Episode 17: Six Months of Loneliness (Part 6)

234 12 6
                                    

Sa Ilaya.

Pagbalik ni Kakang Husta sa bahay ay kaagad siyang pumasok sa silid gamutan. Matagal narin niyang hindi nagagamit ang lugar na ito magmula nang siya'y nangibang-bayan. Hindi na sana niya gusto pang bumalik pa sa Santa Catalina ngunit nakaramdam ulit siya ng pangangailangang magpakita. Tama nga ang hinala niya, ano mang oras talaga'y maaari na namang magtagpo ang isinumpang magsing-irog.

Pagkahagip niya sa kahon ng itinatagong bote'y agad niyang sinilip ang laman nito. Naroon parin naman ang lahat ng piraso ng pulang tali maging ang litratong naglalaman ng sumpa.

Agad na namang kinabahan ang matanda. Sa pagkakataon kasing ito'y wala na siyang kontrol. Nagawa na niya ang dapat gawin upang pahupain ang galit ng nakaraan pero kung muling magsasama ang dalawa'y hindi na niya alam ang mangyayari. Hindi maaari iyon, kailangan niya itong pigilan.

Pagkasingit ng bote sa supot ay nagdudumaling lumayas ang matanda. Sana'y hindi pa huli ang lahat, sana'y may oras pa.

* * *

Sa hardin ng hacienda.

Biglang namuo ang kakaibang dilim ng langit na sumaklob sa bughaw na kalangitan. Kasunod noon ang dagundong ng kulog na nagbabadya ng paparating na masamang panahon. Natakot tuloy sila magkapatid kaya't agad na nagsumiksik ang mga ito sa katawan ng ina, ngunit tila wala naman sa sarili ang babaeng nakatayo.

Nakatitig lang noon si Xander na halos takasan na ng lahat ng kulay sa mukha. Sunud-sunod ang kalampag ng mga bintanang noo'y hinahampas ng malakas na hangin. Heto nga muli sila, sa parehong pwesto kung saa'y madalas silang magkita, halos dalawang siglo na ang nakalipas.

Sumibol ang pagsisisi sa mga mata niyang hindi mawari kung saan huhugot ng lakas na magumpisa.

"Minahal mo ba talaga ako noon? O pinaglaruan mo lang ang puso ko?" Ika na ni Cathy na buong-buo ang sakit sa tinig.

Sa mga pangungusap na iyo'y kumuyom ang kanyang kamao't kunot-noo niyang pinagmasdan ang esposa. Kung anong ipinait ng ekspresyon ng babae'y gayundin ang pagdaramdam ng kanyang kalooban.

"... Parausan ba ang tingin mo sa'kin? Gamit na madaling itapon? Na kaya hindi mo 'ko nagawang panindigan kasi... wala naman talaga akong halaga sa'yo."

"... Lumigaya ka ba kay Felicidad? Nabuhay ka ba nang masaya?"

Halos hindi na siya makahinga sa sunud-sunod nitong paratang. Ganito pala ang kinikimkim nitong mga katanungan sa sarili. Nagtagni-tagni tuloy sa isip niya ang nakaraan at kasalukuyan na nagpapatindi rin sa sarili niyang saloobin.

Nabuhay ba siya nang masaya? Pitong taon—'yon lang ang itininagal ng durog niyang puso nang mawala si Klarissa. Ni hindi nga niya nakayanan ang magtagal sa mundo. Hindi niya alam sa sarili kung ano ang depinisyon ng masaya sa sobrang salimuot ng pagkatao niya bilang si Arturo.

"Kung alam mo lang..." hayag na niyang may kirot din sa tugon.

"... Kung alam mo lang kung gaano kita minahal... and I never stopped. Walang araw na lumipas na hindi ko sinisi ang sarili ko kasi... kasalanan ko lahat..."

Nag-iiling siya habang inaalala.

"... Te perdí... Perdí a mi hija... Lo perdí todo. Todavía me duele el corazón recordando todo esto y no podía perdonarme a mí mismo."

"... Paulit-ulit, everyday... I hated myself so much. Bakit wala akong nagawa? Bakit hindi ko kayo nailigtas? Masakit. Kung alam mo lang kung ga'no kasakit sa'kin... I wanted to die with you right there... I wanted to go..."

Fated to Love You: BOOK 3 || Social Serye [FINALE]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon