Bisperas ng Pasko.
Alas sais ng umaga."Kumusta na ang iyong mga sugat?"
Gumaan agad ang loob ni Klarissa nang mamataan sa pintuan ang paparating na asawa na nagpresintang maghanap ng sabila upang ipanggamot sa kanyang mga sugat. Maaga itong bumangon kanina. Hindi pa nga ito naguumagaha'y ito agad ang inintindi nito.
Agad naman nitong pinatuwid ang kanyang mga binti sa banig at doo'y marahang ipinahid ang malagkit na lunas. Napapaigkas man siya'y tinitiis nalang niya ito upang hindi na masyadong mag-alala pa ang lalaki.
"Nagsisimula na silang gumaling," ika niya kay Arturo. "Huwag mo na akong alalahanin at galos lang naman ang mga ito."
Nang matapos na ang ginagawa'y dumako naman sa kanyang mukha ang tingin nito't saka pinasadahan din ng kaunting sabila ang gilid ng kanyang bibig. Tahimik lamang ito't hindi kumikibo. Ni wala itong isinagot sa mga sinabi niya. Napapagtakahan na tuloy niya ang biglaang pagwawalang-imik ng esposo.
"... Mag-almusal ka na muna. Ipaghahanda kita ng kape't tinapay."
Pero sa halip na tumango o tumugon nang kahit ano'y tinitigan lang siya nito ng malalaki nitong mga mata. Para itong mga buwan na makislap ngunit sa mapait na paraan. Nangingintab ang pares ng paningin nito sa malungkot na panunubig.
Nanatali lamang ang kanyang titig sa mukha ni Arturo na babad sa tahimik na mga salita. Naghahalo ang iba't ibang klase ng ekspresyon rito mula sa pangungunot ng noo hanggang sa kaunting pag-ngiti. Nakakalito. Puno nga ang mga mata nito ng lumbay ngunit sa pakiwari niya'y pinipilit parin ng mga labi nitong sumaya. Mentras na nalululong siya sa makahulugan nitong mga tingin ay unti-unti namang bumibigat ang kanyang kalooban.
Bakit ganito?
"Bakit ka ganyan makatingin? May dumi ba sa aking mukha?" Ani nalang niya na sinusubukang pagaanin ang kanilang usapan.
Umiling lamang ito't ngumiti saka ikinawit ang kanyang buhok sa tainga. Humaplos ito sa kanyang pisngi nang may gaan sabay ng paghugot nito ng malalim na hininga.
"Klarissa..." wika na sa wakas ni Arturo, "... lagi mong tatandaan, mahal kita."
"... Lahat gagawin ko para sa'yo. Kahit... kaligayahan ko... buhay ko... lahat ihahandog ko para sa'yo."
Taban-taban na nito ang kamay niyang sa pagpisil ay nadarama niya ang paghihirap. At makalipas ng mga dampi roon ng bibig ay ipinatong nito ang kanyang palad sa dibdib nitong mabilis ang pagtibok.
"... Sa'yo lamang ang bawat pintig ng aking puso. Ikaw ang aking hangin at ang rason ng aking paggising. Habambuhay kang nakaukit sa aking puso't isip at hinding-hindi ito mawawaglit lumipas man ang maraming panahon. Lagi kitang hahanapin."
Sa gitna ng pagsasalita ni Arturo'y bigla nalang dumaloy ang mga luha sa kanyang mga mata. Hindi niya lubusang mawari kung bakit may halong bigat sa damdamin ang mga binibitawang pagtatapat ng pagibig ng katuwang. May ligaya ngunit may lungkot, may kiliti ngunit may hapdi.
Siya naman ang kumulong sa mga pisngi nito gamit ang magkabilang palad na humaplos sa mukha ng lalaki. Pinilit niyang pakalmahin ang kanyang puso upang masabi ang mga katagang tangi niyang kayang banggitin sa oras na iyon.
"Mahal din kita..." tugon niya sa pahayag nito, "... higit pa sa sarili ko. Higit pa sa buhay ko, mahal kita—"
Hindi pa man siya natatapos ay siniil na ni Arturo ang kanyang mga labi ng pagkalalim na halik. Dama niya sa pisngi nito ang pagluha rin ng irog niyang humahagod sa bibig niya nang buong lakas. Makirot man ang sugat niya sa gilid ay sinabayan niya ang daloy ng ritmo nitong paulit-ulit na pawa bang ito na ang huli. Sabay silang nagpatangay sa damdamin at sa bawat kapit sa mga labi'y iniwan doon ang marka ng pagibig na ipinangako nilang magpapasalinsalin sa mahabang panahon, sa maraming siglo, lumipas man ang ilang daang taon.
BINABASA MO ANG
Fated to Love You: BOOK 3 || Social Serye [FINALE]
RomanceFINAL BOOK OF FATED TO LOVE YOU SERIES. Sa ikatlo at huling yugto ng storya, patuloy kayang mangingibabaw ang lakas ng kapit ng pag-ibig? O magpaparaya ang tadhana sa hagupit ng mapaglarong sumpa? Alin ang magiging mas matimbang sa huli? Continuatio...