Episode 17: Six Months of Loneliness (Part 4)

210 9 3
                                    

"Kailangan mo ba ng tulong?"

Halos mangisay sa gulat si Cathy sa pagkakarinig ng dayuhang boses. Hindi pa man siya handang humarap ay napalingon narin siya upang alamin kung sino ang nagsalita. Mukhang isa itong ginoong magsasaka na napadaan sa may ilog upang painumin ang alagang kalabaw.

Mabilis naman niyang pinahiran ang luhaang pisngi't inayos ang sarili. Kahit na hindi na noon mukhang presentable ang kanyang suot ay kumuha nalang siya ng kumpiyansa sa tahimik na disposisyon. Agad siyang umiling sa matanda at saka tumungo upang magpaalam.

Pero sa halip na siya'y hayaa'y nilapitan pa siya nito't kunot-noong pinagmasdan ang mukha.

"Sandali," ika nitong pawang namamalikmata, "Kilala kita ah..."

Sumabay na tuloy siya sa pagsasalubong ng mga kilay na hindi mawari ang ipinupunto ng lalaki. Wala parin naman siyang ibang maibukambibig dahil gulantang parin siya sa pangitaing tumambad sa gitna ng sikat ng araw. Tinitigan nalang tuloy niya ito, nagbabakasakali na sa gayo'y mamukhaan niya rin ang kumakausap.

"... Halika't ipapakilala kita sa aking asawa."

Agad siyang inaya ng magsasaka na noo'y hinihila na muli ang tali ng alagang hayop.

"Ah–eh... pasensya na po pero kailangan ko narin kasing umalis. May naghihintay po kasi sa akin sa daan," tugon niya habang pinagiisipan nang lumayo.

"Sandali la'ang naman tayo," paliwanag ng estranghero. "May ipapakita la'ang ako sa'yo. Halika, 'wag kang matakot."

Ewan ba niya kung dala ito ng pagkabigo sa ninanais o dulot ng di maipaliwanag na pagkakyuryoso pero pumayag narin siya sa paunlak ng matanda. Sinundan niya ang magkapares na yapak ng lalaki't kalabaw papunta sa isang maliit na kubo, mga kinseng metro lamang ang layo mula roon sa ilog. Mukhang matanda narin ang bahay na iyon at marami nang pinagdaanang unos. Tagpi-tagpi kasi ang mga amakang pader nito na tila kinukumpuni nalang kapag nasisira.

Sa labas ng kubo ay mayroong matandang babae na nagpapakain ng mga manok. Tila hindi naman agad sila nito napansin dahil sa lakas ng putak ng mga alaga.

"Oy, Glenda! Halika't may bisita tayo!"

Napaangat tuloy ang tingin ng ginang at saka nanlaki ang mga mata nang masilayan na siya. Teka, ngiti ba ang nakikita niya sa bibig nito? Bakit parang kilala rin ata siya ng babae?

"Magandang hapon po," maiksi't lupaypay parin parin niyang bati rito.

"Ahh—ay! H-Halika't pumasok ka! Naku, pagpasensyahan mo na ang aming munting tahanan," aya naman agad ng ginang na tigas ng kakaalis sa mga kalat sa oras na maka-entra na sila.

"'Bay paghandaan naman ng kape ang ating bisita," utos agad nito sa asawa. "Importanteng panauhin are."

"Ay—oo nga! Teka't magpapakulo ako ng tubig."

Parang kambal na hindi mapakali sa pagaayos ang dalawa habang siya'y nanonood lamang sa sulok ng upuan. Maliit lamang itong kubo ngunit tila punung-puno ang bahay sa maganang pagkilos ng pares. Idinako naman niya ang tingin paikot sa kinalalagyang lugar. Nakakapagtaka lang talaga ang pamilyar na kapayapaan ng puso niya sa tahanang ito. Ewan ba niya... parang nakarating na siya rito dati.

Maya-maya pa'y sinamahan na siya ng magsasakang lalaki na nagpakilalang si Mang Poleng. Inilapag din nito sa kawayang mesa ang isang lata ng biskuwit na mukhang luma't kinakalawang na. Hindi muna nito ito binuksan, bagkus ay umupo muna ang ginoo sa kabilang silya at saka siya binati nang buong ngiti.

"Maligayang pagbabalik sa Barrio Balanac," agad na sabi nitong napakapormal pa. "Matagal ka na naming hinihintay eh."

Hindi na tuloy niya napigilang umiling. Wala kasi talaga siyang ideya sa nangyayari. Kanina pa niya pinipilit alalahanin kung saan niya nakilala ang mga ito ngunit wala talagang umusbong sa kanyang isip.

Fated to Love You: BOOK 3 || Social Serye [FINALE]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon