Kabanata 23: Panauhin ng Kahapon
Malakas ang buhos ng ulan ngunit hindi iyon naging balakid sa nakararami upang ihatid sa kaniyang huling hantungan si Aling Ising.
Sinulyapan ko ang katabing si Pacifico na tahimik lamang na nagmamasid habang ibinabaon sa hukay ang labi ng kaniyang ina. Naramdaman niya ang aking titig kaya nilingon ako.
"Mayroong plano ang Panginoon para sa atin. Huwag kang panghinaan ng loob. Tiyak na gagabayan ka ni Aling Ising mula sa kaharian ng Diyos," bulong ko sa kaniya.
Pumungay ang kaniyang mga mata at tipid na ngumiti. "Kung parte ka ng plano Niya, hindi ako panghihinaan ng loob, Ceres."
Sinamahan ko si Pacifico roon hanggang sa unti-unting paglisan ng mga nakiramay. Bago umalis ay nilalapitan siya at pinapagaan ang kalooban habang ang iba naman ay nag-alok ng tulong.
Sa huli ay pinauna niya na ako sapagkat tiyak na magtatagal pa raw siya. Hindi sana ako aalis ngunit si Mang Nestor na rin ang nagsabing mas mabuti kung hahayaan kong mapag-isa si Pacifico.
Huling nakita ko siyang umiyak ay noong mismong araw pa na namatay si Aling Ising. Mula noon ay hindi ko na siya nasilayang ganoong kahina. Kahit noong umalis si Mang Ruben upang umanib sa mga rebelde ay hindi ko siya nakitaan ng kalungkutan.
Nais ko sana siyang ipakilala na kina Papá at Mamá ngunit katatapos lang ng trahedya sa aming mga sariling pamilya. Palilipasin ko muna ito bago opisyal siyang aanyayahan sa mansyon.
Mas mabuti kung maging handa muna kami pareho at matanggap ang mga pangyayari sa kaniya-kaniya naming buhay nang sa ganoon ay maging tapat kami sa oras na humarap sa aking mga magulang.
Kapag dumating ang panahon na napagnilayan na namin ang mga bagay-bagay ay doon ko lamang masasabing natuto at matatag na kami kahit harapin pa ang mga pagkakataong susubukin ang tiwala at pagmamahal namin sa isa't isa.
Nadatnan kong naroon sa tanggapan si Kuya Cesar kasama ang pamilya Salve. Ngayon ko lamang ulit sila nakita magmula nang mamatay si Roselia. Kita ang lungkot sa kanilang mga mata kahit may nakaukit na mga ngiti sa labi.
Marahil inimbitahan sila ni Kuya Cesar upang ipaliwanag ang mga nangyari nitong nakaraan. Tipid ko silang tinanguan at nginitian naman nila ako pabalik.
Natanaw kong nakasilip mula sa itaas si Papá ngunit nang nagkasalubong ang aming mga paningin ay tumalikod na.
"Magandang araw po," bati ko sa mag-asawang Salve.
"Magandang araw rin sa iyo, Senyorita Ceres."
Tumabi ako kay Kuya Cesar na matiim na nakatitig sa mga sulat na nasa ibabaw ng mesa. Dinampot ko ang isa at pinakatitigan din ito.
Kung sinuman ang tao sa likod ng simbolong ito ay tiyak na mapanganib at makapangyarihan upang hangarin niyang mawala sa kaniyang landas si Papá.
Mahigit isang siglo nang namumuno kaming mga Veridiano rito sa lalawigan at naging maunlad naman ito. Nangunguna sa produksyon ng bigas, tabako at tubo. Bagamat tago at malayo sa sibilisasyon, puntahan ito ng mga turista dahil sa mga pasyalang pinalalaganap ang kahalagahan ng kasaysayan ng bansa.
Kaya't nakapagtataka na ngayon lamang umaksyon ang mga kritiko ni Papá kung kailan maugong ang balita tungkol sa Batas Militar. May kinalaman kaya ang pagtutol dito ni Papá upang pabagsakin siya?
"Salamat sa pa-anyaya mo sa amin dito, Senyorito Cesar. Nais talaga naming malinawan tungkol sa nangyaring pagpatay sa aking bunso," si Mang Rogelio na mababakas ang paghihinagpis sa tinig.
Nag-angat ng tingin sa kanila si Kuya Cesar at bumuntong-hininga. "Iyon nga po ang dahilan kaya pinapunta ko kayo. Nais ko pong ipaalam sa inyo na nakatakas ang pangunahing suspek sa krimen."
"Ano?! Nakatakas?"
Nahihirapang tumango si Kuya Cesar. "Bago po siya dalhin sa istasyon ay umamin siya sa amin sa nagawang pagpatay."
"Tutol po sa amin ni Roselia si Papá at... inutusan niya si Pitoy na kumbinsihin ang inyong anak na makipaghiwalay sa akin."
Umawang ang bibig ni Aling Marites at hindi makapaniwalang tinignan ang aking kapatid. "A-ang... inyong a-ama..." Nagsimula siyang humagulgol kaya inalo ng dalawang anak.
Mariin akong napapikit at umiling. "Wala po sa utos ni Papá na patayin o saktan si Roselia. Nalaman po naming kabilang si Pitoy sa isang organisasyong balak pabagsakin si Papá at inutusan si Pitoy ng pinuno ng samahang patayin ang inyong anak upang palabasin na si Papá ang may pakana ng pagkamatay ni Roselia."
"N-ngunit dahil sa kaaway ng inyong ama... nadamay ang anak ko!"
Naiintindihan ko ang galit ni Aling Marites kahit papaano dahil wala namang kasalanan si Roselia ngunit nadamay siya sa galit ng taong iyon.
"Nitong nakaraan, habang nagp-protesta ang mga tao ay binaril po si Mamá at hanggang ngayon, nagpapagaling pa rin siya. Hindi ko po ito sinasabi sa inyo upang magpaawa. Nais ko lamang pong ipaintindi sa inyo na pare-pareho lamang tayong biktima rito at imbes na magsisihan ay magtulungan na lamang upang managot ang tunay na may sala," mahina kong paliwanag na nagpakalma naman kay Aling Marites.
Sinang-ayunan ako ni Mang Rogelio at ng dalawa pa nilang anak. Inanyayahan namin silang kumain muna bago umalis ngunit sila ay tumanggi sapagkat pupunta pa raw sa simbahan upang ipagdasal ang kaluluwa ng yumaong si Roselia.
Patakbo akong lumabas ng mansyon nang makarinig ng busina. Nadatnan ko sa harap ang mga malalaking sisidlang ibinababa ni Kuya Cesar.
Natanaw ko ang pagbaba ng isang babae sa sasakyan at kinawayan ako. Kumunot ang noo ko, napangiti lamang nang makilala ang pamilyar na mukhang iyon.
"Ceres!"
Nakangiti ako nitong nilapitan at niyakap. Pinasadahan ako nito ng tingin. "Kay tagal ng panahong ako'y wala. Tignan mo, dalaga ka na," bulalas nito, magaan ang tono.
Iginiya ko siya sa aming tanggapan at pinaupo. Agad namang tumalima si Elena nang matanaw ang panauhin, binigyan niya ito ng inumin at binati.
"Salamat, Elena. Kumusta kayo ni Cesar?"
Bukod sa akin, may isa pang nakakaalam ng sikreto ni Elena. Pinamulhan ng pisngi si Elena at mabilis na umiling.
"M-matagal na po iyon... Nawala na," tugon ng isa.
Napatayo kami ng dumating si Papá. Bahagyang nanlaki ang kaniyang mga mata nang bumungad sa kaniya ang bisita.
"F-fatima?"
Matamis na ngumiti si Tiya Fatima. "Masaya akong makita kang muli, Carlos."
YOU ARE READING
Worlds Between Us
Historical Fiction| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...
