(A/N: This part contains "for adults only" scenes towards the end of the chapter. Bawal sa mga below 18. 😅 Read with caution.)
Kinagabihan.
Sa kubo.Panay ang titig ni Klarissa sa suot na kahoy na singsing habang sinusuklayan niya ang mahaba niyang buhok. Hindi parin siya makapaniwala sa mga nangyari. Kasal na nga ba talaga sila ni Arturo at maaari na silang magsama nang wasto? Tama ba ito? Sapat na nga ba ang ganoong palitan ng pangako na walang kahit anong basbas ng simbahan?
Sa totoo lamang ay hindi parin siya lubusang mapalagay. Ngunit ayaw din naman niyang pagdudahan ang sagrado nilang pangako sa harapan ng Diyos na silang dalawa lamang ang tanging nakasaksi. Totoo ito at walang halong biro. Sa dambana ng kalikasan, sa kalagitnaan ng kapatagan, doon niya ipinamalas ang tapat niyang pagmamahal.
Bagama't bakas parin ang alinlangan sa puso'y hindi talaga niya mapigilang mapangiti sa imahe ng singsing na nakabalot sa kanyang daliri. Hindi ito pulido ngunit pakiramdam niya'y pinaghirapan itong lilukin ng kanyang iniirog. Mahilig talaga ito sa pagtuklas ng kung anu-anong libangan at kakayahan. Kaya naman maging sa pagtatanim ay mabilis din itong matuto. Hay... ang matiyaga kong Arturo. Ilang oras kaya ito nagpagod?
"Ako ba ang iyong iniisip?"
Sa gulat niya sa nagsalita'y napahawak tuloy siya sa dibdib. Agad din siyang lumingon sa may pintuan at doo'y nakita ang lalaking akmang aakyat na sa munting hagdan.
"Arturo!" Bulalas niya saka bumuntong-hininga. "Diyos ko, akala ko'y aalpas na ang aking puso..."
"Paumanhin, Ginang Dimaculangan de Del Viñedo," tugon naman nitong suot ang mapanuksong ngiti.
Ikinubli tuloy niya sa pagtalikod ang sariling ngiti at idinaan sa pagsusuklay ang kiliting nararamdaman. Parang lumulutang ang kanyang puso sa bago niyang katauhan—Klarissa Dimaculangan de Del Viñedo—nakakapanibago paring marinig. Kaakibat na ng pagkatao niya ang pangalang sinugalan niya ng buo niyang kinabukasan. Ngunit paano kung isang araw ay subukan parin itong bawiin sa kanya?
Habang nagmumuni-muni'y bigla nalang niyang napansin ang pananahimik ng paligid. Hindi na muling nagsalita si Arturo at wala na siyang naririnig na aktibidad sa kanyang likuran. Ipinasya na tuloy niyang tapusin ang ginagawa upang saluhan ang kasama't kamustahin ang araw nito. Dito na niya naabutan ang katuwang na nakadungaw sa bintana habang minamasahe ang sariling balikat.
"Akin na..." ika niya sabay kapit sa likuran nito't haplos sa sumasakit na parte. "Napaano ang iyong likod? Pinapahirapan ka ba ni Señor Arguelles sa palayan?"
Umiling lang naman ang lalaki habang nakapikit itong nagpaparaya.
"Huwag mo akong alalahanin. Maayos ang trato nila sa akin doon. Kinailangan ko lamang tapusin nang mabilis ang aking mga gawain dahil pumuslit ako kanina upang makita ka."
BINABASA MO ANG
Fated to Love You: BOOK 3 || Social Serye [FINALE]
RomanceFINAL BOOK OF FATED TO LOVE YOU SERIES. Sa ikatlo at huling yugto ng storya, patuloy kayang mangingibabaw ang lakas ng kapit ng pag-ibig? O magpaparaya ang tadhana sa hagupit ng mapaglarong sumpa? Alin ang magiging mas matimbang sa huli? Continuatio...