Humigop ako ng kape sa tasa ko bago muling dumako na naman ang tingin ko sa batang ewan ko ba kung kumukuha ng pansin o sadyang ganito lang umakto. Napairap na lang ako sa loob-looban ko at dumako na lang ang tingin ko nang tanungin ako ni Nerine.
"Nga pala, Ate, kumusta naman ang trabaho?" Tanong niya at natawa ako.
"Hindi dapat ako ang kinukumusta." Sabi ko sa kanya. "Ikaw, kumusta ka? Kumusta naman ang school?"
"Ayun, nag-uumpisa na kami sa paggawa ng thesis. Para raw kung talagang pasukan na, mabawasan ang gagawin namin."
Araw ng Sabado, walang pasok. Kung walang pasok, wala naman akong ibang trabaho kundi ang manatili rito sa bahay. Minsan, lalabas kung may lakad, kung may maisipang puntahan. Pero ngayon, gusto kong ilaan itong dalawang araw na pahinga ko sa literal na pahinga.
"Nakakatawa kung maririnig mo sa akin ngayon na mino-motivate kita sa pag-aaral, eh napaka-nega ko noon." Pagkwento ko at mukhang sinang-ayunan niya dahil sa pagtawa niya. "Pero pagbutihin mo, two years from now, magtatrabaho ka na rin."
"Nako, Ate, oo! Talaga! Para naman makatulong na rin ako sa'yo." Sabi niya at kumagat sa pandesal na inuubos niya.
"Sus, para ka namang iba sa akin. Tsaka wala iyon, ano. Kapamilya kita, pinsan kita. Sa totoo lang, parang kapatid na eh."
Mabuti at pareho naming idinaan sa pagtawa pagkatapos ng mga salitang iyon. Dahil mukhang lagusan na naman para magdramahan kami rito. Na madalas mangyari, at sa pag-iyak namin, tatawa-tawa naman din kami pagkatapos.
"Alam mo, nakakawalang-gana 'yang thesis." Pag-iba ko na ng usapan. "Ayaw ko talagang gumagawa ng mga research." Pag-amin ko.
Napangiti na lang ako nang maalala ko 'yong mga panahong announcement pa lang ng prof namin na gagawa kami ng research, parang 'yong pakiramdam sa akin ay bumagsak na agad ako. Hindi kasi talaga ako mahilig sa paggawa ng mga iyon, mas gusto ko na lang mag-compute.
Napatingin ulit ako sa batang naririto sa sala na abala sa pagbabasa ng dyaryo. Akala mo naman kung marunong magbasa, maniniwala pa ako kung keyboard ang pinipindot nito ngayon. Akalain mo 'yon? May Facebook account na?
Tutok na tutok sa dyaryo at mula rito sa kinauupuan ko, kita ko ang pagkunot ng noo niya. Naka-side view man siya pero kita ko pa rin iyon. Hanggang sa ngumuso siya at sumilay ang ngiti sa mga labi niya.
"Ate, nga pala, matagal ko nang gustong itanong ito sa'yo. Madalas kong makalimutan. Wala ka bang balak ipasok si Addie sa school?"
Napalingon ulit ako kay Nerine nang magtanong ulit siya sa akin, at ngayon, napaisip ako sa tanong niya.
"Daycare, tutal, four years old na siya at pwedeng-pwede na. Kaysa naman na nandito siya sa bahay. Tsaka isa pa, para matuto na rin siya sa kung ano-ano. Eh, hilig pa namang magsulat ng mga letra at magkulay, Ate Avi." Sabi pa ni Nerine.
Muli akong napatingin sa kapatid ko habang iniisip 'yong sinasabi niya. Ito? Pag-aaralin ko? Ang swerte naman ng batang 'to. Naisip ko, pero agad ding nabura dahil sobrang sama ko naman kung hihindi ako. Kaya naisip ko rin, sige. Tutal, naalala ko, ayun din ang sabi sa akin ni Mama.
"Sige." Sagot ko at tuwang-tuwa si Nerine doon. "Oh, para namang OA yata 'yang reaction mo." Natatawang sabi ko.
"Eh, kasi, Ate. Tanong kaya nang tanong sa akin si Addie kung kailan din daw siya papasok sa school tulad ko. Gusto niya na rin mag-aral. Lagi niya akong kinukulit. At naiinggit sa mga nadadaanan niyang naglalakad na mga bata rito sa kalye tuwing umaga." Nakangiting sabi niya.
BINABASA MO ANG
Until The Sunset
RomanceAvi is an appreciative woman in a way that she's contented in everything she has in her life. She rarely wishes about things that a typical woman would also wish for. Whenever she wishes for something, it is most likely about her family, to totally...