Kinabukasan:
Manila Memorial Park, 6:30am.Maaga pa nang makarating si Cathy at ang mag-ama niyang si Xander at Zion sa sementeryo kung saan nakahimlay ang mga magulang ng mister. Sinadya muna kasi nila ito bago pumunta sa Batangas. Unang beses din niyang makikita ang puntod ng mag-asawa—ewan ba, nakakakaba tuloy. Hindi naman kasi siya isinasama ng esposo noon kapag dumadalaw ito rito. Kaya't ito ang magiging kauna-unahang pagkakataon na ipapakilala siya ni Xander sa dalawa sa mga importanteng tao sa buhay nito.
Napahinto nalang siya sa paglalakad nang biglang tumigil ang magtatay sa harap ng isang malaking musoleo. Gawa ito sa marmol at nagniningning sa liwanag ang bato sa kabuuan nitong istraktura. Doon naman sa tuktok ay nakaukit ang malalaking letra sa gintong pintura:
DEL VIÑEDO
Hindi nga kataka-taka, prominente talaga ang mga nakahimlay dito. Kumpara kasi sa mga nakapaligid na libingan ay malawak ang sakop nitong musoleo. Kahit nga ang disenyo nito'y tila mula pa sa panahon ng mga Kastila. Kakaiba talaga.
Habang karga sa bisig ang sariling palumpon ng bulaklak ay sinundan niyang muli sina Xander at Zion na nagsimula nang pumasok sa loob. Tigi-tigisa pa sila ng mga dala. Gusto kasi niya'y lahat sila ay magbigay ng galang sa mga yumao.
Nagpagala-gala naman ang kanyang tingin sa buong lugar. Marami pa palang ibang nitso itong nilalaman. Ngunit doon sa kalagitnaan kung saan may dalawang puntod na mapayapang magkasama, doon sila dinala ng esposo. Sa paglapit nito'y lumuhod ang lalaki at ipinatong ang dalang bungkos ng bulaklak at saka hinipo ang magkarugtong na lapida.
~
RAMIL DEL VIÑEDO
HELENA DEL VIÑEDO
Magkasamang naglakbay sa langit noong ika-14 ng Setyembre, 1996.
~"Good morning..." mahinang bati ni Xander sa mga magulang. Maging ang mga litrato na nakatabi sa mga pangala'y marahan nitong hinipo.
"... It's been a while, Mama."
"... Papa."
Sandali namang nanahimik ang esposo. Nakatitig parin ito sa parehas na nitsong dinaramang muli ang nakasulat. Naaalala tuloy niya ang tatay niya—alam niya kasing kahit anong tagal ng panahon ay hinding-hindi mawawala ang sakit ng pagkawala ng magulang. Nasa puso parin niya ito, pero doble iyon para kay Xander. Dobleng sakit ang naranasan nito sa edad na halos kalapit lang noon ng kay Zion.
"Sorry..." matipid at halos hindi na marinig na bulong ng asawa.
Maya-maya pa'y pumikit na ang lalaki at saka payapang tumungo sa sahig. Pinagmasdan naman nila ito ng anak na katabi. Hanggang sa handa na ito. Hanggang sa makatayo na ulit ito't yayain na sila papalapit.
"Ma... Pa... I know I should've done this a long time ago but..." paumpisa nito sa pagpapakilala sa kanila, "... I'd like you to meet my wife, Cathy... and my son, Zion. My family."
"... I'm not alone this time. We're all here to see you."
Maingat at dahan-dahan siyang umabanse sa hudyat na iyon at ipinatong ang bulaklak sa tuktok ng himlayan. Napatingin din siya sa mga larawan ng mga ito. Kamukha pala talaga ni Xander ang tatay, ngunit mana naman sa nanay ang hugis ng mukha nito.
"Hello po... it's nice to meet you po," bati niya sa yumaong mag-asawa.
Saka naman niya inalalayan si Zion sa paglapit at pagbibigay din ng sarili nitong dalang bulaklak.
"Hello, Lola and Lolo..." sambit ng maliit na boses ng kumakaway na bata. Nag-flying kiss pa ito sa dalawa na nakapagpangiti naman sa kanya.
Pero tahimik lang si Xander sa tabi. Wala itong masyadong ikinibo matapos nilang bumati sa mga puntod ng magkatuwang. Napasilip tuloy siya sa tagiliran sa pagtataka. Dito na nga niya nakita na nakatulala pala ang asawa sa kinatatayuan habang nakatitig parin sa mga puntod.
BINABASA MO ANG
Fated to Love You: BOOK 3 || Social Serye [FINALE]
RomanceFINAL BOOK OF FATED TO LOVE YOU SERIES. Sa ikatlo at huling yugto ng storya, patuloy kayang mangingibabaw ang lakas ng kapit ng pag-ibig? O magpaparaya ang tadhana sa hagupit ng mapaglarong sumpa? Alin ang magiging mas matimbang sa huli? Continuatio...