Episode 10: Red String (Part 1)

534 7 8
                                    

Manila Memorial Park.

In-off muna ni Xander ang kanyang cellphone matapos kausapin si Cathy sa sa gitna ng isinasagawang presscon. Mas maayos na't panatag ang puso niya ngayon—maalwan na kasi ang nasilayan niyang ngiti ng asawa sa screen. Unang beses niya iyong nakita sa loob ng isang linggo dahil hindi niya ito gaanong kinakausap nitong mga nakaraang araw.

Pero ayos na nga ba talaga siya? Tanggap na ba talaga niya ang pagbabagong susubok sa relasyon ng kanyang pamilya?

Isang malaking ewan. Kung magiging totoo lang siya sa sarili'y ipagsisigawan parin niya na hindi niya alam. Sa isang banda kasi'y gusto naman talaga niyang suportahan si Cathy sa pamamahala ng DVG, ngunit sa kabilang banda rin ay nasasaktan siya para sa sarili dahil sa nangyaring pagkakasipa.

Oo na... ma-pride na kung ma-pride. Sino bang natutuwa sa career na nasagasaan? Bukal na sana sa loob niya't tanggap sa sarili ang pagkakasibak, pero nang ianunsyo na ng lola niya ang paghalang ng misis ay doon siya biglang nanlumo. Para siyang sinampal sa magkabilang pisngi. Para siyang initsapwera't inisantabi. Sa halip tuloy na magpaalam siya sa kompanya na nakataas ang noo'y nagmistula lang siyang dumi sa gilid na winalis nang walang kaisip-isip.

Kapag naaalala parin niya'y kumikirot ang kanyang dibdib. Masakit.

Pero basta't masaya si Cathy. Basta't masaya ang mahal niya. 'Yon naman ang importante diba? Kahit hindi na siya o 'yong nararamdaman niya.

Diba?

"Yeah... you'll be fine, Xander. You'll be fine. Take it like a man..."

Idinaan nalang niya sa mabilis na iling ang pagwaksi sa paksa at saka bumaba sa kanyang kotse. Wala munang makakaistorbo sa kanya ngayon. Dito sa puntod ng kanyang mga yumaong mahal sa buhay ay makakalayo siyang saglit upang magpalipas ng natitirang sama ng loob.

Nang makapasok sa loob ng musoleo'y ipinatong agad niya sa gitna ng magkatabing puntod ang dalang malaking kumpol ng bulaklak. Hindi pa katagalan noong dumalaw siya rito noong Araw ng mga Patay. Nadadalas ata siya. Magaan kasi sa dibdib ang katahimikan sa paligid. Nakaka-relax, nakakapanatag ng pusong mapalapit sa mga magulang. Umupo siya sa harapang sahig na naka-ekis ang mga binti't saka huminga nang pagkalalim. Tinitigan lang niya ang mga titik ng pangalang nakaukit sa bato at pinagmasdan iyon nang tahimik.

Mabuti pa ang mga nahimlay, payapa na at walang iniisip.

Hihipuin sana niya ang lapida ng ina nang bigla naman siyang makarinig ng ingit ng metal sa entrada. Bumukas ata ang bakal na gate sa dakong unahan. Kinabahan tuloy siya't napalingon sa likod. Hindi naman siya sobrang matatakutin pero... nasa gitna parin siya nang sementeryo at wala naman siyang inaasahan na dadalaw sa pribadong musoleo. May multo bang gumagala sa katanghaliang tapat?

Inisip tuloy niyang gumapang at magtago sa gilid ng nitso ng nanay kung saa'y hindi siya makikita ng kung sino mang magtatangkang pumasok. Doo'y inabangan niya't maingat na sinilip ang espasyo kung saan inaasahang dadaan ang kung sino.

Babae. Babae iyon na nakasuot ng salamin at nakatalukbong pa ng puting scarf kaya't hindi agad niya mamukhaan ang itsura. Alam nito ang pasikut-sikot sa musoleo dahil hindi ito nagdadalawang isip sa lugar na pinupuntahan. Madalas kaya ito rito? Malayo ba nila itong kamag-anak?

Pinanood lang niya ang babae sa paghahanap sa puntod nitong pakay. Nakailang marmol na nitso din ata ang nadaanan bago ito tumigil sa destinasyon. Doon—sa harapan ng lapida ng kanyang Lolo Adriano—doon ito huminto at inialay ang basket ng bulaklak na dala. Wala itong kibo at hindi rin masyadong kumikilos. Sa pakiwari pa nga niya'y nakatungo ito't nananalangin sa piniling pwesto. Matagal ding ganoon ang babae, tahimik, ngunit ilang saglit pa'y humawak din ito sa nitso ng namayapang matanda.

Fated to Love You: BOOK 3 || Social Serye [FINALE]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon