Kabanata 38: Sukol
Habang parami nang parami ang mga tao, iniharap ni Pangulong Marcos sa media si Maj. Saulito Morales, ang pinaghihinalaang magtatangka sa buhay nilang mag-asawa.
Kasunod niyon ay ang pagtipon ni Gen. Fabian Ver ng mga tauhan niya sa Fort Bonifacio at pag-iwan niya ng pamumuno kay Gen. Josephus Ramas sa gagawing pagsugod sa Camp Aguinaldo at Crame.
"Pupunta ako ng Bulacan para tumulong. Naputol ang koneksyon ng Radio Veritas dahil dumating ang mga loyalista ni Pangulong Marcos at sinira ang transmitter," ani Papá.
Bumaha ang pag-aalala sa aking mukha. "Si Kuya Cesar?"
"Pupuntahan ka niya, Ceres. Hindi ko sinabing tutungo ako roon para tumuloy siya. Mag-ingat kayo rito."
Takot. Iyon lamang ang nararamdaman ka para sa kapatid at kay Papá. Kung totoo ngang ang mga tagasunod ng administrasyon ang may gawa nito, hindi ko maiwasang makaramdam ng galit dahil kahit papaano, naging maganda naman ang serbisyo ni Papa sa bayan at kahit tutol sa plano ng mataas, hindi naging hadlang para maglingkod siya tulad ng naipangako sa mga nasasakupan.
Ang kaisipang iyon ang bumagabag sa akin. Nais ko mang pigilan si Papá sa pag-alis ay batid kong mas makabubuti iyon at madaluhan ang mga kasama ni Kuya Cesar.
Tumango ako at niyakap muna si Papá bago siya hinayaan. Pumasok kami sa loob ng Crame at doon ay nagdaos ng misa.
Habang nagaganap iyon, lumipad ang isipan ko sa ibang bagay. Bakit kaya sa haba ng panahong palihim na nagdurusa ang marami, pinili na lamang nilang manahimik at ngayon lamang umaksiyon? At nang madapo ang tingin ko sa mga kababayang magkakahawak ang kamay, nalinawan ako.
Pagkamulat at pagkakaisa ang nag-ugnay sa lahat. Pagkagising... na tingin ko'y mas malalim sa mata, pagiging isa sa madaming paraang higit pa sa ilalahad ng mga numero. Ang bayan ko... isinilang nang muli... rito sa harap ng Diyos.
Nang matapos ang misa, tumungo kami sa EDSA para sumali sa rebolusyon. Nadatnan namin doon ang mga opisyales at miyembro ng ATOM na kagagaling lamang sa pulong nila sa Cubao.
"Pansamantalang gumamit ng backup transmitter ang Radio Veritas para maipagpatuloy ang broadcast. Balak na rin nilang ilipat ang operasyon sa Maynila," dinig kong balita ng isa naming kasamang suot ang unipormeng minsan ko na ring nakitang suot ni Kuya.
"Cesar!" sigaw ni Tiya Fatima kaya agad akong lumingon.
Tila nabunutan ako ng tinik sa lalamunan nang makitang maayos ang kalagayan ng kapatid. Halos takbuhin ko ang distansya sa pagitan namin at may pagkamangha sa mga mata niya ang inabangan. "Si Papá?" bungad niya matapos akong yakapin.
"Pumunta siya sa istasyon ninyo."
Inilibot niya ang tingin at may tinawag. Lumapit sa amin ang isang lalaking halos kasing-edad lang niya. Tinapik nito ang kaniyang balikat at saglit akong sinulyapan. "Nabalitaan ko ang nangyari. Ano ang lagay na ngayon?"
"Naayos naman na, Julio. Ang ipinagtataka ko ay nangyari sa Palasyo," si Kuya.
Kumunot ang noo ko habang binibigkas ang Aba Ginoong Maria samantalang mahinang natawa ang kausap niya. "Naghihintay si Gen. Tadiar ng permisong magpadala ng tao pero heto si Gen. Ramas, nauna na kaagad."
"At si Col. Sotelo?"
Tumango si Julio. "Nasa panig natin, Cesar."
"Julio!"
Napalingon kami sa isang matandang lalaking galit na tinignan si Julio. "Tumulong ka rito at nariyan na ang Army at Marines, hijo de puta!"
Napakamot sa ulo si Julio at maliit na ngumiti. "Punta na ako roon, Cesar... Sister Ceres," paalam niya.
Sinundan ko siya ng tingin pero saglit lamang iyon dahil naagaw ng mga naglalakihang truck ang mga mata ko. Nanlambot ang tuhod ko at muntik nang matumba nang nakita ang puwersang nakaharang sa amin.
Hinawakan ni Kuya Cesar ang siko ko habang mabilis akong napaantanda. "Ceres..."
"Walang bibitaw!" sigaw ng lalaking tumawag kanina kay Julio. Pumunta siya sa harap at minanduhan ang mga taong nagkakagulo.
Nagpatuloy ang pagro-rosaryo namin kahit pa, siyempre, may takot sa kahihinatnan ngayong narito na ang mga militar. May mga pumapalahaw ng iyak samantalang ang iba naman ay galit na binabalingan ang mga dumating.
Ang kapangyarihan... saan nga ba nasusukat? Sa dami ng koneksiyon? Yaman? Pag-aari? Tagapaglingkod? Ang kapangyarihan. Naroon... sa ikalalaya ng kalooban sa mata ng sarili at Diyos. Taglay ng nananampalataya at hindi namumuhi sa kapwa. Kung ganoon, hindi ito ang kapangyarihan, hindi ba? At ang pagiging malaya, abot-tanaw pero malayo pa.
"Si Tiya, Ceres?" Doon ko lamang napagtantong wala sa tabi ko ang tiyahin. Luminga-linga ako at pilit na naghanap sa gitna ng dagat ng mga tao.
"Tinutulungan tayo ni Ginang Cory!" nagagalak na turan ng isang madre.
May dala siyang radyo at sa pagbaling ko roon ay nadatnan ang namumutla at hapong-hapong si Tiya. Tila napansin naman niyang nakatingin ako kaya mabagal niya akong nilapitan. Medyo natagalan siya dahil nasa bandang gitna kami at galing siya sa harap.
Nanginginig ang mga kamay niyang may hawak na rosaryo. "Tiya?"
"C-ceres... M-may naiulat na... a-aksident papuntang Malolos at... nahulog raw sa bangin ang sinasakyan."
Napakurap-kurap ako at pagak na natawa nang matunugan ang ipinahihiwatig niya. "S-si Papá, Tiya, m-maayos na makararating."
Napatakip siya sa bibig at hinawakan ang braso ni Kuya Cesar na nakayuko at nag-igting ang bagang. "A-ang mga ibinigay na deskripsiyon, Ceres, ay umaayon sa... a-ama mo," nanlulumo niyang paliwanag.
Naawang tumingin sa amin ang mga nakarinig. Marahas akong umiling dahil pakiramdam ko ay totoo nga kung ganito ang reaksiyon nila. "Cesar..." si Kapitan Morales iyon, may simpatya sa kaniyang mga mukha nang kami ay lapitan.
"Kumpirmado na po ba, Kapitan, na si Papá iyon? At ang truck? Maayos ang lagay bago nahulog o may nakabunggo?" Kalmado si Kuya kahit batid kong pinipilit niya lamang iyon.
"Oo, Cesar. Kinumpirmang si Carlos nga iyon at isinugod na sa ospital. May tinitignang anggulo ang pulisya pero..."
"Sinadya po?" pagsingit ko.
Napatingin sa akin ang kapitan, natahimik pero 'di kalaunan ay nagsalita rin. "Posible, Sister Ceres dahil sira ang preno nang matignan iyon. Araw-araw ginagamit ang truck sa pagdiskarga ng mga kargamento kaya tiyak akong maayos ang lagay niyon. Iimbestigahan pa naman at titignan nga kung ganoon."
"Saan pong ospital... isinugod si Papa? K-kritikal po ba ang lagay niya?" Marahan akong hinigit ni Tiya dahil maging siya ay hindi nakakayanan ang mga tanong ko.
Pait ang nalasahan ko sa aking bibig ng masambit iyon pero gusto ko pa ring malaman ang sagot at... baka sakaling mapanatag ako kahit papaano.
Mariing tinignan ni Kapitan Morales ang kapatid ko. Bumuntong-hininga naman ito at pinaubaya ako kay Tiya bago inayang umalis ang kapitan, hindi sinagot ang tanong ko.
Wala ako sa sarili kahit nang dumating si Defense Minister Enrile kasama ang RAM. Magkakalingkis ang aming braso para gumawa ng barrier sa pagpunta nila patungong Crame sa kabilang gawi. Tumunog ang kampana ng simbahan kasabay ng usap-usapang pinaplanong pag-atake ng pangulo.
YOU ARE READING
Worlds Between Us
Narrativa Storica| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...
