Hindi ko alam kung paanong nagkaroon ng lakas ng loob ulit si Lean na magpunta rito sa bahay kasama ang fiancée niya. Dito mismo sa pamamahay ko. Pero hindi ko na rin sinita, pero alam kong base sa pag-iwas kong tignan at kausapin sila, alam kong ramdam ni Lean na hindi okay para sa akin.
Hindi ko kailangan makipagplastikan dahil ewan ko ba, simula noong magbalik itong girlfriend niya at malaman na may anak kaming dalawa, parang ganoon din naman kung paanong mas nagkaroon ng rason para mas mapalapit si Addie sa babaeng ito. Selos? Pwede, oo. Sige, inaamin ko. Nagseselos ako, nagseselos ako dahil ako dapat ang kalaro at dahilan kung bakit masaya ang anak ko, pero paano kung ibang babae 'yong katabi at kaharap niya ngayon?
Kasama na nga niya sa school, pati ba naman dito sa bahay? Alam kong kanina pa sila rito, sinabi ni Nerine. Hindi pa ba sila uuwi? O baka balak pa nilang makikain dito. Pasensya, hindi sobra itong niluluto ko ngayon.
"Ikaw princess, Teacher Mika." Narinig kong sabi niya at pati ang bungisngis nilang dalawa.
"Huwag na Teacher Mika tawag mo sa akin, Addie. Tita Mika na lang, okay?"
Nang lingunin ko ang kinaroroonan nila, mga mata ni Lean ang agad kong nahagilap. Mukhang kanina niya pa ako tinitignan dahil paanong mahuhuli ko siyang nakatingin sa akin ngayon? Hindi pa rin niya tinatanggal ang mga mata niya sa akin, kaya ako na lang ang umiwas.
Ilang saglit ay nagpaalam na silang uuwi na. Bigla ko pang naisip kung anong uuwi ang sinasabi nila. Kung ihahatid ba ni Lean ang girlfriend niya sa kung saan man ito tumutuloy o.. sa apartment niya sila uuwi at doon magpapalipas ng gabi. Ramdam kong gusto kong alamin iyon nang patago, para akong hindi mapakaling hindi malaman iyon.
Pero teka, ano naman kung pareho sila ng uuwian? May magagawa ba ako?
Nagsimula na kaming kumain at ang bukambibig ni Addie ay si Mikaella. Naisip ko, mukhang bata pa nga talaga ang anak ko para makabuo ng katanungan o conclusion tungkol sa tatay niya, sa girlfriend ng tatay niya at ako. At kung sakaling magtanong man siya, siguro ay kailangan kong sagutin.
Nang makahiga na kami ngayon ng anak ko sa kama, agad naming niyakap ang isa't isa. Sumubsob pa siya sa dibdib ko.
"I love you, anak." Sabi ko kay Addie at hinalikan siya sa kanyang noo.
"Labyu, Mama ko."
Para na namang natunaw ang puso ko sa sinabi niya. Napangiti ako roon at tumingala siya sa akin.
"Lab mo 'ko talaga? Dapat ako lang ah."
Biro dapat iyon eh, kaso mukhang hindi rin.
"Opo, at si Tita Nerine at Momma Lola at si Papa, lab ko rin." Sabi pa niya habang nakatuon na ang atensyon sa dulo ng mahabang buhok ko.
"Addie." Tawag ko sa kanya at bumalik ang tingin niya sa akin. At dito ko napansin, paanong nasabi ni Lean na sa akin nakuha ni Addie ang mga mata niya kung siya ang nakikita ko sa mga matang ito? "Sabi mo noon, si Teacher Mika mo ang gusto mong maging Mama."
Nasabi ko na sa kanya ang tanong na magtatapos sa issue na mayroon ako. Hindi naman siguro masamang isipin na maikumpara ang sarili mo sa iba. Oo, magkakaiba-iba ang lahat ng tao, pero madalas din na kinakain ako ng inggit dahil alam ko at ramdam kong mas lamang ang ibang tao kumpara sa akin. Lalo na't una pa lang nang makita ko ang babaeng laging pinupuri ni Addie na maging nanay, inisip ko na kahit sinong bata ay mapapamahal sa kanya. Kahit sino ring lalaki. Mahal nga siya ngayon ni Lean, e.
At ako, naiisip ko rin naman na.. na napipilitan lang ang mga taong nagmamahal sa akin dahil nakakaawa ako.
"Ikaw Mama ko, Mama. Ikaw gusto ko at lab ko." Nakangiting sagot niya at mas sumiksik sa akin.
BINABASA MO ANG
Until The Sunset
RomanceAvi is an appreciative woman in a way that she's contented in everything she has in her life. She rarely wishes about things that a typical woman would also wish for. Whenever she wishes for something, it is most likely about her family, to totally...