifico," pagpapatuloy niya.

Nangilid ang luha ko nang mahawakan ang sulat niya. Lukot  at manipis ang papel na ginamit doon.

Ceres,

Katagpuin mo ako at doon mapaparam
Bago ipaubaya sa alon ang aking kapalaran

— Pacifico

Pagkatapos mabasa iyon ay gumayak agad ako patungo sa daungan. Maraming tao kaya nahirapan akong hanapin siya.

Bumuntong-hininga ako at tumigil sa gitna. Tumingala ako nang napansing makulimlim at mukhang uulan. Nang nagbaba ako ng tingin, nasilayan ko na si Pacifico.

Nakapamulsa siya at pinagmamasdan ako. Umawang ang bibig ko, pagak na natawa kahit nagsimula nang lumuha. Hindi ko pa pala naiiyak lahat. Sa pagkakataong ito pala mauubos.

Magaan ang bawat hakbang ko palapit sa kaniya. Matiim siyang nakatingin sa akin, inaabangan ako. Ngunit hindi ko pala kayang patagalin pa lalo na ngayong aalis siya. Hindi ko na nakayanan, tinakbo ko na.

Dinamba ko siya ng yakap na tinugon naman niya. Pakiramdam ko ay ilang taon ang lumipas. O dahil lamang sa takot nang akala ko ay nawala na siya?

Pinakawalan ko na siya at sinaulo ang bawat sulok ng kaniyang mukha. "P-paanong...?" tanong ko.

"Hinayaan akong makalaya ni Aurelius sapagkat hindi naman talaga ako kabilang sa mga rebelde. Binigyan niya ako ng kondisyon kung saan kailangan kong magpakalayo-layo pansamantala."

"S-si... Mang Ruben?"

Suminghap siya at malungkot na ngumiti. "Ibinaon nila sa lupa, Ceres... Hindi ko maiwasang makaramdam ng galit kahit pinalaya ako kaya tutuparin ko ang mga pangarap ko at sa oras na may laban na ako, bibigyan ko ng hustisya sina Ama at Ina. "

Humikbi ako. "I-iwan mo ako?"

Nakalulungkot na aalis siya pero naiintindihan ko namang para rin sa kapakanan niya iyon at sa pamilya niya. Kailangan ko lang ng kasiguraduhan na babalikan niya ako. Dahil kahit hindi niya hilingin, maghihintay ako sa kaniya.

"Ang bawat daang aking tatahakin ay patungo lamang sa iyo, Ceres. Ang daang binabagtas ko ngayon at sa mga susunod pang panahon, ang hantungan ay ikaw."

"Kung ganoon, maghihintay ako, Pacifico," bulong ko.

Inangat niya ang kanang kamay ko at hinalikan iyon. "Mahal kita, Ceres."

Nakatanaw ako sa pagsampa niya sa barkong sasakyan patungo sa Maynila. Maraming katulad ko na pinagmamasdan din ang pag-alis ng mga taong mahalaga sa kanila.

Hindi naman nawawala ang mga pagkakataong tulad nito. Laging may mga tao sa buhay natin na umaalis at ang tanging pinanghahawakan lamang natin ay ang pangako nilang babalik.

Ngunit mas mabuti nang may kasiguraduhan dahil kung lumipas ang mahabang panahon at hindi bumalik, maaalala pa natin sila dahil may pangakong iniwan. Mananatili tayong umaasa na sa pagdating ng panibagong bukas, matatapos na ang paghihintay.

Kinawayan ko siya nang nagsimula nang umandar palayo sa daungan ang barko. Nanatili ako roon kahit unti-unti nang umaalis ang iba dahil hindi na tanaw ang mga inihatid nila.

Makulimlim pero nang sumiklab ang apoy sa ibabaw ng karagatan, nagliwanag ang kalangitan. Ang mga hikbi ko ay halos hindi na madinig dahil sa lakas ng pagsabog. Pinagmasdan ko ang barkong lulan si Pacifico hanggang sa lumubog ito at tuluyan nang mawala sa paningin ko.

Worlds Between UsWhere stories live. Discover now