Episode 15: Cursed Love (Part 1)

204 3 1
                                    

Diciembre 1843.
Magdalena, Laguna.
Alas-sais ng gabi.

Katatapos lang magtulungan sa pagaayos ng mga kagamitan sina Arturo at Klarissa sa munti nilang kubo na tinutuluyan. Luma na ito at ilang buwan nang walang tumitira dahil pinalayas daw ng may-ari ang dating nangungupahan sa kadahilanang hindi ito makabayad nang wasto. Mabuti na lamang at may naibaon si Arturo mula sa sarili niyang ipon upang pansamantala nilang magamit ang lugar hangga't hindi pa sila nakakapagdesisyon sa patutunguhan.

Doon kasi sila napadpad sa Barrio Balanac sa tabi ng Ilog Pagsanjan. Malayo ito sa unang pinagturuan sa kanila ni Doña Ana dahil ayaw niya na matunton sila ng ama kung sakaling pilitin ang nanay na magsalita. Hindi na baleng hindi siya kumportable. Kahit kasi hindi magarbo ang lugar kumpara sa bahay-bakasyunan ng kaibigan ng ina'y dito'y payapa silang makakapagsama. Kung nasaan si Klarissa ay naroon din siya at handang suungin ang kahit ano upang maitaguyod niya ang pamilyang nais niyang buuin kasama ito.

Kasalukuyan siya noong nagtatanggal ng mga kahoy na tukod mula sa bintana at inihahanda na ang sarili na mamahinga. Pero habang nagtitiklop ng mga damit sa banig ang nobya ay napansin niyang hindi ito kumikibo. Nakatalikod ito sa kanya at inilalabas sa bagahe niya ang kanyang mga gamit pero kanina pa itong tahimik.

"Mahal?" Tawag niya sa babae na naisipan niyang lapitan at kumustahin.

Bigla nalang itong nagpahid ng pisngi't lalo lang itinungo ang ulo habang ipinagpapatuloy ang ginagawa.

"O... nais mo na bang magpahinga? Sandali na lamang ito..."

Agad naman siyang lumuhod sa tabi ni Klarissa at pinigil ng kamay ang pagtitiklop nito saka niya ito pinatingin sa kanya. Naroon parin nga ang namumula nitong mga mata na ubod ng lungkot at pamumungay.

"Bakit ka umiiyak?" Tanong tuloy niyang nababahala.

Hindi naman nakasagot ang kasintahan at bagkus ay nawalan ito ng kontrol sa mga luhang nagsimula na muling dumaloy. Bumuntong-hininga tuloy siya. Sinubukan niyang pawiin ang kalungkutan nito sa pamamagitan ng pagpahid sa pisngi ngunit hindi parin ito makatigil.

"... Hindi mo ba gusto ang ating ginawa?"

"... Natatakot ka ba? Nagsisisi..."

Umiling si Klarissa't saka naman tinabanan ang kanyang mga kamay.

"Hindi..." tugon ng binibini. "Nababahala lamang ako dahil... hindi ko nasabihan ang aking inay at itay... tiyak na mag-aalala sila sa akin kapag nalaman nila ang nangyari. Maaaring hindi ko narin sila makita... pero hindi man lang ako nakapagpaalam..."

Dito na bumuhos ang kinikimkim nitong hagulgol at pagiintindi sa lagay ng mga mahal sa buhay. Wala tuloy siyang ibang nagawa kundi aluin sa haplos sa braso ang nagdaramdam niyang nobya habang inilalabas nito ang mga agam-agam.

"Bakit hindi mo sila sulatan? Gagawa ako ng paraan upang maiparating ito sa kanila," alok naman niya.

Marahan lang itong bumuntong-hininga't sa pagpunas ng mga luha'y ipinagpatuloy na lamang ang pagtitiklop ng natitirang mga damit nilang dala.

"... O... nais mo bang... ihatid na kita sa inyong bahay?"

Napatigil tuloy si Klarissa sa ginagawa at agad na bumaling sa kanya ang gulat na mga mata. Paulit-ulit itong umiling habang iniuusog sa tabi ang mga kagamitan.

"Sasama ako sa'yo kahit saan tayo mapadpad, Arturo..." wika nitong salop sa palad ang kanyang mukha. "Ayokong magkawalay tayo. Pinili ko ang buhay na kasama ka kaya't paninindigan ko ito. Hindi kita iiwan... dito lamang ako sa tabi mo..."

Fated to Love You: BOOK 3 || Social Serye [FINALE]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon