Simula
Tunay ngang napakalawak ng mundo at mayroon lamang tayong habang-buhay upang mamulat doon sa iba't ibang pagkakataong maaari nating ikawasak o ikatagumpay. Ngunit iyon naman talaga ang rason kung bakit tayo narito, hindi ba? Ang maranasan ang buhay sa pinakamasaklap at pinakamatamis na paraang kaya nitong iwan sa atin bago tayo mamaalam.
Kaakibat ng buhay ang ating mga ipinaglalaban. Mayroong lumalaban para sa pangarap, pag-ibig at kalayaan. Lahat tayo ay may rason at upang makamit ang ninanais ng ating mga puso, marapat lamang na yakapin natin ang mga pagsubok at ituring itong kakambal ng ating pagkatao.
Ngunit, anong katiyakan ang mayroon ka upang mapanghawakan ang iyong mithiin hanggang sa dulo? Ilang beses bang dapat na madapa upang malamang mali ang daang tinatahak? Ilang beses bang dapat na malunod upang mabatid na hinahatak ka pababa ng mga daluyong?
Ilang beses bang dapat na mamatay upang tunay na mabuhay?
"Ceres, nakapagpasa ka na ba ng papeles para sa eskwelahang balak mong pasukin sa Inglatera?" tanong ni Sinai habang nagbabasa kami sa loob ng silid-aklatan ng Unibersidad ng Pilipinas.
Tumango ako nang hindi siya tinitignan. "Naipadala na ni Papá sa kakilala niya roon."
"Mabuti ka pa. Ako nga ay hindi pa rin nakapagpapasya hanggang ngayon. Nais ni Mamá na sumama ako sa iyo ngunit pangarap ko ang unibersidad na ito."
Bumuntong-hininga ako at isinara na ang libro. "Marami pa namang oras para makapagdesisyon. Ipaliwanag mo sa iyong magulang ang mga hinaing mo."
Ngumuso siya at napatingin sa entrada. Kumunot ang noo ko, nakuryuso sa kaniyang nakita kaya lumingon din ako.
Napailing ako nang nanunuya siyang ngumisi. "Nariyan na pala ang manliligaw mo," makahulugan niyang sambit.
Ang totoo ay hindi ko manliligaw si Nicholas Azcarraga. Nakikita kaming laging magkasama pero wala naman talagang kahulugan iyon.
Magkakilala ang mga ama namin kaya siguro ay naging malapit kami. Kabilang ang pamilya nila sa alta sociedad dito sa Maynila.
Natural siyang mestizo kaya napagkakamalang may ibang lahi pero purong Pilipino. May kahabaan ang kaniyang buhok at prominente ang panga. Lagi siyang nakangiti na siyang ikinatutuwa ng iba sa kaniya.
"Makaaabala ba sa inyo kung dito ako uupo?" si NIcholas iyon, nakalapit na sa aming mesa.
Umiling ako at inilahad sa kaniya ang bakanteng upuan sa harap ko. "Hindi naman. Upo ka."
Umamba na siyang uupo ngunit nilipat ni Sinai ang kaniyang gamit doon mula sa ibaba kaya nawalan siya ng espasyo. "Diyan ka na lang sa tabi ni Ceres."
Naningkit ang mga mata ko kay Sinai pero inosente lamang niya akong tinignan. Kinagat ni Nicholas ang kaniyang pangibabang-labi at tumabi na sa akin.
Nagpatuloy sa pag-aaral ang aking tusong kaibigan samantalang hindi ako mapalagay sa aking kinauupuan sa isiping magiging laman na naman ako ng balita.
Naiintindihan kong normal lamang na pag-usapan kami ni Nicholas lalo na't sikat siya sa mga estudyante at maging sa mga propesor pero hindi ko maiwasang makaramdam ng hiya dahil hindi ako sanay na maiugnay sa isang tulad niya.
Tumikhim si Nicholas kaya napatingin ako sa kaniya. Namula ang kaniyang pisngi. "C-ceres, saan ba pupunta ito?"
Napakurap-kurap ako. "Ang alin, Nicholas?"
"Ito... Tayo... May patutunguhan naman ito, hindi ba?"
Naulinigan ko ang pag-asa sa kaaniyang tinig. Hindi agad ako nakasagot. Napansin niya naman iyon. Tumango siya at ngumiti. "Liligawan kita," biglaan niyang sabi.
YOU ARE READING
Worlds Between Us
Historical Fiction| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...