Kabanata 13: Bituin
Suminghap ako at mariing pumikit bago muling sumisid. Hinayaan kong lumubog ang aking katawan sa tubig hanggang sa hindi ko na kayang tumagal pa.
Habol ko ang sariling hininga nang umahon. Sinuklay ko ang basang buhok gamit ang mga daliri. Natanaw ko si Sinai na papalapit.
Umupo siya sa gilid ng pool. "Alam kong naguguluhan ka kaya..." Nagkibit-balikat siya.
Nag-isang linya muna ang aking labi bago tumango. Mabilis kong kinuha ang robang nakasampay sa likod ng upuan at ipinalupot iyon sa akin. Dinampot ko ang isang maliit na tuwalya. Tinuyo ko ang aking buhok gamit iyon habang pinagmamasdan ang kaibigang tumabi sa akin.
"Nagkaroon kami ng relasyon ni Nicholas," panimula niya.
Nabitin sa ere ang kamay ko. Awang ang mga labi akong bumaling sa kaniya. "A-ano?"
Mapait siyang ngumiti. "Desidido siyang ligawan ako kaya agad na napalagay ang loob ko sa kaniya dahil hindi iyon kailanman ginawa ni Remuel para sa akin. Mali. Oo, dahil may kasintahan na ako. Hindi naging madali para sa aking iwasan siya dahil matiyaga niya akong kinikita kapag nagkakaroon siya ng pagkakataon... kapag hindi ko kasama si Remuel."
"Habang tumatagal, lalo akong nahuhulog sa kaniya kaya itiinaboy ko siya palayo at inireto siya sa iyo. Masakit na nakikita kong masaya siya sa iba pero iyon ang tama. Kaya lang, nakarating kay Remuel ang mga palihim naming pagkikita noon. Nalaman niyang sinubukan akong ligawan ni Nicholas kaya nagalit siya. Sa SONA... p-in-lano niyang p-patayin si Nicholas."
Ikinuyom ko ang mga nanginginig na kamay. Kinamuhian ko noon ang mga pulis sa pag-aakalang sila ang dahilan ng pagkasawi ni Nicholas at ngayon ay malalaman kong ang sarili niyang kaibigan ang nagtulak sa kaniya sa kapahamakan?!
Napayuko si Sinai at hindi na napigilang umiyak. "Sinubukan ko siyang pigilan, Ceres. Maniwala ka pero hindi siya nakinig. Galit na galit siya dahil sa ginawa naming pagt-traydor. Kahit ang mga kasamahan niya, hindi rin siya napakalma."
"Bakit... ngayon mo lang sinabi?" may hinanakit kong tanong.
"Sinadya ko talaga iyon dahil ayokong madamay ka pa sa gulong pinasok ko. Pinilit kong umaktong normal lang ang lahat sa amin ni Remuel sa harap mo para huwag kang maghinala. Ayoko rin kasing isipin mong napipilitan lang si Nicholas noong pakisamahan ka para sa akin. Alam ko, Ceres... May nararamdaman talaga siya para sa iyo."
"Si Remuel... mahal mo?"
Tumango siya at ngumisi. "Siya lang naman talaga, eh. Nabulag lang ako noon dahil sa mga bagay na hindi ko naranasan sa kaniya na ibinigay ni Nicholas. Napagtanto kong higit pa roon ang kayang iparamdam sa akin ni Remuel, Ceres. Kaya nga hindi ako nagsalita tungkol sa kasalanang ginawa niya kahit alam kong mahalagang bagay para sa lahat ng nagmamahal kay Nicholas ang makakamit ng hustisya."
Inabot niya ang kamay ko. Lumunok siya. "At sana... gano'n ka rin."
"Bakit ka nagsinungaling sa pamilya mo? Dalawang taon na kayo, hindi ba?"
"Hindi nila pwedeng malamang noon pa kami may relasyon. Alam mo namang pinagbabawal sa akin ang magkaroon ng nobyo hanggang sa makapagtapos na ako ng kurso bago pumasok sa med-school. Si Papá lamang ang nakakaalam na matagal na kaming mag-kasintahan at siya rin ang may ideyang itago iyon dahil malapit sina Mamá at Felipe kay Nicholas."
"Hindi rin naman lingid sa iyong kaalamang si Papá ang dahilan kung bakit kami nagkilala ni Remuel, hindi ba? Kaya malaki ang utang na loob ko sa kaniya." Bumuntong-hininga siya. "Sana ay maintindihan mo kung saan ako nanggagaling, Ceres."

YOU ARE READING
Worlds Between Us
Narrativa Storica| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...