"Oh, dahan-dahan sa pagtakbo. Baka mamaya, madapa ka." Pagpapaalala ko na naman sa anak kong hindi tumitigil sa pagtakbo.
Kinakabahan ako, baka kasi madapa o mabunggo o may masagi na ikasasakit niya. Kaya todo ang bantay ko sa kanya rito habang pinapanood siyang nakikipaghabulan sa aso, aso na binili ni Lean para sa kanya. Imported, shih tzu.
Noong nakaraang araw niya lang binili para kay Addie. Nagulat na lang ako na pagkauwi ko rito sa bahay, may tumatahol. Napasigaw pa ako kasi lumapit sa akin, akala ko kung kakagatin ako.
Binili nga ng galanteng Papa ni Addie ang aso, kung bakit ay naisip na bilhan si Addie ng aso. Akala ko, makukuntento na ako rito sa aquarium na may dalawang clownfish na binili ni Lean para sa bata, tapos may aso ulit? Oo, may aquarium dito sa bahay, noong nakaraang linggo, binili ni Lean dahil gusto raw ni Addie mag-alaga ng mga isda. At alam kong dahil ito sa Ocean Park na pinuntahan namin noon.
Gumatos si Lean para sa aquarium na 'to, ewan ko kung paanong sinunod niya talaga ang gusto ng anak niya. Tapos ngayon, panibagong pet ulit.
Kaya pala tinanong sa akin ni Lean kung may asthma ba si Addie, dahil balak niyang bilhan ng aso ang bata. Ano kaya ang susunod? Elepante? O baka naman kotse na ang sunod na ipabili ni Addie sa kanya.
Mahigit isang linggo na rin nang malaman na ni Lean na anak niya si Addie. At parang sanay na rin naman ako na nakikita siyang naririto, na nagpupunta siya rito, kumakain, at madalas din ay matulog. Kapag humihiling kasi si Addie na rito siya matulog sa bahay, hindi niya tinatanggihan. Oo siya nang oo, wala ba itong hiya sa akin?
At si Addie naman, madalas ay kung hindi rito sa bahay ang tambay kung walang pasok at pagkauwi rito sa bahay mula sa daycare, sa apartment ni Lean ang kinaroroonan niya. Hindi ko naman na sinita iyon dahil malapit lang naman ang apartment ni Lean mula rito sa bahay. Kapit-bahay nga lang namin, e.
Nakatayo ako rito sa sulok habang pinapanood siya. Si Lean, nandito rin naman. Pinapanood din si Addie. Hanggang sa nagpaalam sila na sa labas muna sila maglalaro. Mabuti naman dahil balak ko nang ituloy ang paglilinis ko rito sa bahay. Nakakahiya naman sa bisita namin, e.
Weekend, walang pasok. At dahil wala rito si Nerine dahil may commitment sa school, mag-isa kong in-charge sa paglilinis ng bahay. At bago pa ituloy ang pagwawalis, naisipan kong palitan ang kurtina. Nagpunta ako sa kwarto ni Nerine kung saan nakatago ang mga panibagong kurtina na mayroon kami.
Nakabalik ako sa sala, umakyat ako sa sofa para maabot ang tubo kung saan nakasabit ang kurtina at para mapalitan ko ng bago. Sa liit ko, kulang pa ang tangkad ko para maabot. Tumingkayad pa ako at naabot ko naman. Pero nang mailagay ko ang panibagong kurtina at pilit na iniaabot sa hook ang tubong hawak ko, nawalan ako ng balanse.
Hindi naman dahilan para bumagsak ako sa sahig pero bago ko pa ayusin ang tayo ko ay may gumawa na para sa akin. May humawak sa bandang likuran ko para magsilbing bakod at suportahan ako. Napalingon ako, si Lean.
"Ako na." Sabi niya at tumango ako.
Siya itong tumayo sa sofa, syempre, nagtanggal siya ng tsinelas na suot niya bago pumatong. Hindi siya nahirapan sa paglagay, sa tangkad ba niyang iyan.
"Salamat." Sabi ko sa kanya nang makababa na siya at ngumiti siya sa akin.
Nagpatuloy ako sa pagwawalis at saktong patapos na ako nang pumasok nang muli si Addie rito kasama ang aso niyang pinangalanan niyang Summer at dito ulit naglaro. Pati si Lean. At habang nagpupunas ako ng mga gamit dito sa kitchen cabinet, sa tuwing titingin ako sa kinaroroonan nilang mag-ama ay nahuhuli ko si Lean na nakatingin sa akin. Inakala ko pang aksidente lang o baka nagkakamali lang ako pero sa tuwing nahuhuli ko siya, umiiwas siya bigla.
BINABASA MO ANG
Until The Sunset
RomanceAvi is an appreciative woman in a way that she's contented in everything she has in her life. She rarely wishes about things that a typical woman would also wish for. Whenever she wishes for something, it is most likely about her family, to totally...