* * *
Sinilip ni Cathy ang malakas na buhos ng ulan mula sa bintana ng inarkilang taxi. Grabe ang traffic! Parang hindi na yata gumagalaw ang mga sasakyan. Nakikisiksik pa naman sa daan ang mga gustong sumingit galing sa karatig-kalye. Lalo lang tuloy naghalu-halo ang mga ingay ng nakakarinding busina. Mukhang maiistak yata siya rito. Kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon ay kailan pa siya makakarating?
"Manong, malayo pa po ba tayo?" Tanong niya sa mamang driver.
"Malapit narin ho, ma'am, pero di na kasi tayo makausad. Pati daw main road may baha na eh, kaya pasikut-sikot na ang traffic," tugon naman nito.
"May alam po ba kayong shortcut?"
"Eh, lalakarin niyo na 'yon, ma'am. Yan o, may eskinita d'yan. Pero ingat kayo, baha narin."
"Ah, sige po, bababa nalang ako. Salamat."
Pagkaabot ng bayad sa lalaki ay agad niyang binuksan ang pinto at inihanda ang kanyang payong. Sa lakas nga lang ng hangin ay wala rin itong silbi. Natatangay lang ang tela nito't gumigewang pa ang mga bakal sa pwersa ng hagabat. Wala na tuloy siyang nagawa kundi ang magtatakbo sa basang daan papunta sa kaunting silong na nadungawan.
Pupuntahan na niya si Xander. Hindi na kasi siya makatiis nang hindi nalalaman ang lagay nito. Kanina pa siyang text nang text at tumatawag sa asawa pero hindi man lang ito sumasagot. Ni "good morning" o "okay lang ako" ay wala itong ipinapadala. Nag-aalala na tuloy siya. Tatawagan na nga sana niya ang opisina kanina pero nabalitaan naman niyang nag-brownout daw doon kaya't nagdesisyon na siyang pumunta. Sana naman ay tama ang kanyang hinalang naroon lang sa trabaho ang mister. Sasabay nalang siya rito pauwi.
Sinubukang tahakin ni Cathy ang sinasabing shortcut noong taxi driver. Natatanaw na nga niya roon ang Del Viñedo Triad Towers. Malapit-lapit narin pala ang lugar. Tantsa niya'y mga kalahating oras ay kaya na niya itong lakarin. Ang problema nga lang, matubig narin ang daan.
Ilang minuto pa sa paglalakad ay hinangin na nang tuluyan ang payong niyang dala. Napadpad ito sa kumpol ng mga basura kaya't hindi niya alam kung dapat pa ba niya itong kunin. Mukhang bali-bali narin kasi ang mga bakal nito. Paano pa siya makakarating sa opisina niyan? Kanina pa siyang nababasa sa pantalon, ngayo'y pati blusa niya'y kinakapitan narin ng tubig.
Pero hindi pala iyon ang dapat niyang iniintindi. Hindi pala iyon ang problema. Dahil habang naglalakad siya sa maliit at madilim na kalye nang mag-isa ay hindi lang pala siya ang may anino sa tubig.
May sumusunod din sa yapak niyang ibang pares ng mga paa.
* * *
ON THE PHONE
Mommy Evita 📞 AliceM. EVITA: Aren't you going home yet? Alice, rentrer à la maison! It's pouring hard!
ALICE: Mom, I know. I'm coming home.
BINABASA MO ANG
Fated to Love You: BOOK 3 || Social Serye [FINALE]
RomanceFINAL BOOK OF FATED TO LOVE YOU SERIES. Sa ikatlo at huling yugto ng storya, patuloy kayang mangingibabaw ang lakas ng kapit ng pag-ibig? O magpaparaya ang tadhana sa hagupit ng mapaglarong sumpa? Alin ang magiging mas matimbang sa huli? Continuatio...