Hacienda de las Rosas Silvestres.
Engrandeng Fiesta Pagkatapos ng Kasal.Malaking pagtitipon ang naganap sa hacienda ng mga Del Viñedo pagkatapos ng kasal nila Arturo at Felicidad na idinaos sa basilika sa bayan. Nagbukas ang buong entrada ng mga ito para sa lahat ng mga nais makilahok—mahirap man o mayaman, magkakalahi man o hindi—lahat ay imbitado sa malaking salu-salo.
Kung titingnan sa panlabas ay para itong isang tipikal na magarang selebrasyon ng dalawang taong pinagisa ng pagmamahalan. Masaya ang nobya, masaya ang magbabalae... ngunit ang nakakubli sa mga pakitang-taong ngiti ng nobyo ay ang ukab na sisidlan ng puso't diwa nitong wala na roon. Patay na ang sindi ng ilaw na nagbibigay buhay sa pagkatao nito't pagasa. Tanging kalansay na lamang ng palasunod na señorito ang nakikisalamuha't aakalain mong tunay na may pakialam sa kaganapan.
Ang totoo'y upos na upos na si Arturo. Sa ilalim ng maskara niyang ngiti na pinagmumukha siyang tanga'y nais na niyang maglaho. Sa bawat pasasalamat niya sa pagbati'y gusto niyang tumakbo sa gitna ng malakas na bagyo upang tamaan na siya ng kidlat at tustahin hanggang sa mabura ang pangalan niya sa mundo. Iyon, iyon ang gusto niya. Pero hindi maaari dahil isa siyang Del Viñedo. Isa siyang isinumpang eridero na magmamana ng lahat ng basura ng ama niyang sakim sa kapangyarihan at pera. Iyon talaga ang misyon niya sa mundo.
Habang sila'y nanonood ng nagpapalabas na mga mananayaw ay panandalian munang nagpaalam si Felicidad upang kausapin ang mga amigang nagsilapitan. Nang mawala na tuloy sa tabi niya ang babae'y doon niya unti-unting naramdaman ang paglitaw ng totoo niyang estado—tulala at blanko ang isip, lutang at walang ngiti. Napansin agad ito ni Doña Ana na kanya ring katabi at agad siyang tinapik sa braso.
"Sumama ka sa akin," bulong ng nanay sa wikang dayuhan upang hindi maintindihan ng mister.
Hindi naman sila nakaligtas sa usisa ng kahanay ding si Don Miguel na agad inalam ang kanilang pakay.
"Adónde vas?" Kunot-noo nitong tanong.
"Le mostraré a Arturo dónde guardo mi regalo para Felicidad," katuwiran nalang ni Doña Ana na walang katotohanan.
"No te vayas por mucho tiempo. Tenemos que decir nuestro mensaje después de la actuación."
Tumango naman agad ang senyora rito't mabilis na kinuha ang kanyang kamay upang yakagin sa likuran ng mansyon. Nang makapasok na sila't madala siya sa di mataong pasilyo'y saka siya nito hinarap at dinama ng palad ang kanyang mga pisngi.
"Mi amor..." panimula nito sa pagtatanong. "Kamusta ang iyong pakiramdam?"
Muli siyang ngumiti sa abot ng kanyang makakaya—pagkanipis at walang kalasa-lasa. Nananamlay ang kanyang buong katawan pero dahil ipinapakita niyang malakas siya'y binablanko na lamang niya ang kanyang mukha.
"Mahalaga pa po ba ito? May saysay pa ba na alamin kung ano ang aking nararamdaman?"
Humaplos tuloy sa kanyang braso ang nagaalalang ina at saka nito tinabanan ang kanyang kamay.
"Karamay mo ako, anak. Sa aki'y maaari kang magpakatotoo, alam mo iyan. Ilabas mo ang iyong saloobin, por favor... baka ka magkasakit sa pagkikimkim."
Habang nakalihis ang kanyang titig tungo sa makitid na daang kinalalagyan ay unti-unting bumabalik ang mga alaala ni Klarissa sa lugar na ito. Nakikita niya ulit sa isip ang imahe nitong naglalakad na may ngiti sa mga labi. Mga alaala ng mga tagong sandali na nagtatagpo rin sila rito sa pasilyo na malapit sa tulugan ng mga katiwala. Gustung-gusto niya itong balikan, gustung-gusto niya itong mangyaring muli. Ngunit tanging ang malalamig na bato na lamang at ang bahagi ng imahinasyon ang natitira niyang lubid sa bintana ng nakalipas.
BINABASA MO ANG
Fated to Love You: BOOK 3 || Social Serye [FINALE]
RomanceFINAL BOOK OF FATED TO LOVE YOU SERIES. Sa ikatlo at huling yugto ng storya, patuloy kayang mangingibabaw ang lakas ng kapit ng pag-ibig? O magpaparaya ang tadhana sa hagupit ng mapaglarong sumpa? Alin ang magiging mas matimbang sa huli? Continuatio...