Kabanata 31

280 13 5
                                    

Kabanata 31: Pag-ulan sa Tuyong Lupa

"Hindi ko ito inaasahan, Carlos. Ano ang dahilan ng inyong pagbisita?" panimula ng heneral.

Nakangisi si Heneral Arnulfo samantalang walang emosyon naman ang makikita sa mukha ni Papá, marahil ay pinipigilan ang galit magmula nang malaman ang tunay niyang katauhan.

"Nakabibigla na hindi lang pala militar ang iyong pinamumunuan, Arnulfo," tugon ni Papá sa mahinahong boses.

Tumikhim ako at napakuyom ang kamao. Kung hindi niya aamin na siya nga ang taong may pakana ng lahat, hindi na rin naman ako maniniwala sa kaniya at batid kong ganoon din si Papá. Sapat nang katibayan ang mga nangyari upang ituro siya.

Kumunot ang noo ng heneral. "Ano ang iyong ibig-sabihin?"

"Isa kang malakas at matalinong heneral."

Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Heneral Buenivito, tila napagtanto na kung ano ang ipinupunto ni Papá ngunit pinigilan niya ang pagpapahalata.

"M-maalam talaga ako sa... maraming bagay, Carlos," halakhak nito.

Ngumisi ako at nagtagis ang bagang. Nagagawa niya pang tumawa sa kabila ng mga krimeng ginawa niya?! Ang taong ito na mataas ang posisyon ang siyang tunay na terorista sa sarili niyang bayan!

"Katulad ng pagpapaikot sa mga tao at pag-utos na pumatay ng inosente..."

Napatayo si Heneral Arnulfo sa kaniyang kinauupuan at nag-igting ang bagang. "A-anong katibayan ng iyong binibintang sa akin?! Isa akong heneral, Carlos!" Nanginginig ang mga kamay nito.

Nag-angat ako ng tingin sa kaniya. "Iyon nga po ang ipinagtataka ko, paanong ang isang walang malasakit sa bayan at sa mga tao ay naging isang heneral? Hindi po ba masyadong nagtiwala sa inyo ang pamahalaan?"

Malalim ang paghinga nito at mahinahong umupong muli. Pinalipat-lipat niya ang tingin sa aming dalawa ni Papá.

"At ang mga ebidensyang nagtuturo sa akin? Mayroon kayo?" tanong nito.

Nagulat ako nang inilapag ni Papá sa ibabaw ng mesa ang mga sulat na may simbolo niya at ang pinunit na pahina mula sa aklat ni Kuya Cesar kung saan naroon ang kahuugan ng pangalan niya. Bakit niya isinuko ang mga iyon?! Nahihibang na ba siya?!

Sinuri ito ng heneral at nang matapos ay sumenyas. Namalayan ko na lamang na may nakatutok na baril sa gilid ng aking ulo at kay Papá.

Nasulyapan ko ang pagbunot ng sariling baril ni Papá ngunit inaasahan na iyon ng mga tauhan ni Heneral Arnulfo kaya pilit na kinuha.

Tumayo ang heneral at sumandal sa kaniyang mesa. "Mataas ang prinsipyo mo, Carlos. Nakarating sa akin ang mga programa mong nagpapakita ng paghadlang sa Batas Militar. Kaya naisip kong ipagkasundo ang aking anak kay Ceres na batid kong gagamitin mo upang magkaroon ng inpluwensiya sa militar. Habang panatag ka at akala mong ikaw ang mas makikinabang sa kasunduan, doon ako kikilos. Gagamitin kong pain ang iyong unica hija upang pabagsakin ka sa aking mga palad. Nakalulungkot nga lamang at hindi natuloy ang kasal kaya ang inosenteng si Roselia, si Cesar at ang pinakamamahal mong si Cleofe ang aking napagbuntungan ng galit. Pasensya na, kumpadre."

Humalakhak ito nang nabanaag ang galit ni Papá. Hindi ko maiwasang panghinaan ng loob. Sa simula pa lamang ay planado na ang lahat at wala kaming kaalam-alam na kung natuloy ang kasal, tuluyan nang mapapasailalim ni Heneral Arnulfo si Papá.

Lumapit ito sa akin at inangat ang aking mukha. Napaluha ako nang halos bumaon ang kaniyang mga daliri sa aking pisngi dahil sa higpit niyon.

Pumiglas si Papá ngunit diniinan ng sundalong iyon ang pagkakatutok ng baril sa kaniya. Ngumisi si Heneral Arnulfo.

"Ngayon, kung nais mong makitang buhay si Ceres, mananahimik kayo. Madali akong kausap, alam mo iyan, Carlos. Kung ayaw ninyo at ipagpapatuloy ang pakikialam sa mga plano ng pamahalaan, susunod mo nang makikita ang bala sa ulo niya," mariing bulong nito.

Bumuntong-hininga si Papá at tumango. "Asahan mo ang pananahimik ng buo naming pamilya, Arnulfo. Pakawalan mo na kami."

Sumenyas muli ang heneral at agad na nawala ang mga nakatutok na baril sa amin. Inalalayan ako patayo ni Papá. Nakalabas kami nang ligtas at walang sumasalubong na militar.

Walang kibo si Papá hanggang sa makauwi kami. Dire-diretso siya sa loob kaya hinabol ko.

"Papá! Ganoon na lamang iyon?! Nasa kaniya ang mga ebidensya natin! Kailangan natin iyon upang idiin siya!"

Hinarap ako nito at hinawakan sa magkabilang balikat. "Itinabi ko ang mga orihinal na kopya ng mga iyon ngunit wala na akong balak na ilabas pa. Hindi ako tumungo roon upang idiin siya, Ceres. Mas makapangyarihan sila sa atin kaya kahit anong gawin ko ay maibabasura. Tiniyak ko lamang na makikipag-kasundo siya sa akin at siguruhin ang ating kaligtasan. Mas mahalaga ang iyong buhay, anak."

Napakurap-kurap ako at umawang ang bibig. Nakita ko ang pangingilid ng kaniyang mga luha.

"Kilala ko siya, Ceres. Hindi binabali ni Arnulfo ang kaniyang mga sinasabi. Kaya niyang ipapatay ka sa kahit anong pagkakataon. Nakita mo naman ang nangyari kay Roselia, sa iyong kapatid at Mamá, hindi ba?"

"Pero..."

Umiling ito at umayos ng tayo. "Kasalanan ko ito. Kung hindi sana ako nakialam sa kanila, tahimik sana ang buhay natin. Kaya sa pagkakataong ito, ayoko nang dagdagan ang aking mga pagkakamali. Kapag nawala ka pa sa akin, mauubos na ako..."

Mahigpit ko siyang niyakap at doon umiyak sa kaniyang mga bisig. "Patawarin mo ako, Ceres. Batid kong masyado akong naging mahigpit sa iyo at hindi ko inisip ang tunay mong nararamdaman. Binulag ako ng aking mga pansariling hangarin. Sana ay mapatawad mo ako, anak," bulong sa akin ni Papá.

Kumalas ako at pinunasan ang basang pisngi. "N-naiintindihan ko na po kayo ngayon, Papá. May mga rason kaya ninyo iyon ginawa kaya napatawad ko na kayo."

Naabutan kami ni Tiya Fatima sa ganoong sitwasyon ngunit hindi na lamang siya nagsalita, may multo ng ngiti sa labi.

"Umuwi muna kami ni Elena upang kumuha ng mga gamit. Hinahanap ka rin niya, Ceres. Nasa hardin siya, " bungad nito sa amin.

Tumango ako at iniwan na muna sila roon. Tahimik at madilim sa gawing iyon ng mansyon na kinaroroonan ng aming hardin.

Natanaw ko si Elena na nakaupo, inaabangan ako. "Ceres..."

"Hanap mo raw ako?"

Tumango ito at bumuntong-hininga. May hindi maipaliwanag na ekspresyon sa kaniyang mukha kaya nagtaka ako.

"Nagpapagaling ngayon ang aking pinsan sa ospital at may ibinalita siya sa akin."

Nakaramdam ako ng tuwa nang malamang buhay ang pinsan niyang si Tomas ngunit kung anuman ang kaniyang ibinalita, tiyak na hindi maganda iyon base sa reaskyon ni Elena.

"Pagkatapos pahirapan, ibinaon daw ng buhay ang mga natirang rebelde."

Worlds Between UsWhere stories live. Discover now