Episode 12: The Second Strike (Part 4)

254 7 2
                                    

Disclaimer: This part contains a sensitive topic.

~•~

Bagong Taon, 2022.
Library, Aragon Residence.

"Happy New Year to me," sambit ni Señora Amelia sabay angat ng kopitang may lamang alak.

Bagong taon na bagong taon ay alkohol na agad ang kanyang inaatupag. Ano pa bang pwedeng gawin sa loob ng bente oras sa unang araw ng 2022? Gumawa ng New Year's Resolution? Ilang dekada na niyang ginagawa iyon. Bawat taon ay bumubuo siya ng panibagong kagustuhan sa buhay—mag-travel, magpakaligaya, magpakasasa sa pera—pero lagi sa huling sandali'y bumabalik sa obsesyon ang kanyang gawi. Paghihiganti, galit, paninira ng buhay ng mga taong nanakit sa puso niya... iyon, doon napupunta ang buo niyang lakas.

Ilang dekada na nga ba magmula nang maghiwalay sila ni Adriano? Apat? Lima? Bakit ganoon nalang ang tagal ng pighati niya? Ang damot ng oras. Sabi nila 'time heals all wounds' pero kahit pagkatagal-tagal na'y tila isinumpa ata ang puso niya na makaramdam ng panghabambuhay na sakit? Hindi ito mawala-wala.

Limampung taon na nga at halos magiba na niya ang pundasyon ng mga Del Viñedo pero hindi parin siya masaya. Sa tanan kasi ng paghihiganti niya'y ngayon lang siya nakasaksi ng katatagan ng pag-ibig sa katauhan nila Xander at Cathy. Ito ang nagpapahirap sa kanyang sitwasyon. Ilang beses na niya sinubukang sirain ang relasyon ng mga ito ngunit kahit na nagaaway ay parang mas tumatatag ang samahan ng dalawa. Naiinis siya na namamangha. Bakit hindi siya naipaglaban ng ganoon ng una't huling lalaking minahal niya? Bakit kailangang ipaghiganti pa niya ang sarili para ipamukha sa yumaong dating nobyo na may silbi siya sa kinabilangan nitong mundo?

Nilaklak agad niya ang natitirang laman ng baso saka ito muling pinunuan. Pag-angat muli noo'y nagawi ang kanyang mga mata sa larawan nila ni Lucas sa kabinet. Tinitigan lang niya ito saglit. Minsa'y naiisip parin niya kung nakaramdam ba ng duda ang dating kalaguyo (na naging asawa nang naglaon) sa tunay niyang damdamin. Aaminin na niya, oo, ginamit lang niya ito para isakatuparan ang kanyang mga plano.

Inusog niya sa gilid ang kwadra upang makuha ang nakatago sa likod. Nandoon parin iyon—ang kanyang munting kahon ng mga alaala. Naglalaman kasi ito ng mga larawan ng buhay niyang minsang naging masaya't maningning. Karga rin noon ang iilang litrato nila ni 'Adi' na tawag niya sa first love niya.

"Alam mo bang galit parin ako sa'yo?" Usap niya sa lukot na litrato ni Don Adriano. "Basta ka nalang nawala nang hindi humihingi ng tawad. Ang kapal mo rin talaga. Minahal ka pa naman ng pamilya ko. I would've chosen a good life with you."

Ewan ba niya kung dala na ito ng alak sa sistema pero bumababaw ang luha niya. Kadalasan nama'y napipigil niya ito ngunit hindi sa oras na iyon.

"... Humingi ka ng tawad, tarantado ka! Palayain mo ang puso ko!"

Muli niyang nilamutak ang larawan at itinapon ito sa sahig. Nakakasawa na. Pero alam niya ang susunod niyang gagawin. Alam niyang maya-maya lamang ay pupulutin na naman niya ito't itatago.

Habang naghahalungkat ng iba pang mga larawa'y napadpad ang kanyang tingin sa kakaibang lumang litrato na parang ngayon lang niya nakita. Nakakapagtaka dahil ang alam niya'y wala siyang masyadong naitagong larawan ng kanyang pamilya, lalo na ang mga lumang kaanyuan ng kahit sino sa kanyang angkan.

Pero ano ito? Pagkakita niya sa larawan ay napansin niya agad ang pamilyar na hugis ng mukha nito't itsura ng mga mata't ilong. Napakunot tuloy siya't tamemeng napatitig.

Lasing na ba siya? O tuliro na sa mga hinanakit? Bakit kung anu-ano nalang ang kanyang nakikita?

* * *

Fated to Love You: BOOK 3 || Social Serye [FINALE]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon