05

376 15 3
                                    

Nagsalin ako ng tubig sa baso at bumalik agad sa sala para ibigay ito kay Tito na nandito, nakaupo, nakasandal at nakataas ang mga paa sa sofa.

"Salamat, Avi." Sabi niya at ngumiti lang ako sa kanya.

Tumabi naman ulit ako kay Nerine at ipinagpatuloy ang ginagawa naming paghihimay-himay ng mga gulay na ulam namin mamayang tanghalian.

Nandito na ako sa amin, nakauwi rin, sa wakas. Nawala 'yong kaba ko at 'yong takot ko. Nabawasan kahit papaano 'yong pag-aalala ko kay Tito. At nawala rin 'yong bigat na naramdaman ko noong huling araw na tumapak ako sa school.

Umti-unti ako napatigil nang maalala ko na naman 'yon. Sobrang fresh pa eh, kahit dalawang araw na ang lumipas. At sino ang makakalimot doon? 'Yung pahiyain ka ba naman ng isang instructor mo nang dahil sa wala kang permit?

Malamang ay hindi rin iyon makakalimutan ng mga kaklase ko, hindi lang ako. At kung sino pang sabihan nila sa nangyaring 'yon. Tapos hindi na ako magugulat na isang araw, pagbalik ko, boom, ako na naman ang laman ng tsismis nila. May bago ba?

Eh, kagabi, may nabasa ako sa secret file, na sino raw itong estudyante na pinahiya ni Prof? Malamang ay ako, at malamang ay isa sa mga kaklase ko ang may post nun.

Sa totoo lang, 'di lang naman basta napahiya ako dahil sa wala akong permit at pinalabas eh. Okay lang sana 'yon, tatanggapin ko 'yong consequence na iyon. Kaso may sumabit, ang kapal ng mukha niya. Para ba namang ipinarating niya na may inasikaso pa akong iba kaysa sa pagse-secure ng permit ko!

Parang ipinarating niya na nagha-happy-happy ako, isang estudyanteng walang pakialam! Ganoon! Sinabi niya 'yon kahit hindi naman exact words pero ganoon ang ipinarating niya.

Naramdaman ko ang pagngitngit ng mga ngipin ko dahil sa gigil. Talagang nanggigigil ako!

Pwede naman niyang sabihin na please go out lang, pero hindi eh! Nag-assume siya sa isang bagay na hindi niya naman talaga alam ang rason. Kung masama lang ako, kung gusto ko lang gumanti, nako, isusumbong ko siya kasi mali 'yong ginawa niya!

Isusumbong ko siya sa CHED!

Kaso 'di ko naman 'yon magagawa. Magkakagulo pa. Tsaka walang kaalam-alam sina Tito tungkol doon, at wala akong balak sabihin pa ang tungkol doon. Bibigyan ko lang ng problema si Tito. Basta ang importante ngayon, okay na si Tito, nailabas na pero limitado na lang muna ang galaw niya dahil kailangan niyang magpalakas pa.

Buti nga lang daw at naisugod agad sa ospital si Tito ng mga katrabaho niya nang atakehin siya, kaya mild stroke lang.

Ibinigay ko sa kanya 'yong 2,000 na pinapabigay ni Mama para sa kanya. Pero dinagdagan ko nang 1,000. Kinaltasan ko ang tuiton na dapat ay ibabayad ko. So bale 6,000 plus na lang ang natira sa babayaran ko para makakuha ng permit. Hindi naman problema 'yon, ilo-loan ko na lang ang tira sa 7,000 plus na babayaran ko. Mafo-forward naman iyon sa last payment ko.

"Hindi ko pa pala natatanong sa'yo. Kumusta nga pala ang exams mo, Avi?"

Napalingon ako kay Tito nang masalita siya. Rinig mo ang panghihina niya sa pagsasalita. 'Yung parang gugustuhin niya na lang na manahimik pero pinipilit lang niya magsalita.

Sabing huwag munang masyadong nagsasalita eh.

"Tito, okay lang naman po.. Mahirap pero ayun, kinaya naman. Natapos din po." Sagot ko at ngumiti siya.

"Tapos na ba lahat?"

Ano? Sasabihin ko ba kay Tito na hindi pa po eh, kasi may isa pa po. Kasi po 'yong teacher ko sa subject na 'yon, sobrang pabebe kaya 'di ako pinag-take. Pinahiya pa nga po ako!

Until The SunsetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon