Mansión de la familia Del Viñedo. 11:02pm.
Pinagmasdan lang ni Xander mula sa tabi ang likod ng nakahigang si Cathy. Parehas na silang namamahinga pero nakatalikod ito sa kanya't malayo ang pagkakaipod sa kadalasang pwesto. Kung tutuusin nga'y pwede pang magkasya ang isang tao sa kanilang pagitan. Ewan ba niya, ayaw talaga siya nitong tabihan.
Kanina pang ganoon ang asawa. Simula pa noong matagpuan niya ito sa ospital ay hindi na niya ito makausap nang maayos. Pag-uwi naman nila sa bahay ay pinagpahinga na niya ito rito sa kwarto ngunit ang anak lang ang gusto nitong kausapin. Ang mga kasambahay nalang din ang nag-asikaso sa misis upang makapaghapunan ito nang maayos. Kapag kasi lumalapit siya'y itinataboy lang siya ng masungit na esposa.
Ngayon nalang sila nagkatabi. Nagkulong nalang muna kasi siya sa study room at hindi na lumabas hanggang sa katukin siya ng anak na inaantok. Pagkapatulog naman sa bata'y saka lang siya tuluyang bumalik sa kanilang kwarto. Ganito na niya nadatnan ang katuwang—namamahinga at nakalayo nang maigi ang katawan.
Gustung-gusto niya itong yakapin. Gusto niyang malaman kung bakit ganito nalang ang pag-iwas nito sa kanya. 'Yun nga lang, sa tuwing nakakakuha siya ng lakas ng loob ay nawawala rin ito. Hindi kasi niya matantiya nang maayos ang kondisyon ng misis.
Marahan na ang paghinga ni Cathy. Napapansin din niyang hindi na ito gumagalaw sa tuwing umuusog siya. Pagkakataon na ito marahil. Dahan-dahan niyang iginapang ang kamay sa ilalim ng kumot hanggang sa maabot ng mga daliri ang malambot nitong nightgown. Sa mga tupi ng tela nito'y nakiramdam muna siya habang nakatitig nang malagkit sa mahabang buhok ng misis.
Maya-maya pa'y dinama na niya ang hubog ng baywang ng babae. Parang langit sa kanyang palad ang bawat haplos niya rito. Kanina pa siya nasasabik. Bawat pulgada ng pag-ipod ay unti-unti na niyang nasasalo ng katawan ang likuran ng esposa. Doon nalang siya nahimasmasan. Humalik siya nang marahan sa ulo ng kayakap at kumapit nang pasalok sa hugis nito.
Pero hindi pa nakaka-limang segundo'y bigla nalang kumawala si Cathy. Gulat tuloy siyang napanganga. Dumistansya pa nga ito na halos mapunta na sa dulo ng kama ang balingkinitan nitong pangangatawan. Sinubukan parin niya itong lapitan. Muli siyang yumakap sa misis pero agad ding itong bumangon at nagdudumaling umalis sa higaan. Sinuot nito ang tsinelas, kinuha ang balabal at saka tuluyan nang lumakad nang malayo sa kanyang tabi. Walang pasabi, walang kahit ano. Wala narin siyang ibang nagawa kundi ang sundan nalang ito ng tingin hanggang sa tuluyan na itong makalabas sa pinagsasaluhan nilang kwarto.
Iniwan siya nito. Ni hindi man lang siya kinausap o nilingon. Wala. Naglakad lang ito papalayo at hindi pa sinabi kung saan tutungo. Kinuskos nalang niya ng mga kamay ang pagod na mga mata't iginala ang mga daliri sa buhok. 11:12—sabi ng orasan. Bumuntong-hininga siya't tumitig sa kisame sa gitna ng kalamlaman ng ilaw.
* * *
BINABASA MO ANG
Fated to Love You: BOOK 3 || Social Serye [FINALE]
RomansaFINAL BOOK OF FATED TO LOVE YOU SERIES. Sa ikatlo at huling yugto ng storya, patuloy kayang mangingibabaw ang lakas ng kapit ng pag-ibig? O magpaparaya ang tadhana sa hagupit ng mapaglarong sumpa? Alin ang magiging mas matimbang sa huli? Continuatio...