Kabanata 7: Pagkakamali
Mariin kong pinagmamasdan si Elena na inaayos ang nasirang lampara sa gilid ng aking kama. Kanina pa siya walang kibo kaya nababahala ako. Simula noong dumating ako ay ganyan na siya, hindi man lang ako sinusulyapan.
Hindi na ako nakatiis kaya tinawag ko siya. "Elena... may problema ba?"
Natigil siya at bumuntong-hininga. Iniwan niya ang ginagawa para harapin ako. "Hindi ako magtatanong," tanging tugon niya, nakangiti.
Hindi nag-usisa si Elena ngunit batid kong naguguluhan siya at gustong malaman ang nangyayari. Marahil kapag nalaman niya, babalaan niya rin ako tulad ng ginawa ni Mamá.
Kinabukasan ay maaga akong gumayak para pumunta sa Sentro Luisito. Ako ay bibili ng mga palamuti at tansi. Nais kong gawan ng panlalaking pulseras si Pacifico bilang kapalit ng ibinigay niya sa akin at pasasalamat na rin sa paggagamot niya sa mga paso kong magaling na ngayon.
"Ceres, kay aga naman ng iyong pag-alis. Saan ka ba tutungo?" puna ni Elena pagkababa ko.
Sinipat niya ng tingin ang aking puting bistidang may kulay tsokolateng sinturon. Nakalugay naman ang aking mahabang buhok.
Ngumiti ako sa kaniya. "Tutungo ako sa Sentro. Mayroon lamang akong bibilhin."
Kumunot ang noo niya at sinilip ang pinahanda kong kabayo sa labas. Hindi ako pinayagan ni Kuya Cesar nang magpaalam ako kahapon pero nais bumawi ni Pitoy sa akin kaya pinagbigyan niya ako ngunit kailangang kasama siya.
"Bakit hindi mo na lamang ibilin iyan sa iba? Tiyak na mag-aalala ang iyong Papá kapag nalaman niyang lumabas ka ng hacienda," turan ni Elena, nakasimangot at halatang tutol sa balak ko.
Ngayon lamang siya naging mahigpit sa paglabas ko. Marahil siguro ay dahil iyon sa nasaksihan niya kahapon. Tiyak na inilalayo niya lamang ako sa posibleng dahilan ng pagsuway ko sa utos ni Papá na magpakasal kay Aurelius.
Umiling ako at binitbit na ang pitaka. "Kaya ko naman ito, Elena. Isa pa, kasama ko si Pitoy kaya walang kayong dapat na ikabahala." Bumuntong-hininga siya at walang nagawa kundi payagan na ako.
Nakasakay ako sa likod habang si Pitoy ang nasa harap, nagpapatakbo ng kabayo. Dahil malayo sa syudad at mahirap ang antas ng pamumuhay, bilang lamang ang mga nagmamay-ari ng sasakyan dito sa aming lugar.
Isa na roon ang pamilya ko na siyang kasama sa mga nagtaguyod ng lalawigan. Ang aking mga ninuno na sina Senyor Icarus Veridiano at Senyor Aquilus Veridiano ang nanguna sa pagbawi ng mga lupaing sakop ng lalawigan noong inangkin ito ng mga dayuhan.
Ngayo'y unti-unti nang nakikilala ang aming lalawigan sa pamumuno ng aking ama. Ang aking inang si Cleofe ay kabilang din sa alta sociedad. Galing siya sa isang mayamang pamilyang mula sa Maynila.
Ang ibang pamilyang kilala rin dito sa amin ay ang mga Arsenio, Adevar at ang mga Consano. Nagmamay-ari sila ng mga ekta-ektaryang lupain, nangunguna sa pag-aangkat ng mga produkto mula sa ibang lalawigan at maging sa ibang bansa.
Ang mga Arsenio ay kilala sa kanilang mahigpit na pamamalakad. Ang mga kilalang abogado ay mula sa pamilyang Adevar. Halos lahat ng kasong kanilang hinawakan ay naipanalo nila. Ang mga Consano naman ay ang tahanan ng mga tanyag na doktor sa lalawigan.
"Senyorita Ceres! Mabuti naman po at nadalaw kayo rito sa Sentro. May hinahanap po ba kayo?" tawag sa akin ni Aling Perlita na ina ni Elena.
"Magandang araw po. Naghahanap po ako ng mga palamuti at tansi. Nais ko pong gumawa ng pulseras."
"Ganoon po ba? Halika at tignan niyo itong aking paninda. Mamili po kayo ng kahit anong inyong magugustuhan," tugon niya.
Tumango ako at pumasok sa loob ng kaniyang tindahan. Marami ngang palamuti roon na siyang babagay sa gagawin kong pulseras.
YOU ARE READING
Worlds Between Us
Fiksi Sejarah| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...