Kabanata 18: Pagbalik at Paglisan
"Sa paggising mo, hindi ka na nakatali sa kasunduan," bigkas ni Aurelius nang maihatid niya na ako.
Hindi niya ako matignan sa mata magmula pa kanina. Ang mga huling salitang binigkas niya ay umiikot pa rin sa aking isipan. Ang lahat ng detalye ay tanda ko pa, kahit ang mga pilit niyang ngiti at maya't mayang buntong-hininga.
Nais kong malaman ang nararamdaman niya dahil kahit papaano, itinuring ko na rin siyang kaibigan. Kung iaatras niya ang aming kasal, mabibigo niya ang kaniyang ama. Ayokong maging abala ngunit kung gagawin niya nga iyon, labis akong magpapasalamat.
Ngunit kung ano naman ang ikina-gaan ng paglaya ay ang bigat ng puso ko. Sa oras na mabali na ang kasunduan ay ang galit naman ni Papá ang sunod kong haharapin. Magiging hadlang lamang ako sa hangarin niyang kalabanin ang pamahalaan.
"Maraming salamat, Aurelius. Tatanawin ko itong malaking utang na loob."
Umiling siya at namulsa. "Hindi ko ito gagawin para sa iyo, Ceres. Nais kong isalba ang aking sarili sa isang pagsasamang ako lamang ang may kagustuhang manatili. Katulad ng una kong sinabi sa iyo, hindi ako napipilitan gaya mo."
"Ano ang iyong ibig-sabihin?" kunot-noo kong tanong.
Nagbaba siya ng tingin at ngumisi. "May mga bagay na mas mabuting itago na lamang. Asahan mong tutupad ako sa aking pangako, Ceres. Pagkatapos ng gabing ito ay malaya ka na."
Hindi niya na ako hinayaang tumugon pa. Agad niya na akong tinalikuran hanggang sa maglaho na siya sa aking paningin.
Bagsak ang mga balikat kong tinahak ang aking silid at doon ibinuhos lahat ng hinanakit sa mundo. Sinabayan ng mga kulog ang aking mga hikbi. Ang mga luha ko'y patuloy sa pagbagsak kasabay ng ulan.
"Ceres?"
Kumatok si Elena at tinawag ako mula sa labas ng pinto. Dali-dali kong inayos ang sarili at siya ay pinagbuksan.
Bakas ang pag-aalala sa kaniyang mukha. Sinubukan kong ngumiti para pagtakpan ang lungkot na kumakawala sa mga mata ko.
Hinawakan niya ang aking kamay. "Nariyan si Pacifico sa ibaba. Nais ka niyang makausap," bulong niya.
Bahagyang nanlaki ang aking mga mata at sinulyapan ang pasilyo patungo sa silid ng aking mga magulang. Napansin naman iyon ni Elena kaya tinanguan niya ako.
"Wala kang dapat na ikabahala. Maagang nagpahinga ang iyong Papá at Mamá. Hinanap ka nila sa akin kaya pinagtakpan ka namin ni Cesar."
Nakahinga ako ng maluwag at niyakap si Elena. "Salamat, Elena. Maraming salamat."
Tinapik niya ako sa balikat kaya kumalas na ako at nagmadali sa pagbaba. Nang matanaw ko si Pacifico na naghihintay ay agad ko siyang dinamba ng yakap.
Pumulupot ang kaniyang mga braso sa aking baywang. Hindi ko na napigilan ang muling pagluha kaya sinubukan niya akong aluin.
Sa kaniyang pagbalik, naroon pa rin ang sakit ng ala-ala ng kaniyang pag-alis ngunit nangibabaw ang tuwa. Pakiramdam ko ay hindi na dapat ako bumitaw pa rito dahil sa kaalamang kayang-kaya niya akong bitawan kahit masasaktan din siya.
"Hindi ko pala kayang palayain ka, Ceres. Balewala na ang sasabihin ng iba. Balewala na kung walang mundong para sa ating dalawa. Ang mahalaga ay sigurado na ako... Panghabang-buhay ito..." bigkas niya sa tinig na lalong nagpaiyak sa akin.
Pinakalma ko ang sarili habang nakakulong ako sa kaniya. Hindi ko maisip na magmamahal pa ako nang ganito kung hindi siya. Walang tiyak na bukas para sa amin kaya mabuting linawin ko na ang lahat.
"Bukas. Aamin na ako kina Papá. Sasabihin ko ang tungkol sa atin."
May multo ng ngisi sa kaniyang labi habang pinagmamasdan akong namumugto ang mga mata. Ngumuso siya para pagtakpan ang ngiti.
"Sinasagot mo na ako..."
Hindi iyon pa-tanong na parang siguradong-sigurado siya na ganoon nga. Alam niya iyon kaya tinutukso talaga ako.
Tumango ako at sinundan naman niya. "Pupunta ako rito bukas. Sasamahan kita," aniya.
Nanatili pa siya saglit at pinagmasdan akong tinatahan ang sarili. Umalis na lamang nang lumalim na ang gabi. Naabutan ko pang gising si Elena at hinintay akong makabalik sa aking silid. Wala siyang sinabi at hinayaan na akong makapagpahinga.
Maaga akong gumising upang gumayak. Hindi matigil ang kabang namamahay sa aking dibdib. Nanalangin na lamang ako upang humingi ng gabay at ng lakas ng loob.
Umangat ang tingin ko kay Elena na humahangos akong nilapitan. "Pinuntahan ko si Pitoy. Wala raw sa tubuhan at maging sa kanilang tahanan si Pacifico," imporma niya sa akin.
Bumuntong-hininga ako at nag-aalalang tinanaw ang daan patungo sa aming tubuhan. Mabibigat na hakbang at nanggagalaiting sigaw ang nagpagitla sa akin.
Napatabi si Elena nang marahas akong hinatak ni Papá. Naroon si Mamá sa kaniyang likuran, umiiyak at nagmamakaawang tigilan na ako nito.
"Inatras ni Aurelius ang kasal! Alam kong ikaw lamang ang maaaring maging dahilan nito. Ano ang iyong ginawa upang umayaw ang iyong mapapangasawa?!"
Halos madurog ang mga buto ko sa higpit ng hawak ni Papá sa aking braso. Lumitaw ang litid niya sa sobrang lakas ng kaniyang sigaw. Nagtagis ang kaniyang bagang nang hindi ako sumagot.
Hindi ko maiwasang matakot dahil nasaksihan ko na ang ganitong galit ni Papá. Nangingilid na ang aking mga luha sa sobrang kaba ngunit nanatali akong matatag.
"Sumagot ka!"
Tila naubos na ang kaniyang pasensya nang hindi muli ako sumagot kaya napagbuhatan niya na ako ng kamay. Nanginig ang buo kong katawan nang sampalin niya. Napahiyaw sina Mamá at Elena na kapwa sinusubukan akong ipagtanggol.
Humikbi ako habang kinakaladkad ako palabas ni Papá. Nakabuntot sa amin ang dalawa hanggang sa makalabas na kami.
Padarag niya akong binitawan at nang matumba na ako ay pinagsarhan ng pinto. Wala nang nagawa sina Mamá at Elena.
Kahit nahihirapan dahil sa sakit nang katawan, sinubukan kong tumayo. Ibinuhos ko ang natitirang lakas sa paglalakad papunta sa tubuhan.
Nang makarating ako ay wala akong nadatnan kundi isang matandang babae na siguro'y kasamahan ni Mang Ruben.
Nagtataka ako nitong pinasadahan ng tingin. Niyakap ko ang sarili at pinilit na ngitian ito.
"A-alam po ba ninyo k-kung nasaan si Pacifico?" nanghihinang tanong ko.
"Umalis. Nagtungo sa mga Arsenio."
Kumunot ang noo ko. "A-arsenio?"
Tumango ito at iniwan na ako. Hindi na ako nag-aksaya ng oras at pumunta na roon kahit nagtataka sa kung bakit naroon si Pacifico.
Nanglalambot na ang mga tuhod ko nang makarating doon. Sa labas ay kumpol ng mga tao. Ang ilan ay militar at ang natitira nama'y sibilyan na nakikiusisa sa nangyayari.
Una kong nasilyan ang dugong gumuhit sa kalsada. At nang makita ang pinanggalingan niyon ay nagimbal ako. Huli ko nang nadinig ang mga panaghoy na nagpataas ng aking balahibo.
![](https://img.wattpad.com/cover/221674133-288-k81325.jpg)
YOU ARE READING
Worlds Between Us
Historical Fiction| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...