22

320 12 4
                                    

"Dami na ako kakilala roon sa school namin! Tapos lagi kami laro roon! Lagi ko kwento rin kay Junnie 'yong drawing ko, tapos 'yong sulat-sulat! Tapos si Teacher Mika, bait sa akin. Sabi niya, very good ako parati! Lagi niya ako bigyan star na marami!"

Naririndi na ako, walang araw na hindi ko iyan naririnig. Nang paulit-ulit. Kung hindi bagong kwento, lagi naman ayan ang sasabihin. Kaya kahit nag-iisa na ako ngayon na nandito sa kwarto, naririnig ko pa rin ang boses ng batang iyon. Parang bumubulong sa akin na ewan kahit.

"Ate, pahiram naman ako nung plantsa mo sa buhok." Sabi ni Nerine nang makapasok siya rito sa kwarto ko, kaya nawala ang iniisip ko.

"Magpapaalam ka pa, kunin mo na lang. Sa'yo rin naman 'yong mga pag-aari ko." Sagot ko naman habang abala sa paglalagay ng mascara sa pilik-mata ko. "Aalis ka na rin?" Tanong ko at lumingon sa kanya.

Nakita ko ang pagsaksak niya ng plantsa, dito siya kasi nagpaplantsa ng buhok para hindi makita nung bata. Lagi niya kasing sinasabi na lahat ng ginagawa niya, ginagaya ng batang kasama niya. Ngayon, alam ko naman na.

"Oo, Ate, pero ihahatid ko muna si Addie sa school niya."

Isang linggo na rin pala ang lumipas nang magsimulang pumasok sa eskwelahan ang bata. Hindi naman naging problema sa oras. Minsan, si Nerine ang naghahatid o nagsusundo kung malayo-layo pa ang oras niya sa pagpunta sa school o maagang natapos ang mga klase. At madalas naman, 'yong service na binayaran ko ang naghahatid-sundo sa bata. Taga rito sa in 'yong tricycle driver, kilala ko, at tsaka hindi lang naman si Addie ang pasahero niya, pati 'yong mga kalaro nito na pumapasok na rin sa eskwelahan. Pero sa ibang eskwelahan, hindi sa pinapasukan ni Addie.

At madalas din na parehong hapon ang uwi namin ni Nerine, mag-isa ang bata rito pero naibilin naman na ni Nerine sa mga kapit-bahay namin at sa karinderya na malapit dito sa amin na roon mananghalian. Wala na rin namang problema dahil napag-usapan na rin 'yong tungkol sa kung ilan ang magagastos nung bata, babayaran ko na lang.

"Oh, kumusta kayo nung jowa mo?" Tanong ko sa kanya at narinig ko siyang tumawa.

"Ate naman, hindi ko pa nga jowa."

Ako naman ang sunod na tumawa sa sinabi niya. Wala, inaasar ko lang siya kasi isang araw, hinatid siya ng jowa niya rito sa bahay, nadatnan ko pang nandito. Magalang naman 'yong lalaki, mukhang matino, at may hitsura.

"Hindi raw jowa. Ano, MU-MU pa? Sus, doon naman kayo mapupunta." Nang-aasar pang sabi ko sa kanya at nakita ko ang reaksyon niyang mukhang namumula na sa hiya. "Pero, Nerine, ah. Aral muna dapat ang inuuna. Hindi masama 'yang magka-jowa. Ang masama lang, kapag ano.. kapag nagpauto ka sa wala."

Napalingon siya sa akin, unti-unting naging tipid ang ngiti niya sa akin. Nakakatuwa lang 'yong fact na siguro kapag buhay pa sina Tito, malamang ay wala pang love life ang batang ito. Pero sa tingin ko naman ay hindi naman siguro ganoon mahigpit sina Tito, kahit ngayon na nakikita nila si Nerine na may love life na.

Kasi para sa akin, mukhang maganda rin ito para sa kanya. Maganda sa paraan na may nakakausap siya maliban sa akin at sa mga kaibigan niya. May nagpapasaya sa kanya, may isang taong pinapahalagahan siya. At hiling ko lang na sana ay 'yong tama at mabuting kasiyahan, na nasa tamang tao siya. Ayaw ko lang siyang maging katulad ko na sawi.

Ayaw ko lang na maging talo siya sa huli dahil nagpaniwala siya sa wala.

"Nga pala, Ate, nabasa ko 'yong diary ni Addie kagabi. May meeting daw bukas ang mga parents." Pag-iba niya at doon naman tumuon ang atensyon ko, na agad din namang winalang bahala ko.

Until The SunsetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon