Sumunod na linggo
Halos isang linggo na ang nakakaraan ngunit hindi parin bumabalik si Arturo at ang ama nito mula sa kabisera. Ang ipinangako nitong ilang araw ay nauwi sa mas matagal na paghihintay. Mabuti na lamang at nag-iwan ito kay Klarissa ng mga libro na babasahin. Kahit tuloy nangungulila siya sa lalaki'y nagagamit niya ang libreng oras para magaral.
Malaking tulong talaga sa kanya ang mga aklat ng panibagong wika. Dahil dito'y naiintindihan niya kahit papaano ang mga inuutos ni Doña Ana bagama't marunong din ito sa lengwaheng Tagalog. Umaalwan ang kanyang trabaho at nagiging bihasa siyang lalo sa wikang Kastila.
Pero isang linggo na ang nakakaraan... kumusta na kaya si Arturo?
Nakakapanibago sa kanyang makita si Consuelo na mag-isa kasama ang ina ng tahanan ng mga Del Viñedo. Martes ngayon at narito ito upang bumisita't mag-ensayo ulit ng wikang Tagalog. Sanay na siguro ito—kahit kasi walang pasabi'y bumibisita naman ang babae.
Kinahapunan, habang siya'y nagbubunot ng sahig sa may salas ay naabutan niya ang señorita na naglalakad sa pasilyo't papunta roon sa hagdan. Bababa na sana ito, ngunit nang masulyapan siya nito sa awang ng pasamano ay bigla itong bumalik paakyat. Itinigil tuloy niya ang ginagawa at saka pinahiran ang pawis sa noo. Maya-maya pa'y heto na nga ang babae't naglalakad papalapit.
"Klarissa," tawag sa kanya ni Consuelo.
"Señorita Consuelo," tugon naman niya sabay tungo nang magalang. "Ano pong maipaglilingkod ko?"
"Nais kang makausap ni Tía Ana. Sumunod ka sa akin."
Hindi na siya binigyan nito nang pagkakataong makatugon at sa halip ay mabilis itong tumalikod. Nagtaka tuloy siya sa ganap. Ngunit sa halip na mag-isip pa'y itinabi na niya ang mga gamit na panglinis at saka sumunod sa dalaga patungo sa kwarto.
Nang makarating sila doo'y nadatnan nilang nakaupo si Doña Ana sa may bintana. Nakatitig ito sa isang sobre na pinagpapaikut-ikot nang kyuryoso sa kamay. Ano kaya ang ginagawa nito at bakit naman siya nandito? Ewan ba niya—basta't bigla nalang kumabog sa kaba ang kanyang dibdib.
"Klarissa..." malumanay na simula ng señora.
"Po, Doña Ana?"
"Alam mo ba kung bakit kita ipinatawag dito?"
Umiling tuloy siya ritong walang imik.
Ipinakita na nga ng ginang ang selyadong sobre at saka ito ipinasa sa kanya. Kinuha naman niya agad ito sa kamay ng donya at binasa ang nakasulat sa labas.
'Para Kay Klarissa', sa sulat-kamay na kilala niya't naging pamilyar na sa kanya nitong nakaraan.
"Ipinaabot iyan kay Consuelo ng katiwala ni Arturo na galing kabisera. Sa tingin ko'y nais niya itong ibigay sa iyo nang palihim," kwentong muli ng nagsasalita.
Kumunot tuloy ang kanyang noo habang binabasang muli ang pangalan sa sobre.
"Nitong nakaraang linggo... napapansin ko na madalas kayong magkasama't magkausap ng aking anak," umpisa na ng ginang sa interogasyon.
"... Ito rin ang ibinabalita sa akin ng mayordoma't ilang mga katulong dito sa mansyon. Kaya't itatanong ko ito sa'yo at gusto kong magsabi ka sa'kin ng totoo."
Tumingala siya sa kausap at pigil-hiningang hinintay ang katanungan nito.
"... May kaugnayan ba kayo ni Arturo na dapat kong malaman?"
Natigilan siyang saglit sa narinig. Kanina pa naguguluhan ang kanyang utak sa nangyayari. Ano pa bang ugnayan ang mayroon sa pagitan nila ng señorito? Ang alam lang niya'y tinuturuan siya nito ng wikang Kastila at wala nang iba pa. Iyon lang naman ang dahilan kung bakit madalas silang magkasama.
BINABASA MO ANG
Fated to Love You: BOOK 3 || Social Serye [FINALE]
RomantikFINAL BOOK OF FATED TO LOVE YOU SERIES. Sa ikatlo at huling yugto ng storya, patuloy kayang mangingibabaw ang lakas ng kapit ng pag-ibig? O magpaparaya ang tadhana sa hagupit ng mapaglarong sumpa? Alin ang magiging mas matimbang sa huli? Continuatio...