Kabanata 19

327 18 0
                                    

Kabanata 19: Salarin

Namulat ako sa kaisipang ang buhay ay isang misyon at sa oras na matapos mo na ito,marapat ka nang lumisan at magpahinga.

Kaya kahit sa murang edad, hinanap ko ang sariling rason sa buhay. Hindi para maagang matapos ang misyon kundi magkaroon pa ng maraming pagkakataon na tapusin ito sa pinakadakilang paraang kaya ko.

Natutunan kong maraming pwedeng dahilan: ang pagtulong sa kapwa, magpalaganap ng salita ng Diyos, maghatid ng kalayaan at iba pang kadalasan ay pinalalagpas lamang natin. At sa oras na dumaan na ito, doon muli tayo magsisimulang maghanap.

Kung iisipin, malaki ang ipinagkatulad ng tao at ng kamatayan. Maliban sa kadalasang dumadating sa hindi inaasahang paraan, kapwa sila nagdudulot ng katapusan.

"Kasapi raw ng mga tulisan at nagnakaw," narinig kong bulong ng isang ale sa kaniyang kasama.

Hindi ako nakagalaw sa aking kinatatayuan kahit nagsimula nang dumagsa ang mga tao. Napilitan nang gumamit ng pwersa ang mga sundalo dahil hindi sila matigil.

Sa gitna ng kaguluhan, nasilayan kong muli si Pacifico. Bakas ang sakit sa kaniyang mukha. Nababalot ng dugo ang kaniyang katawan.

Dahan-dahan akong lumapit at siya ay dinaluhan. Ang kaniyang mga mata ay wala nang buhay habang nakatitig sa inang nasa kaniyang kanlungan.

Hinaplos ko ang mukha ni Aling Ising at napatingin sa kaniyang mga mulat na mata. Hindi napupuwing kahit malakas ang hangin, hindi naluluha kahit nakatitig sa anak niyang umiiyak. Patuloy sa pagdaloy ang kaniyang dugo, hindi upang manatali siyang buhay kundi dahil tapos niya na ang kaniyang misyon.

Nang maisara ko ang kaniyang mga talukap ay ang siyang pagdating ni Mang Ruben. Habol ang kaniyang hininga, siya ay napaluhod sa tapat ng bangkay ng pinakamamahal na asawa.

"I-ising! Anong d-dahilan upang ito ang iyong kahantungan?!"

Humagulgol si Mang Ruben at sinapwat ang asawa. Nanginginig ang kaniyang katawan habang lumalakad palayo. Hindi tuwid ang kaniyang paglalakad, mabibigat ang mga hakbang.

Inalalayan kong tumayo si Pacifico. Natigil na ang kaniyang pag-iyak ngunit mababakas pa rin ang paghihinagpis sa kaniyang mukha.

Sinalubong kami ng mga tumatangis na kasamahan ni Mang Ruben. Maging ang aleng nadatnan ko kanina ay hindi napigil ang kaniyang mga hikbi.

Tinabihan ko si Pacifico na nakatulala sa kawalan. Maya-maya ay may isang luhang tumakas sa kaniyang mga mata. Umawang ang bibig ko habang pinagmamasdan siya.

"Pinagbintangan siyang nagnakaw ng mga armas mula sa arsenal ng mga Arsenio. Inakalang dadalhin niya iyon sa mga tulisan," salaysay niya sa nanghihinang boses.

"Ang mga taong pumatay sa kaniya, suot ang... unipormeng pinapangarap ko ring makuha."

Napagdesisyunan ng mag-ama na dalhin na sa punerarya ang labi ni Aling Ising upang ma-imbalsamo na ito. Nagtulungan ang mga lalaking kasamahan nila roon at sinamahan si Mang Ruben na buhatin ang asawa.

Nagpaiwan ako at si Pacifico upang may bantay sa bahay at maglinis. Hinayaan kong balutin kami ng nakabibinging katahimikan.

Nag-abot ng ilang salapi ang mga kaibigan ng mag-asawa upang mabigyan ng maayos na burol si Aling Ising. Nang maiayos na ang lahat ay nakauwi na rin sila.

Pagdating pa lamang sa kanilang tahanan ay nagbalot na ng ilang kagamitan si Mang Ruben. Nanlaki ang aking mga mata nang may isinilid siyang tabak sa kaniyang sisidlan.

Nakatunghay lamang kami sa kaniya ni Pacifico. "S-saan po kayo tutungo, Mang Ruben?" paglalakas-loob kong tanong.

"Aakyat ako sa Bundok Ilthas."

Nababahala akong sumulyap kay Pacifico na walang emosyong nakamasid sa ginagawa ng ama.

"Ngunit delikado po roon. Kuta iyon ng mga tulisan."

Hinarap niya kami. "Iyon nga ang mismong dahilan, Senyorita Ceres. Aanib ako sa mga tulisan," tugon niyang gumulat sa akin.

Kaswal niya lamang iyong sinabing parang napaka-simpleng bagay ang pagiging rebelde. Hindi niya alam na sa ginagawa niyang ito ay pinapalala niya lamang ang lahat.

Napakurap-kurap ako at sinundan siya ng tingin hanggang sa maglaho na siya sa dilim. Bumaling ako kay Pacifico nang madinig ang matunog niyang buntong-hininga.

"Hindi mo siya pipigilan?"

Umiling siya. "Sinubukan ko na pero hindi siya nagpadala. Nadinig kong ibinilin niya ako at si Inay kay Mang Nestor."

Nag-aalala ko siyang tinignan. Napansin niya naman iyon kaya sinubukan niyang ngumiti. "Hindi naman ako nag-iisa, hindi ba? Narito ka," bulong niya.

Tumango ako at niyakap siya. "Nasa iyo, Pacifico..."

Isinantabi ko ang takot sa aking dibdib at umuwi sa amin. Nadatnan kong naroon silang lahat sa aming tanggapan kasama si Gloria Desiderio at si Pitoy.

Agad akong binalot sa mainit na yakap nina Mamá at Elena nang makita ako. Napatayo naman si Kuya Cesar sa kaniyang kinauupuan habang si Papá naman ay hindi makatingin sa akin.

"Diyos ko! Saan ka nagpalipas ng maghapon, Ceres? Nag-alala kami sa iyo," si Mamá na nangingilid ang luha.

Inalo ko siya at sinubukang pakalmahin. Nang daluhan siya ni Kuya Cesar na pinasadahan ako ng tingin ay tumahan na rin siya.

Nilapitan ako ni Kuya Cesar. "Masama ba ang iyong pakiramdam? Nakarating sa akin ang ginawa sa iyo ni Papá. Huwag kang mag-alala. Asahan mong hindi ka na niya ulit masasaktan."

Napangiti ako at tumango. Nasulyapan kong mataman kaming pinagmamasdan ni Gloria na may multo ng ngiti sa kaniyang mga labi.

Malakas na tumikhim si Papá kaya natigil kami. Tahimik akong tumabi kay Mamá na hindi maalis ang tingin sa akin.

Nagsimula ng magsalita si Gloria kaya nakinig na lamang ako. Sa kaniya humingi ng tulong si Kuya Cesar tungkol sa kaso ng pagkamatay ni Roselia. Nakatakda nilang hingin ang salaysay ngayon ni Pitoy dahil tumanggi ito kahapon. Nais nitong kaharap kaming lahat sa oras na magsalita siya.

Mararamdaman ang matinding tensyon sa paligid. Mahinahon lamang si Pitoy kahit lahat ng mata ay nakatuon sa kaniya. Hindi naman matigil ang aking kaba at hindi ko malaman kung bakit.

"Iyong nasaksihan ang krimen, tama?" pagsisimula ni Gloria.

Tumango naman si Pitoy. "Oo. Nakita ko ang lahat."

"Matutukoy mo ba kung sino ang salarin?"

Walang nagsalita sa sandaling iyon. Naghihintay ang lahat sa sasabihin ni Pitoy.

Ngumisi si Pitoy at diretsong tinignan si Papá. "Pakinggan mong mabuti kung paano ko bibigkasin ang pangalan mo... Gobernador Carlos Veridiano..."

Worlds Between UsWhere stories live. Discover now