33

450 12 3
                                    

"Addie, ayaw mo ba 'yong hotdogs na niluto ni Mama?" Tanong ko sa anak ko nang mapansin kong matamlay siyang kumain.

Lumingon siya sa akin pero hindi siya sumagot, ngumiti lang siya nang tipid. At sa ginawa niyang iyon, hindi ko maisip na bata siya. Para kasing may sarili na siyang isipin para gawin iyon. Na alam kong hindi siya okay pero parang sinasarili niya. Alam kong hindi siya okay, magmamaang-maangan pa ba ako sa rason kung alam ko naman? Hindi siya okay hindi dahil masama ang pakiramdam niya. Kundi dahil.. dahil kay Lean, dahil sa akin. Dahil sa nangyayari ngayon.

Ilang araw na ang lumipas pagkatapos noong gabing nagkonprontahan kami ni Lean. 'Yung gabing sinabi ko na sa kanya ang lahat ng pagpapahirap ko sa panahong iniwan niya ako nang walang salita. Hanggang ngayon. Hindi ko lang sinabi, pinaramdam ko sa bawat salitang binitawan ko sa kanya. At sana naramdaman niya dahil ang unfair naman kung hindi. O sadyang wala siyang pake.

Hindi ko lang akalain na masasabi ko pa iyon sa kanya, ang tungkol sa nangyari sa amin noon. Madalas kong maisip na mag-uusap kami tungkol doon pero hanggang isip ko lang naman iyon pero nangyari na. Nasabi ko na nga sa kanya, pero ano naman ang napala ko? Wala, wala akong napala dahil wala pa rin akong nakuhang sagot. Hindi siya nagsalita, at ako pa rin ang nagmukhang kawawa.

Mapait akong natawa sa isipan ko, 'di bale nang magmukhang kawawa. Wala akong pakialam, ang importante na lang sa akin ngayon, itong anak ko. Si Addie na kasama ko at hindi ako iiwan. At hindi ako papayag na kunin siya ng ninoman mula sa akin.

"Nerine, nalulungkot ako. Masama ba talaga akong ina?" Tanong ko kay Nerine nang kaming dalawa na lang ang natira rito sa kusina.

Napatigil siya sa pagliligpit, mukhang gulat sa sinabi ko. "Ate, ano ka ba? Hindi ka masamang ina. Never kaya, Ate."

Parang malabo naman ang sinagot ni Nerine, alam ko naman sa sarili kong naging masama akong ina kay Addie. Simula pa noong nasa sinapupunan ko siya. Pero ngayon, parang naipon ngayon 'yong pagiging masama kong nanay kay Addie. Ngayon ko mas nararamdaman, lalo na't parang masama ang loob ni Addie sa akin ngayon at noong mga nakaraang araw pa.

"Malungkot lang si Addie, Ate."

Alam ko naman din iyon, malungkot si Addie dahil sa nangyari. Dahil hindi na niya nakikita at nakakasama ang tatay niya. Na siyang desisyon ko at huling pakiusap ko kay Lean. Na huwag na siyang magpakita sa amin at magpunta rito sa pamamahay ko kahit dalawin man lang si Addie. Hindi na rin siya nakatira sa apartment niyang malapit dito sa amin. Ewan, hindi ko alam. Wala akong balita, at mabuti na iyon.

Makasarili? Tawagin na akong ganyan pero wala ulit akong pakialam. Sa ilang araw na hindi na nagpapakita si Lean sa amin, hindi pa rin ako kampante. Dahil laging lumulutang sa isipan ko na baka isang araw, magpakita siya at biglang kunin sa akin si Addie. At sabihin niyang may karapatan siya at umabot pa ito sa korte.

Posible, oo. Pero siguradong ako ang mananalo sa korte dahil bakit? Sino siya para kunin ang karapatan niya sa anak ko sa mga taong hindi siya nagparamdam at iniwan lang ako pagkatapos anakan?

Pero may isa akong kinakatakot, baka piliin ni Addie si Lean at hindi ako.

"Natatakot ako, Nerine. Baka kasi iniisip niya na.. na sobrang sama ko. At isang araw, baka lumayo na siya sa akin at kamuhian ako." Hindi ko mapigilang sabihin sa pinsan ko.

Lalo na't ilang araw na rin na bihira ko na lang makitang tumatawa at ngumingiti si Addie. Niyayakap man ako sa pagtulog, pero ramdam ko ang lungkot at tamlay niya.

"Ate.." Tanging nasabi lang ni Nerine at alam kong dahil hindi niya na rin alam ang sasabihin at gagawin niya.

Sana maintindihan ni Addie kung bakit kinailangan kong ipagkait sa kanya ang isa sa mga dahilan ng kasiyahan niya. Sana maintindihan niya kung bakit ko ito ginagawa. Dahil mali ang naging desisyon ko. Mali na naman ang desisyon na pinili ko. Dapat ay hindi ko na sinabi kay Lean, hindi sana umabot sa ganito. Dapat ay kaming dalawa lang ni Addie ngayon at hindi ko na pinaglapit pa lalo ang mundo ni Lean sa anak namin.

Until The SunsetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon