Episode 17: Six Months of Loneliness (Part 3)

249 10 8
                                    

Makalipas ng ilang araw.
Junior Master Bedroom.

"Girl, sigurado ka ba sa gusto mong gawin? Ipapahanap mo talaga 'yong nagbibigay ng bulaklak? Eh paano kung stalker yun?"

Halata parin ang pagkabalisa sa mga kilos ni Cathy habang pinakikinggan ang paalala ng matalik niyang kaibigan. Nakakailang ulit na ata niyang pinagiiba-iba ang pwesto ng mga damit ni Zia na ino-organize sa kabinet. Manong hindi siya makuntento sa pagkakatiklop nito o hindi niya gusto ang itsura ng mga kulay. Kung anong ikinagulo ng utak niya'y siya rin namang ikinalikot ng kanyang mga kamay.

Magmula kasi noong huli siyang makatanggap ng misteryosong padala'y hindi na niya ito maalis sa isipan. Inaral na niya sa utak ang halos lahat ng posibleng eksplanasyon pero wala talagang magtugma sa mga ito. Ang tangi nalang niyang hiling ay ang mahanap niya ang nagpadala. Ilang araw narin ang nakakalipas. Bakit kaya hindi na ito bumalik?

"Paano kung sindikato or kidnap-for-ransom? Paano kung mapahamak ka?" Patuloy parin ni Marti.

"Paano naman kung hindi?" Balik naman niyang tanong. "Paano kung si Xander pala 'yon at gusto niyang bumalik sa'min?"

Humugot tuloy nang malalim si Marti at hindi na naitago ang iling. Habang nananahimik ay ipinagpatuloy na lamang nito ang pakikipaglaro sa inaanak gamit ang mga nakasabit na laruan sa duyan.

"Mars, I'd hate to play the devil's advocate but... it's been more than six months. Kung babalik siya, hindi ba dapat ginawa na niya? Dapat hindi na niya pinatatagal? What for?" Sabi nito nang naglaon.

Napapikit tuloy siyang saglit habang tinitiis ang pait ng katotohanang narinig. Tama naman iyon. Kung buhay pa nga si Xander, bakit hindi pa ito bumabalik? Bakit nito hinahayaan na magdusa't magalala ang pamilya? Hindi ba napakawalang-puso naman nito kung ganoon?

Unti-unti na ngang nanlumo ang kanyang balikat at tinuon na lamang niya sa pagtitiklop ang natitirang lakas. Kung ano mang pag-asang naninirahan pa sa puso niya'y tila malapit na ngang malusaw. Baka nga naghihintay lamang siya sa wala. Baka nga umaasa lamang siya sa hangin.

"Ayoko lang na masaktan ka, marsie... I'm worried about you. Lahat kami nagaalala. Kaya nga kami nandito diba?" Dagdag pa ng kunot-noong dalaga.

Bago pa man siya makapagsalita'y kumatok sa pintuan ang isa sa kanilang mga katiwala't agad siyang hinanap. Nang papasukin na niya ito'y kaagad naman nitong sinabi kung ano ang sadya.

"Señorita, nand'yan po sa baba 'yong lalaking nagdadala ng rosas," anunsyo ng babae ukol sa bisita. "Pinapasok po namin tulad ng utos niyo."

Nagulat tuloy siya't nanlaki ang mga mata. Hindi niya kasi akalaing babalik pa ito't magpapakitang muli. At ngayo'y nasa loob pa ito ng mansyon at kasalukuyang naghihintay sa kanya? Lumakas nang labis ang pintig ng kanyang puso sa nangyayari. Makikita na nga ba niya ang matagal na niyang gustong masilayan?

"Cathy..." pigil parin ni Marti na pilit siyang pinapaalalahanan. "Hindi mo alam kung sino 'yan."

"Gusto ko parin siyang makita," aniyang parang batang sumusuway habang bara-barang tumatayo.

"Uy!"

* * *

Formal Living Room.

Sa huli'y wala nang nagawa si Marti sa pagnanais niyang makababa. Iniwanan na muna niya sa pangangalaga ng kaibigan si Zia pati narin ang mga damit nitong nakabuyangyang parin sa bukas na kabinet. Nagmamadali siyang lumabas sa kwarto't tinahak ang hagdan upang puntahan ang lalaking nagdadala ng kanyang mga regalo. Pigil-hininga pa siya. Baka sakali nga kasing ito na. Baka nga—sana nga—

Fated to Love You: BOOK 3 || Social Serye [FINALE]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon