Kabanata 21: Batas
Nadismaya si Papá nang ihatid namin sa kaniya ang balita ng pagtakas ni Pitoy kahit napatunayan nang hindi niya pinapatay si Roselia.
Kahit papaano, gumaan ang pakiramdam ko sa nangyari dahil natitiyak kong makukuha rin ni Roselia ang hustisya para sa kaniya at sa anak lalo na ngayong tukoy na kung sino ang may sala. Ngunit binabagabag pa rin ako ng tao sa likod ng mga sulat na natagpuan sa tahanan ni Pitoy.
Sa sulat ay nagpakilala siya sa pamamagitan ng simbolong agila at lobo. Maaaring siya ang pinuno ng organisasyong naglalayong pabagsakin si Papá.
"Mabuti na ang kaniyang lagay. Kung nanaisin niya ay maaari na siyang bumalik sa trabaho," si Doktor Israel Consano na tinignan ang lagay ni Papá.
Kahit doktor na ang nagsabi, hindi pa rin napanatag si Mamá. Kaya nang magpumilit si Papá na pumunta sa kapitolyo, sumama siya.
Kapwa kami gumayak ni Kuya Cesar nang makaalis ang dalawa. Dadalaw kami sa burol ni Aling Ising. Si Elena ay napiling magpa-iwan upang may tao sa mansyon.
Suot ang puting bistidang nagtatapos sa aking tuhod, sumakay ako patagilid sa kabayo ni Kuya Cesar. Makikita ang lungkot sa mga mata nang bawat tauhan namin na nadadaanan.
Malapit si Mang Ruben at Pacifico sa mga tao rito kaya lahat ay nalungkot nang madinig ang balita sa pagkamatay ng ilaw ng tahanan ng mga Cendaña.
Makulimlim ang langit dahil sa paparating na bagyo, tila sinasabayan ang pagluluksa ng marami. Sinalubong kami ng mga kasamahan ni Mang Ruben, sa pangunguna ni Mang Nestor at ng kaniyang asawa.
Iginiya nila kami ni Kuya Cesar sa loob ng tahanan ng mga Cendaña kung saan naroon ang kabaong pinaghihimlayan ni Aling Ising.
Nang matanaw kami ay agad kaming nilapitan ni Pacifico. Nagpahayag kami ng pakikiramay nang maiwan na kasama niya.
"Si Mang Ruben? Kumusta naman siya?" pag-uusisa ni Kuya Cesar.
Sinulyapan ako ni Pacifico kaya nag-iwas ako ng tingin. Kaming dalawa lamang ang nakaaalam kung saan nagtungo ang kaniyang ama at kung akala niya ay ipagkakanulo ko ang impormasyong iyon sa mga militar, nagkakamali siya.
"Nagtungo siya sa hilaga upang ipaalam sa malalayong kamag-anak ang nangyari kay Inay."
Marahil ang dahilan ding iyon ang sinabi niya sa mga kasamahang nagtataka sa biglang pagkawala ng kaniyang ama.
Naging abala si Kuya Cesar at Pacifico sa pagk-kwentuhan kaya minabuti kong iwan muna sila. Tinungo ko ang altar at nagdasal para sa kaluluwa ni Aling Ising.
Sa maikling panahon na nakilala ko siya, alam ko nang mabuti siyang ina at asawa. Naitaguyod niya ang kaniyang anak sa pamamagitan ng marangal na pamumuhay sa kabila ng kahirapan.
Katulad ni Aling Ising, may paninindigan si Mang Ruben ngunit binulag ng galit ang tuwid niyang pag-iisip. Tiyak na malulungkot ang ginang kung nabubuhay pa sa pagkakataong itong nawala na sa tamang landas ang asawa.
Ngunit sino nga ba ako upang sabihing maling landas ang tinatahak ni Mang Ruben kung para sa kaniya, ito na lamang ang paraan upang makamit ang hustisya para sa yumaong asawa?
Pagkatapos mag-alay ng maikling dasal ay sinilip ko ang kabaong ni Aling Ising. Maamo ang kaniyang mukha kahit pa noong walang kolorete. Ang kaniyang labi ay nagkaroon ng kulay kahit papaano at kung titignan ay tila natutulog lamang siya.
Bago kami nagpaalam ni Kuya Cesar ay nagpaabot muna kami ng kaunting tulong. Nag-aalinlangan pa siyang tanggapin sa una ngunit dahil pinilit ko, kinuha na rin.
"Sinagot mo na?" tanong ni Kuya Cesar nang naka-alis na kami.
Sumilay ang munting ngiti sa aking labi. Tumango ako. "Pormal ko sanang ipakikilala kina Papá at Mamá ngunit nauna nang makarating sa kanila ang pag-atras ni Aurelius sa kasal."
"Alam mong tututol si Papá, hindi ba?"
"Alam mo ring hindi na ako mapipigilan pa maging niyon."
Mahinang natawa si Kuya Cesar. "Ganyan nga, Ceres."
Sunod naming tinungo ang istasyon ng pulis upang magtanong sa naging pagtakas ni Pitoy. Naroon ang kanilang hepe kaya sa kaniya kami dumiretso.
"Hepe, magandang araw po," bati ni Kuya kay Hepe Ricardo Magallos.
Tumalbog ang malaki niyang tiyan nang tumayo at binati kami pabalik. Maluwang ang kaniyang ngiti habang pinauupo kami.
"Cesar! Anong maipaglilingkod ko sa inyo?" Masigla ang tono niya.
"May itatanong lang po sana kami tungkol sa presong nakatakas."
Bumakas sa mukha nito ang pagkilala at nawala ang ngiti. Naging balisa ito, hindi makatingin sa amin ng diretso.
"A-ah, iyon bang lalaking dinala rito ni Adevar?" tukoy nito kay Pitoy.
"Opo. Iyon nga."
Pagak itong tumawa. "N-nakatakas nga ang isang iyon. Ha! N-naisahan kami," bungisngis niya.
Hindi ko malaman kung seseryosohin ko ang kaniyang sinabi o talagang ganoon lamang siya makipag-usap, laging nakatawa.
Matiim siyang tinignan ni Kuya Cesar. "Wala po bang bantay dito noong mga oras na iyon?"
Bigla itong pinagpawisan at pilit na ngumiti. "M-mayroon naman, hijo..."
Bumukas ang pinto ng opisina at iniluwa noon ang isa pang pulis. Bumuga ng marahas na hangin ang hepe.
Pinasadahan kami ng tingin ng dumating na pulis at saka ito bumaling kay Hepe Magallos.
"Mga tao po, Hepe," inporma nito.
Tumango ang hepe kaya naiwan na ulit kaming tatlo. "Naku! Pasensya na, Cesar. May mahalaga akong pupuntahan." Nag-ayos ito ng gamit at pinasadahan ang gusot sa uniporme.
Wala kaming nagawa ni Kuya Cesar kundi umalis na roon. Nagpasya na lamang kaming bisitahan ang mga magulang sa kapitolyo na hindi naman kalayuan sa istasyon.
Hindi namin inaasahan ang dami ng taong bumungad sa amin. May mga hawak silang karatula at sumisigaw sa harap ng kapitolyo.
"Ibaba ang presyo ng mga bilihin! Hustisya para sa mga maralita!" sabay-sabay nilang sigaw na nagpagitla sa akin.
Natanaw ko si Hepe Magallos at ang iba pang pulis na pilit na hinaharangan ang mga nagp-protesta. Hinatak ako sa gilid ni Kuya Cesar nang magsimula nang mambato ng kung anu-ano ang mga tao.
Nanlaki ang mga mata ko nang matanaw sina Papá at Mamá na hindi na napigilang bumaba. Kausap ni Papá si Hepe Magallos na sinusubukang pakalmahin ang sitwasyon.
Patuloy sa pagkakagulo ang mga tao nang biglang umalulong ang isang putok ng baril na nagpagimbal sa lahat maging sa akin na nakamasid sa nangyayari. Naramdaman ko na lamang ang pagbitaw sa akin ni Kuya Cesar at ang pagtakbo niya sa harap ng kapitolyo.

YOU ARE READING
Worlds Between Us
Fiksi Sejarah| Wattys 2021 Winner | [ Project Memoria ] "The Marcoses have fled the country," anunsyo ng DZRH. Kasabay ng kalayaang minimithi ng aking bayan ay ang pagpapalaya ko... sa nag-iisang mundong kinamulatan. *** Ceres is a Star But he mistook her For...